Advertisers
NABASA ko sa isang tweet sa social media: “Announcement: Dahil sa presyo ng mga bilihin ngayon, kapag may nalaglag na pagkain, ie-extend from five seconds to ten seconds pwede pang damputin. Please be guided accordingly.” Sadyang malikhain at palabiro ang ating mga kababayan na nagagawang magpatawa sa gitna ng pagsasalat. Masasabi ko ito dahil sadyang malikhain tayo kapag kaharap tayo ng suliranin at krisis. Bukod doon, ang Pilipino ay hindi maangal. Ang pagkatao natin ay maihahambing sa punong kawayan yumuyuko at hindi nababali kahit gaano kalakas ang hangin.
Parang kawayan, matatag ang gulugod natin. Yuyuko ito kahit gaano kabigat ang pasan-pasan ng balikat. Ganoon din katibay ang ating mga sikmura, kahit gaano kapait at kasama ng lasa ng putaheng inihain sa atin ng tadhana, lulunukin natin at mananahimik. Halimbawa, ang pagpili ng mga pinuno. Dinadaan lang sa patawa, pabibo at islapstik ang panunuyo. Natatabunan tuloy ang tinig ng mga lantay ang intensyon na maglingkod, ingay ng mga payasong nangingibabaw ang boses. Sila tuloy ang naririnig. Sila tuloy ang nananaig. Ang ugali sa pagpili ng pinuno ay parang balaraw na may dalawang talim. Daanin lang tayo sa patawa at konting “song-and-dance,” ayos na ang buto-buto.
Ang resulta ay ang pagluklok ng mga taong hindi karapat-dapat na manilbihan. Bagkus, sila ngayon ang pasan-pasan natin. Sila ngayon ang nagpapatayo sa nangangawit nang gulugod ng taumbayan. At ang tinig ng mga maaayos ang plantilya ay nalulunod sa ingay ng mga payaso. Masaklap ang kalagayan ng Inang-Bayan. Nagmistula isang malaking peryahan ang Pilipinas na pinamumunuan ng isang rekwang unggoy payaso.
***
NOONG ika-6 ng Pebrero, 2023, tinutukan ng isang barkong Tsino ng “military grade laser” ang isang barko ng Philippine Coast Guard na nagsasagawa ng “rotation and resupply mission” sa Ayungin Shoal. Nakunan ito ng Coast Guard. Dahil sa nangyari, nagsampa ng protesta ang DFA sa gobyerno ng Tsina. Ang tugon ng Tsina ang Pilipinas ang pumasok sa kanilang teritoryo, at pinilit ng Chinese Foreign Ministry na pag-aari ng Tsina ang Ayungin Shoal. Ang laser na itinutok nila sa barko ng PCG ay ginagamit na target na kanilang pipunterya upang tamaan ito ng bomba o missile. Isang isang galaw ito na iresponsable at mapanganib, dahil pwede itong humantong sa palitan ng putukan. Sabagay noon pa man, ipinakita na ng Tsina ang kawalan ng respeto sa hangganan ng mga bansang katabi nito, mas lalo dito sa Pilipinas, na, nagmula nang naging pangulo si Rodrigo Duterte, ang tingin nila sa Pilipinas ay isang bansang alipin na maaari nilang tapak-tapakan.
Nakalulungkot dahil minsan sa kasaysayan hinirang ang kawal na Pilipino sa taglay nitong katapangan. Mismong si Heneral Douglas MacArthur ang nagsabing “bigyan niyo ako ng sampung libong kawal na Pilipino at lulupigin ko ang buong daigdig…” Subalit nagbago ang lahat sa nang maging pangulo si Duterte. Mistulang isang hukbong kinapon ang AFP sa ilalim ng pamumuno ni Rodrigo Duterte. Sinabi niya sa isang tipanan na sana naging probinsya ng Tsina ang Pilipinas, isang patunay na taksil sa bayan. Nag-umpisa ito nang maging pangulo si Gloria Macapagal Arroyo, na sa pamamagitan ng patagong negosasyon, nagawa niyang ibenta ang ating dangal sa mga Tsino. Ayon kay Philip Lustre, kasalanan ito ni Rodrigo Duterte. isinuko ng ating makasaysayang karapatang pangkasarinlan sa Tsina. Traydor siya at marapat na huwag kaawaan. Isa siyang taksil at duwag. Nakakalungkot at nakakagalit.
Ayon sa dating sugo ng bansa, Sahid Sinsuat Glang: “The continued silence of the AFP Commander-In-Chief on the laser-aiming incident by a Chinese vessel on a Philippine vessel at Ayungin Shoal means he is complicit in the Chinese aggression of our maritime territory!…” Maliwanag na kinapon ang Hukbo at pinatatahimik sa isyu. Gaya ng sinabi ko sa umpisa ng aking kolum, ang Pilipino ay matimpiin at dadapa hangga’t kayang dumapa. Subalit kapag hindi na makayanan ay babaligwas ito, at ang hagupit ng naipon na timpi ay tatapos sa kanila. Maging ang Hukbong Sandatahan na sadyang kinapon ng nagdaang administrasyon ay mag-aaklas. Patawarin ako ni Poong Kabunian. Magigisnan silang lahat na mga taksil sa Bayan na binabalatan ng buhay sa lansangan. Sapagkat ito ang nararapat sa mga taksil at kanilang kasapakat na manlulupig.
Sa lahat ng tunay na nagmamahal sa Bayan at sa ating ginintuang kasaysayan, kasihan nawa tayo ni Poong Kabunian at mabuhay ang matapat na Pilipino.
***
Mga Harbat Sa Lambat: “Wag nating pagkatiwalaan ang con-ass mode ng Cha-cha na itinutulak ni Robin Padilla sa Senado.. Patibong ito ng political dynasties-infested, and pork barrel-fed Congress…” – Manuel Laserna Jr, netizen
“Uto-uto ba ang korte o sinusulsulan?…I don’t know kaya nagtatanong ako… Walang malakas na ebidensya laban kay De Lima , so ano pa pinang-hahawkan niyo?… Salita ni Rodrigo Duterte?…. Tanong lang ba, pero baka totoo…” – James Solo Palispis, netizen
“Ginagawang katatawanan ang Pilipinas… Pumunta sa Switzerland par ipagyabang na kaya ng Pilipinas na mag-invest globally tru MIF. Then, after a couple of weeks, lumipat naman sa Japan para mangutang… ‘Di ba katawa-tawa yan?… A proud nation, then suddenly a nation of beggars…” – Clive Reyes Jr, netizen
c/o Sheila Comandante: “The truth is that Facebook doesn’t make friendships; it’s just a platform. When you leave it, the people who matter will still be there…” -Charlotte Grainger
“Should we leave Facebook?” “If all the good people leave Facebook, what will happen? If people who look for facts leave Facebook, who will be left behind ? Denial does not change reality. You just don’t know about it.” (not verbatim because my memory sucks, but close enough) – Maria Ressa, mamamahayag, Nobel laureate
“MAHIRAP palayain ang mga tanga sa kadenang minahal nila…” – Hector Mison, netizen
***
mackoyv@gmail.com