Pagbigkas ng ‘Panunumpa ng Kawani ng Gobyerno’ ipinag-utos ni Mayora Honey
Advertisers
IPINAG-UTOS ni Manila Mayor Honey Lacuna ang recital o pagbigkas ng ‘Panunumpa ng Kawani ng Gobyerno’ tuwing first flagraising ceremony ng bawat buwan at ipinanawagan nya din sa lahat ng city officials at mga empleyado na isapuso at isabuhay ang nasabing panunumpa.
Sa kanyang maiksing mensahe sa flag ceremony nitong umaga ng Lunes, sinabi ni Lacuna na umaasa siya na ang ang panunumpa ay magsisilbing paalala at gabay kung paano ang bawat isang manggagawa ng City Hall ay gagawin ang kanilang tungkulin.
Kabilang sa sinusumpaang tungkulin ng kawani ay ang pagdating ng maaga sa trabaho, pangalagaan ang mga ari-arian ng gobyerno na nasa kanyang pangangalaga. Tumulong sa lahat ng nangangailangan ng serbisyo sa kanilang tanggapan ng may ngiti at sigla, i-report ang mga maling gawain at magtrabaho kahit lagpas na sa oras na itinakda kung kinakailangan.
“Pinaaalala ko sa inyong lahat na tayo pong mga nanunungkulan sa pamahalaang-lungsod ay dapat pumasok nang maaga. Matatanda na po tayo, di na po natin kailangang paalahahanan pa ang isa’t- isa lalong- lalo na po tuwing Lunes kung kelan tayo nagkakaroon ng lingguhang pagtaas ng watawat, dahil ‘yung iba, tapos na ang pagtataas ng watawat, saka pa lang papasok,” sabi ni Lacuna.
Idinagdag pa nito na : “Dapat isapuso natin ang ating paglilingkod dahil doon po makikita kung paano natin haharapin ang ating mga pinaglilingkuran. Dapat tapat at mahusay. Siguro, marapat lamang na tuwing unang linggo ng pagtataas ng watawat kada buwan ay ginagawa natin ito na para paalaahanan tayong lahat ng mga dapat nating gawin bilang kawani o lingkod-bayan.”
Binigyang diin ng first lady mayor ng kabisera ng bansa na dapat na ipagpasalamat ng mga city employes at officials na sila ay nagtatrabaho sa City Hall dahil ‘di lahat ay nabibigyan ng pagkakataong makapaglingkod sa mga kababayan.
Nanawagan din si Lacuna na sa lahat ng mga residente na ‘di pa nakakapagparehistro ng SIM cards na samantalahin ang tulong ng Globe telecoms sa Bonifacio Shrine katabi ng Manila City Hall.
Sinabi ni Lacuna na ang event na nagsimula nitong Lunes ang kaunahang NCR-based assisted SIM card registration.
“Grab the opportunity to have your SIM cards registered,” pahayag ni Lacuna, at idinagdag din na lahat ng interesado ay maaaring magpunta sa Bonifacio Shrine kung saan may walong kawani ang sabay-sabay na tutulong sa SIM registration mula 9 a.m. hanggang 4 p.m. at hanggang Biyernes.
Ang activity, ayon pa kay Lacuna ay alinsunod sa Republic Act 11934, o SIM card Registration Act, at hanggang April 26, 2023 lamang ang deadline ng registration ng SIM cards. (ANDI GARCIA)