‘MayniLove’ handog ng City Hall ngayong ‘Love month’

Advertisers
HINIHIKAYAT ni Manila Mayor Honey Lacuna ang lahat ng mga residente ng lungsod, maging taga-ibang lugar na dalawin at pasyalan ang ‘MayniLove’ sa Mehan Garden. Ito ang siyang Valentine’s Day offering ng pamahalaang lungsod sa mga nagnanais na ipagdiwang ang ‘buwan ng pag-ibig’ nang hindi kinakailang gumastos ng ubod ng mahal.
Ginawa ni Lacuna ang panawagan matapos niyang pormal na buksan sa publiko ang “MayniLove” sa Mehan Garden sa Ermita, Manila. Ito ay isang proyekto ng lungsod sa pamamagitan ng Bureau of Permits na pinamumunuan ni Levi Facundo pati na ang local economic development and investment promotions office.
“Ito ang ating paraan para kahit paano ay mabigyang muli ng pagkakataon na bumangon ang maliliit na negosyo mula sa hagupit na dala ng COVID-19,” sabi Lacuna na nananawagan ng suporta sa lahat ng Manileño na tangkilikin ang ‘MayniLove’ na nagtatapok ng micro, medium at small entrepreneurs.
Sa kanyang bahagi, pinasalamatan ni Facundo ang lahat na tumulong upang maging matagumpay ang pagbubukas ng ‘MayniLove’ sa ikalawang taon nito. Unang niyang pinasalamatan ang ‘inspiring at dynamic leadership ni Mayor Honey’.
“Looking back, the effects of the pandemic still linger. That’s why we continue to support our local businesses especially MSMEs through the Manila Support Local activities like MayniLove! The goal is to continue to assist our MSMEs in a creative, innovative yet efficient way,” sabi ni Facundo.
‘Wish 107.5 bus’ was also there on Feb 3 and 6 and will come back on February 10 to feature live performances and we also have “Puppy Love” for dog lovers and play pen for their fur babies plus more surprises from our partners,” dagdag pa nito.
Ang mga dog owners ay pinapayagang dalhin ang kanilang mga alaga basta naka-pampers ang mga ito. Mayroon ding play pen kung saan maari nilang iwan ang kanilang mga aso para maglaro ng libre. Mayroon ding mga ibinebentang tuta sa loob ng ‘MayniLove’.
Mayroon namang naghihintay na sorpresang regalo para sa mga sweet couples na biglaang mapipili kapag nahagip sila ng kamera.
Samantala, sinabi ni Lacuna na ang tradisyunal na pagdiriwang ng Valentine’s Day ay sa February 14, pero kailangang maghari ang pagmamahalan sa isang buong taon o sa araw-araw at dapat na magsimula ito sa pamamagitan ng pagmamahal sa sarili upang maibahagi ito sa kapwa.
“Ito ang panahong pinadadama natin ang pag-ibig sa isa’t- isa, ito man ay pag-ibig sa pagitan ng mag-asawa, magsyota, nagmamahalan sa pagitan ng anak at mga magulang, sa pagitan ng magkakaibigan at para sa sambayanan at sangkatauhan. Pero siyempre, dapat lagi nating isipin muna na unahin ang pagmamahal sa sarili upang tayo naman ay makagawa o magawa nating mahalin ang ibang tao,” sabi ng lady mayor.
Idinagdag pa niya na : “Ang pagpapahalaga natin sa ating kapwa ay madali nating magagawa katulad na lang kung paano natin pahalagahan ang ating mga sarili.”
Ang ‘MayniLove’ project sa ilalim ng ‘Manila Supports Local’, ay nagbibigay ng tsansa sa mga residente ng Maynila na makapag-celebrate ng Valentine’s month sa Mehan Garden habang nagbibigay ng pagkakataon sa mga maliliit na negosyante na makapag-promote ng kanilang produkto. (ANDI GARCIA)