Advertisers

Advertisers

PULUTAN SA UMPUKAN

0 6,370

Advertisers

MAPALAD ang taong minamahal ng karamihan dahil dama ang kahalagahan ng pagiging tao lalo’t ang kabutihan ang gawa sa buhay. Hindi lahat nakukuha ang paghanga subalit marami ang nagpupugay sa gawang Mabuti. Hindi kailangang ipaliwanag ang bawat kilos sa halip kusang nauunawaan o nakikita sa taong may mabuting kalooban. Ang mabuting kalooban ang nagdadala sa tao sa lugar o sitwasyon na ‘di kahit walang marangya’y ikinasisiya ng loob. Hindi pinipilit ang mga kilos na kinaiibigan ng kapwa. O’ sadyang karaniwan ang galaw na lumalabas dahil ang kagalingan o kapakanan ng iba ang siyang nagpapasiya sa taong may pag-ibig sa kapwa. Pag-ibig na likas na dumadaloy sa puso, isip, kusang inilalabas ng kilos. Pag-ibig na walang pagnanasa o kapalit na anumang bagay. Pag-ibig na hindi naghahanap ng kapalit, materyal o ano’ pa man.

Sa ano mang nilikha sa mundo, mula tao, hayop maging insekto, likas na pagmamahal sa kawangis lalo’t sa oras ng pangangailangan. Sa sabana o kagubatan hindi maaalis ang tungalian ng mga uri ngunit sa isang banda ng tunggalian nariyan na masisilip na may puwang sa puso ng mga lumikha ang mga walang malay lalo ang mga bata. Hindi nakakaramdam ang sinuman nang takot o banta sa mga nilalang na wala sa hustong gulang. Hindi kinakanti o sinasaktan ang mga nilalang na bagong silang o bata lalo’t kinakakitaan ito ng kawalang malay, na dahilan upang masaktan. Maging ang leon o tigre na tinaguriang hari ng kagubatan ay may puso o puwang ng pagmamahal sa maliliit na bisiro. Lubhang nasa isip at puso ang mga naganap sa sarili ng ito’y maliit na nilalang. Ang magandang paghubog ng panahon sa mga kabataang ang siyang basehan ng magandang kaugalian sa hinaharap. Natatanaw ba ito sa kasalukuyan, sa sangkatauhan o sa panuoran na lang?

Sa pa-inog ng mundo, maraming bagay ang nagbago at dama ng ano o sinumang nilalang. Nariyan ang pag-iba ng panahon na nagtatakda ng kilos ng nilikha. Ang dating malamig na panahon ngayo’y sobrang lamig, habang ang tag-init o tag-araw ay tunay na pumapaso sa mga nilikha. Tumutuyo sa maraming likas yaman na kumakalinga sa ano mang uri ng nilikha. Mapapansin maging sa kalawakan ang ‘di nakikita ang mga ibon na noo’y karaniwang tanawin. Hindi na namamasdan ang mga paglipad na karaniwan noong unang panahon. O’ dahil naglipana ang marami nitong tahanan na ginapi ng kasakiman ng iilang gustong maghari sa kamunduhan. O’ naghahanap ng mga angkop na lugar na titigilan sa panahon ng pagpaparami. Ang nakakalungkot, tulad sa unang pahayag may ilang nilalang lalo sa katauhan na ang iniisip ay sariling kapakanan. Balewala ang kapwa, ang mahalaga’y sarili. Ang kaugalian na ang pinakamalakas ang mananatili at ang mahina’y sumalangit nawa. At ito’y tila apoy na tumupok sa mabuting kaugalian ng katauhan higit sa bansa.



Sa pagpalit ng panahon nagbago ang pag-uugali ng mga nilikha higit ang katauhan na pinagpala ng halos lahat ng kailangan. Marami sa mga tao ang nakalimot sa anyo o hugis ng kapaligiran, patuloy na pinapalitan o sinisira ang kaayusan para sa sariling pakinabang. Inaalis ang mga daluyan, maging ang mga puno’y tinabas upang mapalakas ang kapit sa mga lugar na nagbigay kalamangan sa iba. Kalamangan na batid dahil sa tinatamasang kasarapan at kasaganaan sa buhay. Walang pakialam sa kung sino ang masasagasaan ang mahalaga’y makuha ang sariling kapakinabangan. Walang hindi gagawin dahil sarili ang una at ‘di ang iba. Sa totoo lang labis na ang meron ngunit ang kasiyahan ay lagpas sa pagkatao at naging sakim.

Umiiral sa bansa ang kalagayan sa ibabaw lalo sa pwestong ginawad ng bayan. May mga taong ipinangangalandakan na nakuha ang kinalalagyan sa patas na laban at hindi sa masamang paraan. Ngunit kung patas ang pinagkunan ng pwestong tangan bakit kailangang magbayad sa mga taong salat sa kaalaman. Ang manungkulan sa pamahalaang mapa pambansa o lokal bakit may kampihan. O’ sadyang ang basbas ng bayan ay sa panahon lang ng halalan at kagyat nagbabago kung makamtan na ang pwestong asam. Malinaw na mabuting paraan ang dapat ngunit ito ba ang naganap sa nakaraan. May maaasahan ba sina Mang Juan, Aling Marya maging ang balana sa buhay na hayahay o delubyo de todo ang nakamtan sa opisyal na panay pasyal ang gawa.

Ang salang galaw ang nagpasidhi sa kalaliman ng kahirapan ng mamamayan. Ang usapan sa baba na pausal o pabulong ay nakabibingi dahil sa araw-araw ng usapin. Ang madalas at ‘di mapigilang pagtaas ng bilihin na kibit balikat ang tugon ng mga taong dapat tumulong sa mamamayan. Usapang bayan sa araw araw na ‘di na makamit ang ibig dahil sa tindi ng kahirapang dama ng bayan. Ang mga datos na inilalabas ng gobyerno’y isang panlililo dahil walang epekto kay Mang Juan ang sinasabing paglago ng kabuhayan sa ekonomiya ng bansa. Nariyan ang ulat na may 7.8% ang GDP ng bansa sa huling bahagi ng nakaraang taon. Ngunit, bakit ang usapan sa baba, ang sobrang mahal ng sibuyas, itlog, bigas at iba pa. At ang suma total, lumiit o kakaunti ang nabibili sa P1,000. At ito ba ang paglago na binabangit.

Sa totoo lang, ang karaniwang usapan ng Pilipino’y ang higpit ng kahirapan na bumabalot sa kanilang kabuhayan. Walang ginagawang paraan ang pamahalaan ni Boy Pektus kung paano maisasalba ang kalagayan ni Mang Juan na lunod sa kahirapan. Kung nakamamatay lang ang mura tulad ng P****I, tiyak sa loob ng anim o pitong buwan ng kasalukuyang gobyerno, pinaglalamayan na ang mga ito. Ang walang humpay na opisyal pasyal ang madalas na nababangit sa mga impormal na usapin ng masa. Nababangit na walang negosyong pumapasok sa bansa sa halip pinipili ang ibang bansa at doon mamuhunan. Ang gastos na hindi barya-barya na pasaning bayan pinanggigilan nina Aling Marya at Aling Nene.

Sa huli, ang pinag-usapan sa mga tumpukang bayan na kung sino ang bida’y isang masakit na katotohanan ng damdaming bayan. Ang maiparating sa kinauukulan ang usapan sa mga pamilihan o mga inuman, ikaw Boy Pektus ang pulutan. Dama ni Mang Juan ang pagkadismaya sa lider na ‘di mahagilap sa panahon ng pangangailangan. Ang pag-kuha sa kagawaran na una sa pagtaas ng bilihin sa halip na serbisyong bayan ang naglalayo sa tao sa iyong liderato. Hindi naghahanap ng labis si Mang Juan ang mapag-abot ang kita sa presyo ng bilihin ay sapat na.



Ang pitak na ito, ang magpapaabot ng usaping bayan na kailangang tugunan. O’ mainam na gamitin ang Intelligence Fund, kumuha ng feedback sa mga saloobin ng bayan. Magiging malinaw sa iyo Boy Pektus, na hirap na ang bayan sa lahat ng uri ng pagtaas. Si Dagul na lang ang ‘di tumataas. Nagkamali na ang maraming Pinoy, baka ibig ayusin ang pamahala ng ‘di maging pulutan sa umpukan. Bawasan ang opisyal-pasyal dahil ‘di na matiis ng Bayan ang hirap na may panlililong pag-unlad kuno. Nahan ang kaunlaran sa Bagong Lipunan?

Maraming Salamat po!!!