Advertisers
NASAWI ang isang sundalo at tatlo ang sugatan nang masabugan ng anti-personnel mine na itinanim ng grupo ng Communist Terrorist Group (CTG) noong Miyerkules sa Albay.
Kinilala ang nasawi na si 2Lt. Nico Malcampo, 31 anyos, tubong Basilan, kasapi ng 9th Infantry Division at nagtapos ng Army’s Officers Candidate Course Class 54-2020.
Sa report, 9:00 ng umaga nang maganap ang pagsabog sa Barangay Ramay, Albay.
Sa pahayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP), nagtungo ang grupo ni Malcampo sa erya nang makatanggap ng report hinggil sa presensya ng mga teroristang grupo na nangingikil sa mga residente.
Pagdating sa erya, biglang sumabog ang itinanim na APM ng mga teroristang grupo.Nagtamo ng matinding pinsala si Malcampo, naging sanhi ng kanyang kamatayan; habang nilapatan ng lunas ang tatlong sugatan na sundalo.
Mariing kinondena ng AFP ang paggamit ng mga anti-personnel mine ng mga teroristang grupo na isang kaduwagan.
Mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng APM sa ilalim ng International Humanitarian Law na nagpapatibay sa kanilang katayuan bilang isang teroristang organisasyon.