Advertisers
HINIMOK ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang lahat ng mga pasahero sa himpapawid na magbigay ng sapat na oras mula sa karaniwang tatlong oras bago ang oras ng pag-alis ng flight sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kaalinsabay sa magiging epekto ng malawakang welga sa transportasyon ng ibat-ibang transport group sa kalakhang Maynila.
Ang isang linggong transport strike, na inaasahang magsisimula sa Lunes, Marso 6, ay maaaring magresulta sa limitadong opsyon sa pampublikong transportasyon para sa mga pasaherong bumabyahe papunta at pabalik sa mga terminal ng NAIA.
Ang mga lokal na kumpanya ng airline at mga tagapagbigay ng serbisyo ng airline ay naghanda ng mga hakbang sa contingency upang matiyak na minimal, kung hindi man, walang pagkaantala sa trabaho sa kanilang mga operasyon.
Inatasan naman ni MIAA General Manager Cesar Chiong ang deployment ng MIAA shuttle buses papunta at pabalik ng Dasmariñas Cavite para sa mga empleyado ng MIAA na naninirahan sa iba’t ibang bahagi ng Cavite. Ang mga empleyadong nakatira sa mga kalapit na lungsod tulad ng Makati, Quezon City at Manila at ang mga nakatira sa Bulacan at Laguna areas ay hinihikayat na isaalang-alang ang pananatili sa opisina kung saan may pansamantalang tulugan para sa kanila.
Ang dating Nayong Pilipino administration building na inookupahan ngayon ng MIAA, ay may ilang shower room na magagamit din ng mga empleyado.
“We are working closely with our stakeholders to mitigate the effect of the strike to NAIA operations. We are continuously monitoring the situation,” ani ng airport chief.
Hinihikayat ang mga pasahero na subaybayan ang mga balita sa tri-media tungkol sa sitwasyon ng transportasyon sa kanilang mga lugar at suriin ang kalagayan ng kanilang paglipad bago pumunta sa NAIA upang maiwasan ang abala. (JOJO SADIWA / JERRY TAN)