Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
SA vlog ni Isko Moreno na IskoVery, nagbalik-tanaw si Coco Martin sa kanyang humble beginnings sa showbiz.
Aniya, taga Novaliches daw siya pero halos sa Tondo siya lumaki.
Kapag daw kasi nag-aaway ang kanyang mga magulang, madalas silang nag-iimpake at nagpapalipat-lipat ng bahay.
Bata pa rin daw siya ay natuto na siyang maging street smart kaya kabisado niya ang galawan sa kalye.
Katunayan, madalas din daw siya noong tumambay sa mga bilyaran.
Dahil laki sa lola, nauutusan daw siya noon ng kanyang abuela na maningil sa mga taong may utang dito sa maliit nitong pinagkakakitaan kaya bata pa lang ay marunong na siyang dumiskarte sa buhay.
Isa lang daw ang pangarap niya noon at ito ay ang makatagpo ng disenteng trabaho para maiahon sa hirap ang lola.
Naging OFW din daw siya sa Canada pero wala siyang naging dyowang afam abroad dahil takot siyang mabasted .
Naging problema daw kasi niya noon ang pagiging limitado ng kanyang bokabularyo sa wikang Ingles.
Hindi rin makakalimutan ni Coco ang isang indie film na ginawa niya kung saan sinuyod niya ang crowd ng mga deboto sa Quiapo. Para raw makalapit sa Poong Nazareno kailangang ihagis daw siya sa lugar na kinalalagakan nito. Natakot daw siya noon dahil sa liit niya ay baka maapakan siya sakaling magkakaroon ng stampede.
Ang siste, pinaulit daw sa kanya ni Direk Brillante Mendoza ang eksena dahil hindi raw siya masyadong makita sa shots.
Wala raw naman siyang nagawa kundi sundin ang kanyang director.
Napansin si Coco sa paglabas niya sa indie films kaya nakarampa siya sa film festivals abroad.
Habang nasa ibang bansa, tinitipid daw niya ang allowance na bigay ng producer sa kanya.
Dahil libre raw ang breakfast sa mga hotel, sinusulit daw niya ang kanyang meal at nanghaharbat pa ng pambaon kapag lumalabas.
Iyon daw ang ginawa niya para maka-survive sa konting raket niya noon sa ibang bansa.
Si Coco ay balik teleserye sa Batang Quiapo na espesyal para sa kanya dahil isa siyang masugid na deboto ng Poong Nazareno na pinaniniwalaan niyang instrumento kaya natupad ang kanyang mga pangarap.