Miguel inamin, naging syota sina Barbie, Bianca at Kyline; Cristine na-pressure sa pagganap na Sen. Imee sa ‘Martyr or Murderer’
Advertisers
Ni ROMMEL PLACENTE
SA March 1 ay ipalalabas na sa mga sinehan ang Martyr or Murderer, ang ikalawang yugto sa mega blockbuster hit na Maid In Malacanang ng direktor na si Darryl Yap. Mula ito sa Viva Films.
Ipakikita ng pelikula ang nangyari sa pamilya Marcos bago at matapos ang EDSA revolution, isang pasilip sa kanilang life in excile.
Si Cristine Reyes ang gumaganap na Senator Imee Marcos sa Martyr or Murderer.
Aminado si Cristine na pressured siya sa pagganap na role na Sen. Imee.
“Well, pressure talaga as in like pressure cooker,”natatawang sabi ni Cristine.
Patuloy niya,”Totoo naman kasi napakalaki talaga ng role ni Senator Imee Marcos sa kanyang pamilya. And maski ako, nu’ng binasa ko ‘yung script ng part 1 and part 2 parang…I think sa karamihan hindi natin alam ‘yung ginampanan ni Sen. Imee Marcos back in a day.
“So I think this is a revelation to everyone even me. So hindi ko alam parang nagkataon din sa nangyari sa personal life ko ‘yung parang na-connect din kay Senator Imee.
“I’m not saying yung pinagdaanan niya, ganoon din ‘yung pinagdaanan ko.
“But I felt her pain. And I felt her being the daughter of former president. And I felt her humanity,” aniya pa.
Ano ang inaasahan ng mga tao sa Martyr or Murderer? “Madudurog ang puso nila. Yun lang,” tanging sagot ni Cristine.
Sa Martyr or Murderer ay gumaganap si Cesar Montano bilang si former president Ferdinand Marcos, Ruffa Gutierrez bilang si Madam Imelda Marcos, Diego Loyzaga bilang si President Bongbong Marcos Jr., Ella Cruz bilang si Irene.
Si Isko Moreno ang gumaganap na Ninoy Aquino.
***
SA guesting ni Miguel Tanfelix sa Fast Talk with Boy Abunda, tinanong siya ni Kuya Boy kung nakarelasyon ba niya sina Barbie Forteza, Bianca Umali at Kyline Alcantara.
Sa The Talk segment, ipinakita ni Tito Boy ang larawan ni Barbie, at diretsahang tinanong kung niligawan ba ni Miguel ang dalaga.
“Yes Tito Boy. Pino-post ko po siya dati. Naging kami po,” sagot ni Miguel.
Ayon pa kay Miguel, bumibisita siya rati sa set ni Barbie kapag may taping ito.
“Dalaw po sa set. Kasi hindi po kami magkasama ng show dati, I was doing ‘Niño’ back then tapos iba po ‘yung show niya. Kapag may taping siya, pinupuntahan ko, nagdadala po ako ng pagkain. Kapag po malapit ‘yung set nila sa Cavite, kasi taga-Cavite ako, nagdadala po ko.”
Sunod na ipinakita ni Tito Boy ang larawan ni Bianca.
Muli, binalikan ni The King of Talk ang ginawang paghingi noon ni Miguel ng pahintulot sa lola ni Bianca sa debut ng dalaga, kung puwede niya itong ligawan.
“Naging kayo ba ni Bianca?” diretsahang tanong ni Tito Boy.
“Yes Tito. Naging kami po ni Bianca,” sagot ng binata, na sinabi ring hindi naging maganda ang kanilang hiwalayan noon.
“Hindi po naging maganda,” sabi ni Miguel.
Nang tanungin kung may kinalaman dito si Kyline Alcantara, umiwas si Miguel na sagutin ang tanong.
“Siguro Tito Boy ‘yung dahilan ng paghihiwalay namin, huwag na tayong mandamay ng ibang tao. Irespeto natin ang ibang tao. Siguro sa issue na lang namin ni Bianca,” aniya pa.
Sunod na ipinakita ni Tito Boy ang larawan ni Kyline.
“We had something special,” sabi ni Miguel tungkol sa dalaga.
“You have something special which means oo o hindi?” paglilinaw ni Tito Boy.
“Yes,” sagot ni Miguel. “Hindi ko na masyado matandaan pero naalala ko lagi kaming magkasama sa All-Out Sundays. Doon po kami nagka-develop-an.”
“Ako Tito Boy okay ako sa kanya,” tugon naman ni Miguel nang tanungin kung friends sila ni Kyline.
Pero nang tanungin kung pareho ang nararamdaman ni Kyline na magkaibigan sila, sumagot si Miguel ng “Hindi ko po alam.”
So kung sinabi ni Miguel na nagkaroon sila ng something special ni Kyline noon, ibig sabihin ay naging sila nga nito, di ba?
May balita nga kasi noon na kaya naghiwalay sina Bianca at Miguel ay dahil kay Kyline.