Advertisers
NAKIISA ang National Capital Region Police Office sa paggunita at pagpupugay sa kagitingan ng ating 44 elite troopers ng Special Action Force (SAF) na nagbuwis ng kanilang buhay at kabayanihan habang isinasagawa ang kanilang misyon walong (?? taon na ang nakararaan sa Mamasapano, Maguindanao.
“Ang Araw ng Pag-alaala ay ang araw na muling isasalaysay natin ang kabayanihan ng SAF 44 na nagbayad ng pinakamataas na halaga sa ngalan ng serbisyo publiko. Ang kwento ng kanilang sakripisyo ay nilagyan ng kulay sa ating kasaysayan upang magsilbing aral at inspirasyon para sa susunod na henerasyon,” madamdaming inihayag ni NCRPO Chief PMGen Jonnel C Estomo.
Sa nasabing programa, si PNP Chief PGen Rodolfo Azurin Jr., kasama si Executive Secretary Lucas P Bersamin ang naging Panauhing pandangal at Tagapagsalita kung saan ay nagbigay-galang sa Araw ng Pambansang Paggunita para sa heroic sacrifice ng SAF 44 na may temang: “Legacy of Heroes: Inspiration of Future Generations” Ito ay ginanap noong Enero 25, 2023 sa SAF Headquarters, Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.
“Patuloy nating pararangalan ang kanilang alaala at pinakamataas na sakripisyo habang tinitiyak natin na mabubuhay ang kanilang pamana sa pamamagitan ng ating mga aksyon at dedikasyon sa paglilingkod. Lagi silang maaalala bilang mga tunay na bayani, na nagbuwis ng kanilang buhay para sa paglilingkod sa mga Pilipino,” sabi ni PGen Azurin
Bukod dito, ipinaabot ni Executive Secretary Lucas ang kanyang pagpapahalaga sa buong komunidad ng SAF sa patuloy na pagdiriwang ng Pambansang Araw ng Pag-alaala. “Ang pagdiriwang ay ang pinakamaliit na magagawa natin upang bigyang-pugay ang kagitingan ng mga taong nagsakripisyo ng kanilang sarili sa paglilingkod sa bayan. Ang mga nakaligtas sa labanan ay mabubuhay sa gitna natin.” Pahayag ni Bersamin.
Matatandaang idineklara ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Enero 25 ng bawat taon bilang Araw ng Pambansang Pag-alala para sa 44 na Special Action Force (SAF) troopers na napatay sa naudlot na operasyon sa Mamasapano bilang pag-alala sa kanilang kabayanihan na magsisilbing palaging paalala ng patuloy na sakripisyo ng magigiting na uniformed men and women na ginagampanan ang kanilang tungkulin. (JOJO SADIWA)