Advertisers
LABIS na sama ng loob ang dulot ng paglabag ng mga Intsik sa integridad ng ating teritoryo. Walang habas na labas-pasok ang mga sasakyang pandagat nila sa ating teritoryo. Inangkin ng China ang ilang isla sa ating teritoryo. Ninakaw ang mga isda at yamang dagat sa ating exclusive economic zone (EEZ). Labis-labis ang kawalang galang at kawalanghiyaan ng China sa atin.
Hindi dito nagtapos ang pagsasamantala ng China sa atin. Hindi lang bahagi ng ating teritoryo ang kanilang inangkin. Hindi lang ang ating isda, yamang dagat, at mga maritime entitlement ang ninanakaw ng China. Kasama sa mga ninanakaw ng mga Intsik ang mga likas na yaman mula sa ating minahan. Umabot na sila sa lupa ng ating bansa. Ang masakit ay lumalabas na kasama ang ilang kababayan sa kanilang pagsasamantala.
Namamayagpag ang isang kontrobersyal na kompanya na pag-aari ng isang negosyanteng Intsik ang siyang nagmimina ng nikel sa lalawigan ng Zambales. Nabalitang kasalukuyang nagmimina ang kompanya na nangangalang Yinglong Steel Corporation nang makakuha ng isang utos mula sa Palasyo ng muling magmina.
Kontrobersyal ang utos dahil binaligtad ang unang utos ng DENR na itigil ang pagmimina ng nikel. Hindi alam kung paano nakakuha ang Yinglong ng pahintulot na magmina sa Zambales kahit wala na itong environment clearance certificate (EEC) mula sa pamahalaan.
Naibigay noong Kapaskuhan ang pahintulot na muling magmina ang Yinglong upang magluwas ng isang ikaapat (1/4) metrika tonelada ng nikel hanggang sa katapusan ng 2022. Maayos ang timing ng order dahil tumaas ang halaga ng nikel sa pandaigdigang pamilihan.
***
HINDI dito nagtatapos ang isyu. Hindi pinayagan ng Philippine Coast Guard na maglayag ang isang barko na magdadala ng nikel sa China. Batay ito sa utos ng DENR-MGB na ang pagluluwas ng Yinglong Steel ay suspendido mula ika-23 ng Enero, 2023.
Iniulat na nilabag umano ng kompanya ang Presidential Decree No. 1586, o Establishing an Environmental Impact Statement System, including other Environmental Management Related Measures. Magkasalungat ang utos na hawak ng Yinglong at utos sa PCG.
Ikinatwiran ng Yinglong Steel na nakakuha sila ng permiso na magluwas ng nikel mula sa hindi kilalang sub-Cabinet level Palace official. Nakapagtataka na pinawalang bisa ng utos ng hindi kilalang opisyal ang unang utos ng DENR.
Iginiit ng Yinglong na may karapatan silang magmina ng nikel sa Zambales sa bisa ng naunang ECC na nakuha nila sa isang kompanya. Ngunit iginiit na kailangan kumuha ng bagong ECC ang Yinglong dahil ang hawak nila na ECC ay naibigay umano noong mga 1970 pa. Wala ng bisa ang mga naunang ECC dahil nagbago na umano ang mga regulasyon sa pagmimina.
Bukod diyan, kailangan bayaran ng Yinglong ang mahigit P1 bilyon na utang para magkaroon ng karapatan magmina. Tumalbog umano ang mga tseke na ibinayad ng Yinglong Steel para sa mining rights. Hindi kumikilos ang pamahalaang lokal ng Zambales.
***
PINIGIL ng PCG noong ika-16 ng Enero ang MV Van Knight, barko ng Yinglong na nagluluwas ng hindi malaman halaga ng mineral ore mula sa bayan ng Sta. Cruz, Zambales patungong China. Ipinatupad ng PCG, sa ilalim ng kanilang Task Force Aduana, ang cease-and-desist order (CDO) laban sa shipment ng mineral ore na nakapangalan sa Yinglong Steel.
Isang Shi Ming-ying ang may-ari ng Yinglong Steel. Kinilala si Shi bilang isang Chinese citizen noong una siyang pumasok sa Filipinas labing-apat na taon na ang nakalipas. Nang bumalik siya sa Filipinas noong 2018, isa na siyang Burmese citizen.
Mayroon aktibong kaso ng estafa si Shi sa RTC Pasay City at umabot umano sa P35 milyon ang pinagtatalunang halaga. Hinanap siya umano ng Sheriff sa Pasay City. Mayroon rin kasong estafa si Shi sa Taguig City. Umaabot sa US$5 milyon ang halaga na hinahabol ng Aeternum Mining Corporation
May mga ulat na nag-alok ang pangkat ni Shi ng P100 milyon sa para ipawalang bisa ang cease and desist order ng EMB – DENR sa kanyang illegal mining ng nikel at hindi makansela ang mining permit sa dahilan na may operasyon ng walang ECC at nagpalabas ng 250,000 metrika tonelada sa China last year sa halagang P1 bilyon. Gusto nya tuloy-tuloy ang pagluluwas ng mga nikel. Ngunit nabalitang hindi kinagat ng DENR at PCG. Nakakuha siya umano ng backer sa mga opisyales ng Zambales.
***
SA KANYANG komentaryo sa programang “Lapid Fire,” binanggit ni Roy Mabasa, ang batang kapatid ng pinaslang na si Percy Lapid, ang hindi napapanahong pagyayabang ni BBM na nakuha niya umano ang “komitment” ni Xi Jin-ping ng China na “payagan” ang mga mangingisdang Filipino na pumasok sa karagatan sa paligid ng Ayungin Shoal ang batong isla na nasa loob ng EEZ ng Filipinas.
Ngunit noong nasa Davos si BBM at patapos ang kanyang pagharap sa mga negosyante doon, pinalibutan ng mga sasakyang dagat ng China ang mga mangingisdang Filipino sa paligid ng Ayungin Shoal at pinalayas ang mga Filipino ng mga Intsik.
Ani Roy, mukhang hindi naiintindihan ni BBM ang kanilang pag-uusap ni Xi nang bumisita siya kamakailan sa Peking. Walang “komitment” si Xi sa kanya. Hindi pumayag si Xi na payagan ang mga mangingisdang Filipino na pumasok sa Ayungin Shoal.
Ang nangyari, ani Roy, ay lumapit siya kay Xi at hiningi ang permiso na makapangisda ang mga Filipino doon. Opinyon lang ni BBM ang sinabi niya na “pumayag” si Xi na makapangisda doon ang mga Filipino. Hindi umano naintindihan ni BBM ang resulta ng pakikipagkita kay Xi.
Kaya pinagtatawanan si BBM. Sa sandaling kaharap niya ang mga negosyante sa Davos, iginiit ng China ang pangangamkam sa Ayungin Shoal. Hindi kailangan humingi ng permiso ni BBM kay Xi sapagkat pag-aari ng Filipinas ang Ayungin Shoal, ani Roy.
***
MGA PILING SALITA: “Lahat ng pabor sa mga trader ginagawa ni BBM. Aangkat ng mga agri product kung kailan anihan. Sobrang galing nila.” – PL, netizen
“Alam pala ng Congress na kulang ang fund ng voucher program ng DepEd. Bakit inuna ninyo pa ang confidential fund ng DepEd secretary? Kawawang estudyanteng Pilipino. Ginagawang mangmang ng mga trapo.” – Joel Cochico, netizen, kritiko
“[CORY AQUINO] did her part to oust the dictator but we expected too much from her to undo the embedded corruption and economic sabotage Marcos has done for 14 years under Martial Law. She wasn’t the Gabriela Silang we hoped for but we should be grateful for her sacrifices nonetheless.” – Rodolfo Medrano, netizen, democratic warrior