Advertisers
NASAWI ang isang guro, at sugatan ang kanyang anak at pamangkin nang tambangan sila sa Sultan sa Barongis, Maguindanao Del Sur.
Kinilala ang biktima na si Benjie Maon, punong guro ng Mileb Elementary School, Rajah Buayan, Maguindanao Del Sur.
Sugatan naman ang limang taon gulang niyang anak at 7-anyos na pamangkin na tinamaan ng mga ligaw na bala.
Ayon kay Maguindanao Police Provincial Director, Colonel Noel Sermese, lulan ng motorsiklo ang mga biktima nang pagbabarilin sa bahagi ng Sultan Sa Barongis.
Tumakas ang mga salarin sakay ng motorsiklo patungo sa liblib na lugar ng Sultan sa Barongis.
Kaagad nasawi ang guro na tinamaan ng bala sa ulo at dibdib, habang naisugod sa pagamutan ang anak at pamangkin nito.
Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa krimen.