Advertisers
NABUKO ng Bureau of Customs at NAIA Anti-Illegal Drug Interdiction Task Group sa Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang tatlong kargamento kung saan naglalaman ang mga ito ng mga ilegal na droga nang dumating noong Pebrero 1,2023 sa Central Mail Exchange Center (CMEC), Pair Cargo, at DHL Warehouse sa lungsod ng Pasay.
Nagmula ang parsel sa United States, France, at Pakistan, na ipadadala sana sa mga consignee sa lalawigan ng Negros Occidental, Camarines Sur at Makati City.
Nabatid sa ulat ng BOC-Port of NAIA, dinala na ng Customs NAIA drug personnel ang mga ipinagbabawal na droga sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa tamang disposisyon at pagsasampa ng kaso laban sa mga consignee na pansamantalang hindi muna pinangalanan habang isinasailalim sa masusing imbestigasyon.
Nabatid sa ulat na dumaan sa pisikal na pagsusuri ang mga parsel sa tulong ng x-ray scanning machine dahil sa kakaibang ‘hugis’ na nakita sa TV monitor.
Nabuko sng mga iligal na droga sa magkakahiwalay na bodega na malapit sa Airport at naglalaman ng anim na plastic pouch ng candies at isang vape cartridge na naglalaman ng THC (tetrahydrocannabinol), 1.020 kg ng Ecstasy, at 106.46 gm ng shabu (methamphetamine hydrochloride) na may kabuuang tinatayang halaga na P2.476 milyon.
Patuloy ang imbestigasyon para arestuhin ang nasa likod ng ipinagbabawal na kalakalan dahil sa posibleng paglabag sa Republic Act (RA) No. 9165, Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at RA 10863, o Customs Modernization and Tariff Act. (JOJO SADIWA/JERRY TAN)