Advertisers
TUMIGIL na sa paghahakot ng nickel ores ang mga truck ng Altai Philippines Mining Corporation sa Barangay Spana, San Fernando, Sibuyan island, Romblon. Many thanks sa matinding pagtutol at pagbarikada ng mga residente, but no thanks sa local government unit ng San Fernando partikular sa kanilang alkalde na tila nagsilbi pang spokesperson ng mining company!
Ipinatigil ng Department of Environment and Natural Resources ang operasyon. Nilabag kasi ng Altai ang Presidential Decree 705, Revised Forestry Code of the Philippines tungkol sa pagpuputol sa mga puno; at nilabag ang Section 4 ng PD 1586 na nagsasabing: “No person, partnership, or corporation shall undertake or operate any environmental critical project or operate in an enviromental critical area without securing an enviromental compliance certificate.”
Sa mga paglabag na ito ng naturang mining company na pag-aari ng Gatchalians, dapat pagpanagutin sila sa mga pinutol na puno. Aba’y hindi puwede na ganun lang, pinatigil lang. Kung ang mag-uuling nga ay kinukulong at pinagmumulta kahit sanga lang ng mangga ang inuling, ito pa kayang daan daang magagandang puno ang tinumba!?
Dapat pagpanagutin din ng DENR ang Altai Mining sa ginawa nitong pier para sa mga barko na hahakot ng minerals. Aba’y napakaraming corals ang sinira nila sa baybayin ng San Fernando! Kung ang isang mangingisda nga na mahuling nag-uwi o nagbenta ng corals ay kinakasuhan, ito pang halos isang ektarya ng corals ang tinambakan ng Altai. Animal!
Alam nyo, mga pare’t mare, sigurado akong may mga kumita na opisyal partikular politiko sa pagpasok ng Altai Mining sa isla ng Sibuyan. Oo!
Hindi magkakalakas-loob ang mining company na ito na wakwakin ang bundok ng Sibuyan kung walang mataas na opisyal ng lalawigan na nagbigay ng permiso sa kanila kahit kulang-kulang sila sa mga permit para magmina sa isang restricted area ng DENR.
Sabi, may nabigyan ng P10 million, P5 million at P2.5 million na ilang opisyal na naghudas sa mamamayan ng Sibuyan island? Nabuking daw ito sa text ng isang politiko sa kanyang anak. Tsk tsk tsk…
Kumusta na kaya ngayon ang mga opisyal na ito? Nakakatulog pa kaya sila ng mahimbing? Sana bangungutin kayo, mga animal!
***
Dapat mag-ingat si Pangulong “Bongbong” Marcos, Jr. sa mga dating opisyal na nasangkot sa katiwalian na nag-aaplay uli ngayon para makabalik sa gobyerno.
Makabubuting huwag niya nang tanggapin ang mga taong ito lalo kung may nakabinbin na kaso sa Ombudsman lalo sa Sandiganbayan. Dahil kapag nabigyan uli ng pagkakataon ang mga taong ito, tiyak magnanakaw uli sila sa gobyerno Mismo!
***
Inaresto sa kanyang tahanan sa UP Diliman ang UP professor at dating presidente ng All UP Academic Employees Union na si Melania Flores. Dinala raw ito sa Camp Karingal. Bakit kaya? Subaybayan!