Advertisers

Advertisers

Board member ng Romblon nagwala sa loob ng sabungan, baril pumutok

0 197

Advertisers

NITONG nakaraang Sabado, Marso 11, nagtakbuhan palabas ng sabungan ang mga sabungero nang pumutok ang baril ng isang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Romblon matapos pagmumurahin ang mga sabungero sa loob ng sabungan bayan ng Romblon, Romblon.

Sa isang video na pinost sa Facebook ng concerned citizen, makikita na hawak ni SP “Jun” Bernardo ng 1st District ng Romblon ang mikropono sa gitna ng cockpit arena at pinagmumura ang mga sabungero. “Mga yawa kamo!”, sigaw niya sa salitang Romblomanon.

Sa isa pang video post na kuha sa labas ng sabungan, makikitang nagtatakbuhan palabas ang mga sabungero nang umalingawngaw ang putok na baril.



Ang pumutok ay baril ni SP Bernardo.

Kinuha kasi ni Bernardo ang sling bag sa kanyang badigard. May dinukot ito sa loob nang biglang may pumutok, nasapul sa paa ang kanyang badigard, bumagsak ito.

Sa police report ng Romblon Municipal Police Station na pirmado ng Major Gemie M. Mallen, 3:20 ng hapon nangyari ang “accidental firing” sa Perca Cockpit Arena sa Barangay Bagacay.

Sabi sa report, kinuha ni Bernardo ang kanyang sling bag sa kanyang personal bodyguard na si Jerome Madeja, 37 anyos. Pero nahulog daw ang baril mula sa loob ng sling bag. Sinubukan daw itong saluhin ni Bernardo pero aksidenteng nakalabit niya ang gatilyo ng baril at pumutok, tinamaan ang kanyang badigard sa kaliwang paa.

Sabi sa report, hindi magsasampa ng kaso si Madeja sa kanyang boss. Kasi aksidente lang daw ang nangyari.



Ang police report na ito ay masyadong hilaw. Halatang may kinikilingan o pinoproteksiyunan.

Oo! Kulang na kulang sa mga impormasyon ang police report na ito, Major Mallen. Ni hindi nyo binanggit kung anong kalibre ng baril, kung lisensiyado ba ito at kung kanino nakapangalan. Hindi rin binanggit kung ano ang sanhi ng pagwawala ni SP Bernardo gayung viral na ang video ng pagmumura nito sa mikropono sa gitna ng arena ng sabungan.

At kung hindi man magsampa ng kaso ang badigard laban sa kanyang amo, dapat ang pulisya ang magsasampa ng kaso laban kay Bernardo. Mismo!

Unang una, bawal ang baril sa loob ng amusement places, nakalagay ito sa lisensiya ng baril. Paglabag ito sa Republic Act 10591.

Pangalawa, ang accidental firing o accidental discharge ng firearm ay isang krimen. Dahil marami nang namatay sa iresponsableng pagdala o paghawak ng baril.

Pangatlo, si Bernardo ay isang public official, halal ng mamamayan ng Romblon. Dapat ay malawak ang kanyang pang-unawa sa mga bagay-bagay lalo’t sa loob ng sabungan, kungsaan ang mga sabungero ay nagkakantiyawan. Oo! Hindi siya dapat nagmumura sa mikropono sa loob at gitna ng cockpit arena na akala mo’y hari ng lugar. Eh pasuweldo lang siya ng mamamayan!

Governor “Otik” Riano, yang “bata” mo…mag-ingat ka dyan at baka gawin niya rin sayo ang ginawa niya sa kanyang dating “tatay-tatayan” na si ex-Gov. Ed Firmalo na kanyang winalanghiya matapos siyang busugin. Mismo!

Teka, gaano ba katotoo na si Bernardo ang may hawak ng mga project ni Gov. Riano? Bawal yun sa politiko ah… may conflict of interest dyan!

Balikan natin ang Romblon MPS, Major Mallen, panoorin nyo ang video ng pagwawala ni Bernardo, malayong malayo sa police report nyo. Ayaw ni Chief PNP Azurin ng ganyan!