Advertisers

Advertisers

NIYURAK

0 253

Advertisers

MAY kasabihan na kapag niyurak mo ang kalikasan, gaganti ito ng sampung patong. Hindi apektado dito ang mga may pakana ng pagmimina, maliban kung binayaran kang punong-barangay sa lugar na pinagminahan. Malamang ganito ang ginawa ng Altai Mining na nagawang magsagawa ng pagmimina at pagtotroso sa Sibuyan, isang lugar na maituturing “Galapagos” ng Filipinas, nang walang kaukulang pahintulot mula sa DENR. Ang Altai Mining ay pag-aari ng hari ng kaplastikan o “plastics king” William Gatchalian. Pinamamahalaan ni Kenneth Gatchalian, kapatid ni Senador Sherwin Gatchalian, at bagong hirang na kalihim ng DSWD Rex Gatchalian, at Alkalde Wesley Gatchalian ng Valenzuela City. Napakalayo ng Sibuyan sa Valenzuela City, kung saan lulan ang mga Gatchalian. Ngunit dahil sa nakamit na impluwensya mula sa kasalukuyan at nagdaan na administrasyon, namayagpag sila at pinahaba ang galamay nila, at ngayon. Maging ang pagmimina ay kumukubabaw nila.

Hindi ako kumokontra sa pagmimina, basta napapanatili nito ang kaayusan ng lugar na pinagmiminahan. Subalit napakamahal gawin ito, at sa tingin ko hindi gagawin ito ng Altai, sa ipinamalas nila. Malakas ang kutob ko na sila rin ang nasa likod ng pagtangkang pagmimina sa Masungi Eco-Park, na natigil din dahil sa maagap na pag-responde ng mga tagaroon. Hindi na tayo natuto sa mga nangyari dahil sa walang habas na pagmimina. Isang halimbawa ng kapahamakan ay ang Ormoc City. Lunod sa limot ang kaganapan, kung saan libu-libo ang namatay, at hindi pa rin nananagot ang mga salarin na pasimuno ng pagmimina sa Ormoc. Walang maidudulot na mabuti ang pagyurak sa kalikasan sa pagmimina, at habang hindi pa tayo gumagamit ng makabagong teknolohiya sa pagmimina, at hangga’t iilan, tulad ng mga Gatchalian ang nakikinabang. Sa maikli, mananatiling talunan ang mga nakatira sa lugar na apektado ng pagmimina. Huwag na tayong paliguy-ligoy. Matindi ang pinsala dulot ng pagmimina lalo na kung may pakana ay mga walang pakialam sa kapakanan ng residente, at ng DENR. Pagyurak ito hindi lang sa umiiral na batas, sa tao. Pagyurak ito kay Inang Kalikasan. Babalik sa inyo ang lahat ng ginawa ninyo. At sa ating nananatiling nakamatyag at mulat, kasihan nawa tayong lahat ni Poong Kabunian.

***



Nang marinig ko ang talumpati ni dating kalihim ng DPWH Mark Villar tungkol sa Maharlika Investment Fund para ako nakikinig sa isang taong kinukumbinse akong bumakas sa isang pyramid scam. Bago dumating ito sa Senado, ipinasa ito sa Kamara de Representante noong Disyembre, ibinalik upang repasuhin, at sa pananalita ni Joey Salceda, dadaan ito sa “re-engineering. Subalit walang re-engineering na ginawa at ipinasa ang Maharlika Wealth Fund na walang binago.

Bago maging kalihim ng DPWH sa ilalim ng serial killer-president, si Senador Mark Villar ay isang negosyante. Aral siya sa pamamalakad ng kanyang mga magulang na si Manny at Cynthia Villar. Hindi ko na dapat dagdagan. Sang-ayon ako sa mungkahi ni netizen Stanley Cabanatan na aksaya sa panahon at laway at magbasa-basa ng kaunti ng world financial news. Halimbawa, “cautionary tale” ang “sovereign wealth fund” ng Norway, isa sa pinakamalaking “sovereign wealth fund” sa buong mundo na may pag-aaring nagkakahalaga ng $1.3 trilyon. Tinapos ito ngayong 2023, na may pagkaluging umabot ng $170 bilyon. Hindi mga Norwego may pagkalugi, maging ang investment fund sa ibang bansa ay nalugi partikular ang Hong Kong. Sa kaso ng Norway at Hongkong na mga bansang kilala sa maayos na pangangalaga ng kaban, na kilala din sa pagbigay ng maayos at masusing payo tungkol sa pangangalaga ng pera, maging sila ay nakaranas ng pagkalugi sa kanilang “investment funds.” Kaya sa akin Mark Villar, para ka lang nagbebenta ng budol na sa kalaunan ako ay mauuwi sa pagnganga. Diretsuhin kita. Bobo lang ang makumbinsi sa Maharlika Investment Fund. Sabagay sanay ka at aral sa “budol techniques” ng mga magulang mo.

xxx

Pebrero na at tatlong buwan na lang bago umiral ang bagong rekisitos ng European Maritime Safety Agency o EMSA, para sa mga marinong sasampa sa kanilang barko. Sa MARINA, at mga namamahala ng mamamalakaya ng Pilipino, aba, kumilos kayo. Maging ang DoTr ay nagdududa na sa kilos ninyo hinggil sa isyu na ito, at ang limang ahensya na itinalaga ni dating pangulo Duterte para ayusin ang problema. Ngayon ay tila nagbiyobyolin ang MARINA habang natutupok ang Roma. Tama si Edgardo Flores, isang beteranong mamamalakaya, at kabilang sa mga makabagong Manila Men, na dapat intindihin ng DoTr na ang pangunahing problema ay ang mga itinalaga sa “steering committe”. Samakatuwid, wala silang karanasan dahil hindi sila naging marino. Sa akin ang mga nasa “steering committee” ng MARINA ay parang mga titser ng practical arts na nagpupumilit magturo ng algebra. Samakatuwid, dapat repasuhin ng DoTr ang mga taong namamahala sa problema ng EMSA ay walang kaalaman sa gawain ng tinagurian ko na makabagong Manila Men. Nakasalalay ang kapakanan mahigit 50,000 na marino, at mawawalan ng $7g bilyon para sa bansa. Labing anim na taon na isyu ito, ngunit nagbiyobyolin pa rin ang mga kinauukulan.

***



“Isipin niyo nagsinungaling ka, at dahil dito- nakulong ang isang tao ng limang taon. All those years lost. Takot ka sa presidente o sa boss mo ngunit hindi ka takot sa Diyos?…”

Ito ang sinabi ni Karen Davila, brodkaster at netizen nang inamin ni Sandra Cam na pulos kabulaanan ang paratang niya kay dating senador Leila De Lima. Unti-unting umuurong ang mga huwad na saksi, unti-unting nagiging maliwanag na walang-sala ni Leila, at nakapiit siya dahil lang sa pulitika at maling paratang. Isang mensahe ang gusto kong ihatid kay Atty. De Lima sa pamamagitan ng sinabi ni Gat José Rizál mula Ingles pahintulutan nyo akong ihalaw sa Tagalog ito: “Ang kalayaan kailanman ay hindi makakamit sa dulo ng balaraw, makakamit lamang ito kapag karapat- dapat kamtan. Kapag natunton ito, ang sandata’y ipagkakaloob ni Bathala, mababasag ang mga rebulto, at guguho, parang bahay na gawa sa baraha, ang paniniil, ang kalayaan ay manininag, parang bukang-liwayway.” Ito ang iniiwan kong mensahe para sa lahat ng pinagkaitan ng kalayaan, kay de Lima. Naghihintay ang kalayaan. At tulad ng napipintong bukang-liwayway, Ito ay tiyak na magaganap. Manalig po kayo. Lilipas din ito.

***

Mga Harbat Sa Lambat: “In all my years as an economist I have never heard of a country referred to as a member of the VIP Club. This takes the cake…” – Prof. Cesar Polvorosa Jr.

“Ayon kay BBM: ‘HOARDING IS JUST NORMAL…’ Kailan pa naging normal ang hoarding?…” -Da Celestine, netizen

“Sa mga nagtataka kung bakit nawawala sa radar si Sal Panelo, huwag po kayong mabahala. Tinatapos pa niya ang film na pinagbidahan niya, ang The Lizard Of Oz…” -Maris Hidalgo, OFW, netizen

***

Joke Taym mula kay Anna Margarita Villena, netizen

DAD: Nagsara yung botika sa labasan…

ANNA: Ay, bakit…?

DAD: Kasi gabi na…

Pambihira naman oh…

***

mackoyv@gmail.com