Advertisers
Arestado ang dalawang kasapi ng ‘salisi gang’ ng mga guwardiya nang ireklamo ng magkasintahan na natangayan ng mahahalagang gamit habang kumakain sa isang restaurant na nasa loob ng shopping mall sa lungsod ng Makati.
Sa ulat na natanggap Southern Police District (SPD) District Director PBGen Kirby John Brion Kraft, nakilala ang mga suspek na sina Wilson de Jose y Gapas, 22; at Christian Jay Marquez y Tullao, 22.
Positibong itinuro sina de Jose at Marquez ng biktimang itinago sa pangalang Ciara, 22, Instructional designer ng Makati City.
Sa report, naganap ang insidente 10:30 ng gabi sa loob ng Tenyang restaurant na matatagpuan sa 2/F ng Glorietta 2 Mall, Ayala Center, Barangay San Lorenzo, Makati City.
Ayon sa ulat, habang kumakain ng panghapunan ang biktima kasama ang nobyo nito sa loob ng nasabing restaurant napansin nila na nawawala ang bag ni Ciara na nakasabit sa stroller. Agad na humingi ng tulong sa guwardiya ang biktima kung saan ipinarating ang kaalaman sa Security office.
Nagsagawa nang pagsusuri ang operator ng CCTV sa nasabing gusali at agad na ipinarating ang paglalarawan ng mga suspek sa lahat ng mga guwardiya na sibilyan kung saan sinilip ng mga otoridad ang lugar ng mga taong tumutugma sa nasabing paglalarawan.
Hindi na nakapalag ang dalawang suspek nang masakote sila sa loob ng Nike store na nasa Glorietta 3 Mall. Natukoy ng biktima na ang mga nakuhang brown leather tote bag na naglalaman ng iPhone charger, vape, aldo wallet na may cash money, vacinnation card at FEU school ID na personal niyang pag-aari.
Dinala ang mga suspek sa himpilan ng Ayala Police Sub Station para sa dokumentasyon at tamang disposisyon. (JOJO SADIWA)