Advertisers
Ni ROMMEL PLACENTE
SA Showbiz Update vlog ni Ogie Diaz, napag-usapan nila nina Mama Loi at Mrena ang trending video ng motivational speaker na si Rendon Labador na matapang nitong tinawag ang pansin ni Coco Martin sa isinasagawang taping sa Quiapo ng serye nitong FPJ’s Batang Quiapo.
May hindi raw kasing magandang epekto ito sa mga nagtitinda sa Quiapo. Kumbaga, nakakaistorbo raw ang taping, at nawawalan daw ng kita ang mga nagtitinda roon dahil pinapaalis.
Sabi ni Ogie,”Pag motivational speaker ka, dapat hinay lang sa pagsasalita. Huwag ‘yung parang nananakot ka na parang siga ba. Huwag ‘yung ganun. Syempre ‘yung mga ganyan, hindi naman basta pumunta lang sa Quiapo at nag-shooting. Humingi ‘yan ng permit sa barangay, humingi yan ng permit sa City Hall.”
Dagdag pa niya, “Hindi ba dapat ang kino-call out mo o ‘yung dapat na sinasabihan mo ‘yung barangay doon na sumasakop sa Quiapo. Hindi ba dapat ang sinasabihan mo ay ‘yung Mayor’s Office. ‘Di ba sila dapat? Kasi hindi naman sila matutuloy doon kung hindi sila pinayagan.”
Bagama’t naiintindihan ni Ogie at pinuri pa nito ang pagmamalasakit ni Rendon sa mga Quiapo vendors, ay pinuna naman nito ang naging pamamaraan ni Rendon ng pag-call out kay Coco at sa produksyon ng FPJ’s Batang Quiapo, na aniya ay sumobra.
“Sana yung mahinay lang. Malay mo pakinggan ka pag mahinay ka. Huwag natin pairalin yung pagiging siga.
“Huwag na tayong naninindak, huwag nang nananakot. Ang importante maipahatid mo yung mensahe mo sa maayos at mahinahon at malumanay na paraan,” aniya pa.
***
BRO.JUN IPINALIWANAG ANG RASON NG PAGLIPAT SA RADYO 5 TRUE FM
GINANAP sa Quezon Memorial Circle noong Marso 11, Saturday, ang isang buong araw na grand launch para sa bagong look at identity ng Radyo5 bilang 92.3 Radyo5 TRUE FM, na ngayon ay pina-level-up ang larangan ng pamamahayag sa radyo sa pamamagitan ng kanilang mga news, information, at entertainment programs.
Isa si Bro Jun Banaag na may radio program sa 92.3 Radyo5 TRUE FM. Ito ay ang Dr. Love, na napapakinggan mula Lunes hanggang Biyernes, between 10:00pm -12 midnight.
Ang Dr. Love ay dating napapakinggan sa DZMM.
Sa grand launch ng TRUE FM, ipinaliwanag ni Bro Jun kung bakit nag-decide siyang tanggapin ang offer ng TRUE FM at iwan ang DZMM.
“Ang pakiusap nila (DZMM, kung pupwede twice a week na lang ang Dr. Love. And aside from that, kung pwedeng bawasan ‘yung talent fee ko, ayun,”simulang sabi ni Bro Jun.
Pagpapatuloy niya,”So ang laki ng nawala sa talent fee. At ang sinusweldo ko, pambayad lang sa Meralco.
“Pumayag naman ako for 3 years.
“Pero nung bandang huli, sabi ko, magsasara ang bank account ko nito. This time, I have to look after the future of my wife and myself.”
Naging dahilan nga ‘yun para mag-decide si Bro Jun na magpaalam nang maayos sa DZMM at pumayag naman ito.
So mas malaki ang talent fee niya sa True FM, kaya tinanggap niya ang offer na rito na lang ilipat ang kanyang Dr. Love radio program?
“Well, mabubuhay ka naman nang disente,” natatawang sagot niya.
“Ang ikinatuwa ko lang talaga ‘yung pagkakataon na ibinigay nila sa programa, dahil nagtitiwala sila, naniniwala sila.”