Advertisers

Advertisers

BAKA MATULAD SA ‘DEPOSITO MUNA’

0 202

Advertisers

APRUBADO na sa panlasa ng karamihan sa mga Senador ang panukalang batas upang ipagbawal ang polisiya ng mga pribado at pampublikong paaralan na kung tawagin ay ‘No Permit, No Exam’.

Sakaling tuluyan nang maging batas ito, inaasahan ng gobyerno na makakukuha ng pagsusulit ang mga estudyante kahit may kakulangan o wala pang bayad sa kanilang matrikula.

Marahil ay naisip ng mga Senador na marami sa ating mga kababayan ang nababaon sa utang para lamang makapagtapos sa pag-aaral lalo na kung pribadong paaralan na halos kada taon nagtataas ng matrikula.



Totoo naman iyon subalit totoo rin naman na marami sa ating mga kababayan ang manunuba. Iyon bang wala talagang balak magbayad kahit may pambayad dahil ugali na ang umutang para lang kalimutan.

Kaya sa tingin ko ay [sana] mayroon din inilagay na probisyon sa naturang panukalang batas para sa mga sanay umutang nang umutang pero hindi marunong magbayad upang protektado naman ang mga paaralan sa mga mapangsamantala.

Kung sakali man na tuluyan nang maging batas ito ay dapat bantayan ang pagpapatupad nito dahil siguradong mayroong mga magagaling na administrador ng paaralan ang mag-iisip ng paraan para makaiwas sa batas na ito.

Naalala ko nang ipagbawal na rin sa mga ospital ang paghingi muna ng deposito bago asikasuhin ang mga pasyente na madalas tamaan ang mga kapus-palad natin na mga kababayan.

Matagal nang ipinagbawal iyon kasi marami ang tuluyan nang namatay na pasyente dahil walang deposito kaya kahit agaw-buhay na ay dedma pa rin ang mga tauhan ng ospital.



Tanong… wala na bang ‘deposito muna’ sa mga ospital? Matagal nang ipinagbawal subalit mayroon pa rin magagaling na administrador ng ospital ang naka isip ng paraan para manatili pa rin ang polisiyang ito.

Kung walang malinaw na polisiya ang gobyerno na magbabantay sa pagpapatupad ng mga polisiya o batas ay pihadong matutulad lamang sa ‘deposito muna’ ang panukalang batas kontra ‘No Permit, No Exam’. Tiyak iyan!

***

Para sa komento o suhestiyon: eksperto1971@gmail.com