Advertisers
MATINDING stress at psychological torture ang dinanas umano ng isa sa staff ni Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves Jr. mula sa kamay ng mga umarestong tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Ito ang pahayag ni Hanna Mae Sumerano, staff ni Cong. Teves Jr. na una nang inaresto kasunod ng raid na isinagawa ng mga awtoridad sa ilang mga bahay ng kongresista kung saan nakasamsam ng iba’t-ibang uri ng armas na walang kaukulang lisensya.
Ginawa ang pahayag nang humarap sa media si Sumerano kasama ang dalawa nitong legal counsel na sina Atty. Ferdinand Topacio at Atty. Toby Diokno bago ang pagsasampa ng reklamo sa Commission on Human Rights (CHR) laban sa mga tauhan ng CIDG na umaresto sa kanya.
Ayon kay Sumerano, makailang beses daw siyang pinipilit na mag-testify laban kay Cong. Teves at idiin ang kongresista sa mga kaso ng pagpatay.
Idinagdag pa nito na tinatakot daw siya na makukulong din ito kung hindi magsasalita laban kay Cong. Teves.
Samantala, nauna ng dumistansiya si Negros Oriental 3rd District Rep. Arnie Teves patungkol sa nangyaring pananambang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo kung saan idinadawit ang kaniyang pangalan sa insidente.
Kaugnay nito sinabi ni Sumerano na kabilang sa ipinaaamin daw ng mga tauhan ng CIDG sa kanya na siya ang nagbayad sa mga hired killer sa nangyaring pananambang kay Gov. Degamo na iniuugnay sa mambabatas.
Nabatid na una na rin ni-released si Hanna Mae ng CIDG nang ipag-utos ng Department of Justice (DOJ) dahil sa kakulangan ng ebidensya na ito ang siyang nagmamay-ari ng mga unlicensed firearms na pagmamay-ari ng kanyang mister na kabilang sa nakakulong pa rin sa tanggapan ng CIDG.(Boy Celario)