Advertisers
IGINAPOS ng 18-anyos na estudyante ang kanyang sarili at nagpanggap na may gumawa nito sa kanya sa isang paaralan sa General Nakar, Quezon nitong Miyerkules, Enero 18.
Ayon sa report, 6:46 ng umaga nang makatanggap ng tawag ang awtoridad mula sa security guard ng paaralan hinggil sa estudyante na kanyang natagpuan sa kantina ng paaralan.
Sa pahayag ng biktima, 4:30 ng hapon nang magpaalam ito sa kanyang mga kaibigan na babalik siya sa paaralan upang kunin ang payong na kanyang nakalimutan.
Dagdag pa nito, nang pabalik na siya sa paaralan, nakasalubong niya ang dalawang lalaki na nag-spray umano ng kemikal sa kanya kung kaya nawalan ito ng malay.
Subali’t sa pamamagitan ng masusing panayam at pag-iimbestiga, nadiskubre ng pulisya na nagsisinungaling ang naturang binata. Umamin ito na ginawa niya lamang ang kwento.
Sa kanyang pag-amin, 11:00 ng gabi nang akyatin nito ang konkretong bakod para makapasok sa compound ng paaralan.
Ibinunyag din ng binata na kinuha niya ang garden hose at saka itinali ang sarili.
Ayon pa sa kanya, nagawa lamang niya ang senaryo dahil sa galit, kakulangan sa atensyon, pagmamahal at nararamdamang selos sa kanyang ina.
Napag-alaman din na may problema ang binata sa kanyang pamilya.