Advertisers

Advertisers

BIHIRA ANG PINOY NA NAGMAMAHAL SA ATING INANG BAYAN

0 259

Advertisers

NAKALULUNGKOT isipin na ang mga nakaraang administrasyon ay wala man lang pagkalinga at pagtulong o suportang ginawa para mabigyan ng break ang mga Filipino inventors na mga nagsikap, namuhunan at nag-aksaya ng talino para makatuklas ng kani-kanilang imbensyon.

Mula ng magkaisip ang inyong abang lingkod ay wala po tayong nasaksihang Filipino inventors na kinalinga at sinuportahan ng gobyerno o kinilala man lang ng taos-puso bilang kanilang kontribusyon sa bansa sa pamamagitan ng mga imbensyon na siya sanang magiging susi at solusyon sa ilang suliraning kinakaharap ng ating bansa.

Hindi po natin masisisi ang mga katulad ni Filipino inventor Pablo “Mr. Khaos” Planas, ang tumuklas ng tipid-gas gadget o mas kilala sa tawag na Khaos Super Turbo Charger (KSTC), na nagtampo noon at ihayag ang kanyang sama ng loob sa gobyerno dahil binalewala ang kanyang imbensyon.



Kaya ang ginawa ni Mr. Planas noon ay tanggapin ang alok ng mga Filipino Community doon sa Amerika para iharap siya at i-introduce sa dating Los Angeles Governor Arnold Schwarzenegger at dating US President George Bush at doon hingin ang tulong ng mga ito ng kanyang natuklasang tipis gas-gadget.

Naalaala nyo pa po ba dear readers ang isang larong kinagigiliwan noon ng mga sports enthusiast na kilala sa tawag na “Games of the Generals” (GG)?

Naging GG varsity player pa po tayo noon representing University of the East. Pinoy rin po ang tumuklas ng GG na si Sofronio Pasola Jr. noong 1970 na, hindi rin po binigyan ng break ng ating pamahalaan hanggang sa i-introduce niya ito sa ibang bansa na tulad ng Canada, Russia at Amerika.

Ganoon rin po itong kaso ni Filipino inventor Agapito Flores, ang tumuklas ng “Flourescent Lamp” na matapos na madismaya at naburyong sa gobyernong Pilipinas gawa ng hindi pagbibigay ng suporta at pagkalinga sa kanyang imbensyon ay ibinenta na lamang sa ibang bansa na pinakikinabangan na ng buong mundo na sana ay kita na ng ating bansa.

Kung patuloy na magbubulag-bulagan at dedma na lamang ang gagawin ng gobyernong Pilipinas sa Pinoy inventors na tumutuklas ng mga kakaibang gamit at iba pa e wala ng magtitiyaga pang lumabas o lumantad at humarap sa madla at sa pamahalaan bagkus ay ibenta o ipakilala ang kanilang imbensyon sa ibang bansa.
***
KUNG talagang seryoso ang sinumang nanunungkulan sa gobyerno sa kasalukuyan ay panahon na po marahil na magwalis-walis ang mga ito sa loob at labas ng kanilang tahanan.



Iyon po ang nakikita nating solusyon para magkaroon ng tahimik na kalooban si Juan dela Cruz, ang mailagay sa basurahan at maitapon at masunog ang mga basura ng pamahalaan.

Graft and corruption, pandarambong, pang-aabuso sa poder, kapabayaan at kainutilan sa serbisyo publiko at marami pang iba — ang mga ito po ang mga problema.
***
Aba’y wala nang nakitang alternatibong solusyon ang pitak na ito sa lumalalang suliranin ng bansang Pinas dahil bihira na po sa mga Pinoy ang tunay na nagmamahal sa ating Inang Bayan.

Tingnan na lang po natin, mga masugid kong tagasubaybay, ang kalagayan ngayon ng ibang bansang katakut-takot ang dinanas na karahasan.

Tulad halimbawa ang mga bansang Vietnam, China, Japan, Malaysia at Thailand na inuna ang kapakanan ng kanilang mga kababayan at kani-kanilang bansa bago ang mga pansariling interes.

Mantakin n’yong matapos na bombahin ng atomic bomb ng mga Amerikano noong ika-2 digmaan ang dalawang siyudad sa Japan, ang Nagasaki at Hiroshima ay hindi naging hadlang sa mga Hapones ang dagok o bangungot na nangyari sa kanila.

Dahil nangibabaw ang pagiging patriotic ng bawat isang hapones ay sama-sama nilang pinagtulungang iangat muli ang kanilang bansa at ngayo’y numero unong tinitingalang industrialized country sa buong mundo.
***
Kahit na kitang-kita ang pagsusumikap ng kasalukuyang pamahalaan na maiangat ang kabuhayan ng mahihirap nating kababayan at pinagsusumikapang tapusin na ang gusot sa mga magkakatunggaling politiko ay kapansin-pansin ang kawalan ng interes at kooperasyon ng mga politikiong galit na galit sa pamunuan ng gobyerno.

Sabi nga, wala kasing patriotism kaya eto ang ating bansa pinakakulelat sa buong Asya.

Kailan pa po tayo magigising mga kababayan ko, kailan?
***
Kamakailan ay pinasaringan ni PBBM ang Bureau of Customs (BoC) dahil sa talamak pa rin ang smuggling sa ahensyang ito.

Ang mga pangalang lumutang sa Kongreso at Senado na umano’y ismagler ay iyon at iyon din ang mga pangalan — sa panahon ni Tita Cory Aquino, Pangulong Fidel Ramos, Erap Estrada, Gloria Macapagal-Arroyo, Noynoy Aquino, Rodrigo Duterte, at ngayong BBM government ay sila pa rin ang namamayagpag at tila lalo pa yatang lumalakas!

Nangyayaring parang lintang inuubos ang dugo ng bayan ng mga ismagler na ito sa kabila na maraming anti-smuggling task force na ang naitatag at nagkalat na ang operatiba ng PNP-CIDG, Maritime, Coast Guard, bukod pa ang law enforcers ng BoC like Customs Intelligence and Investigation Services (CIIS), Enforcement and Security Service (ESS), at ang paggamit ng computer para mahadlangan ang mga “tara” at “extortion activities” ng ilang tiwali sa BoC.

Wala na nga bang solusyon sa ismagling? Nangyayari ba ito dahil mismong taga-BoC at mga nasa matatas na puwesto ang kundi protector ay mismong ismagler? Hindi ba sinasabi na itong Customs ang gatasang baka ng mga politikong nais maglikom ng pondo sa eleksiyon.

Laging lumulutang ang pangalan ng mga kaanak ng nasa gobyerno sa paglaganap ng smuggling mula pa noon at hanggang ngayon. Iisa lamang ang ating nakikita — kulang ang nakaraan at pamahalaan ngayon na pairalin ang tunay na political will para patayin ang ismagling.

Bakit nga naman pupugutan ng ulo, sabi nga, ang gansang nangingitlog ng gintong itlog?
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.