Advertisers
HINDI na yata titino ang Region 4A CALABARZON dahilan sa matindi at lantarang operasyon ng kailigalan tulad ng illegal gambling at illegal drugs na itinuturong dahilan ng patuloy na pagtaas ng kriminalidad sa rehiyon na ang kapulisan ay pinamumunuan ni BGen. Jose Melencio Nartatez Jr.
Bukod sa mga sugal na Small Town Lottery con-jueteng o bookies, sakla, lotteng, video karera at paihi o buriki ay usong-uso, palasak at dinudumog ng mga mananaya, karamihan pa ay mga menor de edad at estudyante ang mga sugal na color games, beto-beto, cara y cruz, drop balls sa mga pergalan (perya at sugalan) sa area of responsibility (AOR) ni BGen. Nartatez Jr. na nagkalat sa buong CALABARZON, ngunit pinaka-talamak nito ay sa lalawigan ng Batangas na command area ni Col. Pedro Soliba.
Ayon sa mga crime and vice crusader group sa rehiyon, umaabot na sa 50 lugar ang may nag-ooperate na 24 oras na pergalan na inerereklamo nila kay BGen. Nartatez Jr., pero tila bingi ang police general, hindi kumikilos para ipahuli ang mga operator ng pergalan con mini casino nang sa gayon ay maihinto na rin ang grabeng bentahan ng droga gamit ang naturang gambling den bilang front sa drug trade.
Hindi ikinakaila ng isang retiradong pergalan con mini casino operator na kung saan ang lokalidad na maraming drug pusher at adik ay doon din malakas ang tayaan sa kanilang pasugal ay naroroon din ang sentro ng bentahan ng droga, partikular ay shabu.
Bilang provincial commander ng Batangas, swak si Col. Soliba sa pagpapabaya sa tungkulin, pagkat ang pergalan ay iligal ayon sa umiiral na batas?
Ayon sa isang police colonel na nakabase sa Camp Crame, ang pagkakaroon ng napakaraming pergalan con mini casino sa AOR ni Col. Soliba ay indikasyon ng hindi pag-aksyon ng Batangas PD at pagpapakita na kinukunsinte nito (Col. Soliba) ang operasyon ng mga nasabing pergalan na maaring ikatanggal nito sa serbisyo.
Pagkat mga dating pinuno ng kapulisan ang mga nahirang na miyembro ng five -man investigating panel na binuo ni DILG Sec. Benhur Abalos para sumuri kung sino sa mga district director, provincial commander na nagsumite ng kanilang mga courtesy resignation ang dapat manatili sa kanilang mga pwesto, alam ng mga ito na makasisira sa kredibilidad ni Col. Soliba ang pagkakaroon ng mga inerereklamong pergalan con mini casino na prente ng bentahan ng droga sa kanilang nasasakupan.
Isiniwalat ng anti-crime and vice crusader group at ng mga KASIKRETA ang ilan lamang sa may 50 pergalan con mini casino at mga operator nito na parang ligal na nag-ooperate sa hurisdiksyon ni Col. Soliba sa Batangas, ay matatatagpuan sa Brgy Putol, bayan ng Tuy- Janog; Brgy. Lodlod at Mabini kapwa sa Lipa City- Joebelle at kalaguyo nitong pulis alias Sgt. De Guzman aka Digoy/ Allan; Brgy. Pansol, Padre Garcia at Brgy. Bulihan, Rosario-Venice; Brgy. Pinagtong-olan, San Jose- Glenda,; Brgy. Loyus, Tanauan City-Agnes at Brgy. Pagaspas, Tanauan City- Nikki Bakla.
Napakarami pang mga nag-ooperate na pergalan con mini casino sa AOR ni PD Soliba na di naaksyunan ng mga lokal na hepe ng kanyang kapulisan. Maging ang tanggapan ng Batangas CIDG Provincial Officer, Major Jet Sayno ay wala ring aksyon laban sa mga nasabing iligal na pasugalan, ayon pa sa anti-crime and vice crusader group. Dapat makarating ito sa kaalaman ng kababalik sa kanyang puwesto na si CIDG Regional Chief, Col. Marlon Santos.
Ibinunyag din ng nasabing grupo na patuloy na nag-ooperate sa Malvar Street, sa munisipalidad ng Padre Garcia ang pinakamalaking saklaan sa Region 4A na pinatatakbo ng kilala ding drug pusher na sina Tisoy at Nonit, operator din ng STL bookies sa 18 barangay sa nasabing munisipalidad.
Kumpirmado ng SIKRETA ang katumpakan ng pahayag ng anti-crime and vice crusader group, katunayan pa nga base sa mga dokumento, sa top 20 gambling operator sa CALABARZON, may pinakamalaking weekly intelhencia o suhol na Php 350,000 ang nagmumula kina Tisoy at Nonit kapalit ng malayang operasyon ng kanilang saklaan at Php. 5 milyon naman mula sa STL bookies.
“Ito po ang pinaka-malaking dahilan na nakikita namin kung bakit balewala ang batas, at ang nanaig ay ang kulay ng salapi kaya di mapatigil-tigil ang mga pergalan, STL bookies at saklaan sa Batangas at sa iba pang lalawigan ng CALABARZON”, ayon pa sa nasabing concerned group.
Malinaw din na hindi nakikipagtulungan kay Colonel Soliba ang kanyang mga itinalagang hepe ng kapulisan sa mga siyudad ng Tanauan, Lipa, munisipalidad ng Padre Garcia, Rosario, Tuy at San Jose.
Hihintayin pa ba nina PBGen. Nartaez Jr. at Col. Soliba na si PNP Chief Rodolfo Azurin Jr. ang kumastigo sa kanyang mga police station commander bago sila magsipagtrabaho?
May katwiran si Sec. Abalos at ang five-man investigating panel kapag hingdi na ng mga ito inerekomenda na manatili pa sa kani-kanilang mga pwesto sina PGen. Nartatez Jr., Col. Soliba at ang iba pang provincial director sa CALABARZON area.
***
Para sa komento: sianing52@gmail.com/09664066144.