Advertisers
KUMAYOD si LeBron James ng career-high na siyam na three-pointers at tumapos na may 46 points.
Ngunit kumonekta ang Los Angeles Clippers ng 19 triples para sa 133-115 pagpapaluhod sa Lakers.
Umiskor si Paul George ng 27 points at 9 rebounds habang may 25 markers si Kawhi Leonard para sa ikatlong sunod na tagumpay ng Clippers (26-24) na nagpasok ng season-high na 15 tres sa first half para sa kanilang season-high na 77 points sa first half.
Ito naman ang ika-10 dikit na kabiguan ng Lakers (22-26) sa kanilang duwelo ng Clippers.
Pinaigting ni James ang paghahabol sa career scoring record ni NBA great Kareem Abdul-Jabbar (38,387 points) sa kanyang agwat na 177 points.
Nag-ambag si Russell Westbrook ng 17 points at may 15 markers si Thomas Bryant para sa Lakers na inaasahang maipaparada si Anthony Davis bukas matapos ang 20-game absence dahil sa right foot injury.
Sa Miami, humakot si Bam Adebayo ng 30 points at 15 rebounds sa 98-95 pag-eskapo ng Heat (27-22) sa Boston Celtics (35-14).
Sa New Orleans, nagposte si Nikola Jokic ng triple-double na 25 points, 11 rebounds at 10 assists sa 99-98 pagtakas ng Denver Nuggets (34-14) sa Pelicans (26-22).
Sa Dallas, kumamada si Kyle Kuzma ng 30 points sa 127-126 paglusot ng Washington Wizards (21-26) sa Mavericks (25-24).