Advertisers
Kasunod ng brutal na pagpatay sa Filipino domestic worker na si Jullebee Ranara sa Kuwait, hiniling ni Senator Christopher “Bong” Go ang masusing pagrepaso sa mga patakarang nagre-regulate sa deployment ng overseas Filipino workers.
Sa isang ambush interview matapos personal na mamahagi ng ayuda sa mga biktima ng sunog sa Valenzuela City, hiniling ni Go sa gobyerno na isaalang-alang ang mas mahigpit na proseso pagdating sa deployment ng mga OFW sa mga bansang itinuturing na “high risk” o mga iniuulat na talamak ang pang-aabuso, gayundin sa mga may mahinang labor welfare practices.
“Ayaw naman natin na mawalan ng trabaho ang mga kababayan natin na gustong magtrabaho sa ibang bansa. Pero importante sa akin na maproteksyunan ang buhay at mga karapatan nila nasaan man sila sa mundo,” sabi ni Go.
“Naintindihan ko po ang katayuan ng ating mga OFWs. Mahirap pong magtrabaho sa ibang bansa, mahirap mapalayo sa pamilya, hindi po nababayaran ang lungkot. Ngunit kailangan nilang magtrabaho doon at ayaw natin sila pa ang nasasaktan,” dagdag niya.
Ang bangkay ni Ranara ay natagpuan sa isang disyerto sa Kuwait noong Enero 22 at iniulat na sinunog, ayon sa lokal na Kuwaiti media.
Ang pangunahing suspek, isang 17-anyos na Kuwaiti citizen na anak ng amo ni Ranara, ay inaresto na ng mga awtoridad.
Hindi ito ang unang pagkakataon na may isang Pinay domestic worker na pinaslang sa Kuwait. Noong 2019, pinatay rin ang Filipino household service worker na si Jeanelyn Padernal ng kanyang employer na Kuwaiti. Noong 2018, natuklasan ang bangkay ng isa pang domestic worker na si Joanna Demafelis sa loob ng isang abandonadong bodega.
Noong Enero 2020, bilang tugon sa pagpatay kay Villavende, nagpalabas si dating Pangulong Rodrigo Duterte ng pansamantalang deployment ban ng OFWs sa Kuwait na kalaunan ay inalis.
Noong 2018, inaprubahan din ni Duterte ang pagbabawal sa OFW deployment sa Kuwait sa pagkakadiskubre sa bangkay ni Demafelis na nasa isang abandonadong bodega.
Sa mga panahong ito, nag-alok ang gobyerno ng Pilipinas ng boluntaryong pagpapauwi sa mga OFW sa Kuwait. Noong Mayo 11, 2018, nilagdaan ang isang memorandum of agreement sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait. Ang kasunduan sa paggawa ay bahagi ng pagsisikap na wakasan ang patuloy na paglabag sa karapatang pantao ng mga employer sa Kuwait laban sa kanilang mga manggagawang Pilipino.
Hinimok ni Go ang gobyerno na magsagawa ng komprehensibong pag-aaral sa mga patakaran at hakbang at tiyaking mapangangalagaan ang mga migranteng manggagawang Pilipino.
Nauna rito, sinabi ng Department of Migrant Workers na hindi pa pinag-iisipan ng gobyerno ng Pilipinas na suspindehin ang deployment ng Filipino workers sa Kuwait. Sa halip, sinabi ni DMW secretary Susan Ople na tinitingnan ng ahensiya ang pagbuo ng mga hakbang na titiyak sa kaligtasan ng OFWs sa Kuwait.
Binigyang-diin ni Sen. Go ang pangangailangang sikapin ng pamahalaan na patuloy na protektahan ang buhay ng mga Pilipino na naghahanap ng oportunidad at ikabubuhay sa labas ng bansa.
“Ako po ay nalulungkot sa mga kababayan natin na nagsasakripisyo po, mga modern-day heroes natin pero nabibiktima ng karahasan sa ibang bansa,” ani Go.
“Dapat silipin, repasuhin, importante po ang proteksyon ng ating OFWs, buhay po nila ang proteksyunan natin parati,” iginiit pa niya.