Advertisers

Advertisers

LIBONG URI NG ISDA, 300 SEA CORAL, NANGANGANIB NA MALIPOL SA VERDE ISLAND!

0 1,045

Advertisers

NANGANGANIB na maglaho ang 300 uri ng sea coral at iba’t- ibang uri ng mga isda sa Verde Island Passage (VIP), matapos na lukubin na din ang karagatan ng anim na barangay na napaliligiran nito ng kumakalat na industrial fuel na nagmula sa lumubog na barkong M/T Princess Empress noong February 28, 2023.

Dahil sa masamang epekto ng oil spill, ang mga mangingisda ng mga barangay San Andres, San Agustin Silangan, San Agustin Kanluran, Liponpon, San Agapito at San Antonio ay hindi na nakapalaot para makapaghanabuhay simula pa noong March 21, 2023.

Sa pangangawil at pamamanti (paglalambat) lamang kinukuha ng magkakapatid na Diego Escarez at Luna Jr., kapwa ng Barangay San Andres at mag-aamang Carlos, Ryan at Don King pawang ng Brgy. San Agustin Silangan ang kanilang ikinanabubuhay pati ng kanilang mga pamilya, ngunit ngayon ay wala silang magawa kundi ang saksihan na lamang ang mapaminsalang pagkalat ng industrial fuel sa karagatang kanilang kinamulatan.



“Hindi na po maaring kainin ang mga katlago at kabutlog (oyster) at iba pang laman-dagat na sagana at namamahay sa mga sea coral pagkat kinapitan na ng maitim na langis, kaya nanawagan kami kina Pangulong Ferdinand “BongBong” Marcos (PBBM) at sa aming City Mayor Beverly Rose Dimacuha na tulungan kaming magkaroon ng hustisya ang aming kinasapitan at makabangon sa kinakaharap naming kahirapan”, anang mga naturang residente ng nasabing pulo nang makapanayam kahapon.

Anila may senyales na nagsisipaglayuan na ang mga isdang ayon sa mga environmentalist ay kabilang sa 1,700 fish species na tanging sa VIP lamang matatagpuan at di makikita sa alinmang panig ng Pilipinas o maging sa anumang parte ng mundo at batay sa pag-aaral ng mga siyentipiko ay kinaroroonan din ng may 300 uri ng coral.

Ayon pa sa mga residenteng naninirahan sa nasasakupan ng 17.37 ektaryang lupain na may 20.53 coastline ng VIP, nakulapulan na ng maitim na likido ng langis ang may 300 uri ng coral na matatagpuan din sa paligid ng isla simula nang kumalat ang oil spill sa karagatan noong madaling araw ng March 21.

Deklarado ng Philippine Tourism Authority (PTA) ang mga karagatan ng anim na barangay na saklaw ng VIP na “Marine Reserve Area” .

Ayon sa pagsasaliksik ng American marine scientist na sina Ken Carpenter at Victor Springer ang VIP ay kabilang sa “Corral Triangle” ng Mundo at tinatawag ding “Center of the Center” pagkat tahanan ito ng masaganang marine life at shorefish diversity.



Pinangangambahan ding mamatay ang mga isdang matatagpuan sa fish sanctuary ng Verde Island na ideneklara din ng pamahalaan na isang Marine Aquatic Protected Area (MPA).

May 36 ang nadeklarang MPA, ang 24 ay matatagpuan sa probinsya ng Batangas at 12 naman ay sa Oriental Mindoro na pawang pinangangambahang napinsala sanhi ng naganap na matinding oil spill.

Pinaniniwalaang lumagom na din sa mga karagatan MIMAROPA Region (Mindoro Oriental, Mindoro Occidental, Romblon, Marinduque at Palawan) bahagi ng CALABARZON area lalo na ang Cavite, Batangas, Quezon at baybayin ng Kabisayaan.

Tinataya namang aabot sa kabuuang 2 milyong mamamayan ang maaapektuhan, karamihan sa mga ito ay mangingisda, magsasaka at small scale trader na magdadanas ng kawalang hanapbuhay, pagkakasakit at pagkagutom.

Hindi lamang milyones na kapinsalaan kundi bilyones na halaga ang posibleng kaharaping kaso bilang bayad-pinsala ng kapitan ng 508 GRT (Gross Register Ton) M/T Princess Empress at shipping management na RDC Reield Marine Services.

Lumalakas naman ang panawagan ng mga local environmentalist na hindi lamang ang kapitan at management ng M/T Princess Empress ang papanagutin sa pagkakaroon ng tinatayang pinakamalalang oil spill sa bansa, kundi maging ang ilang matataas na opisyales ng Maritime Industry Authority (MARINA), Philippine Coastguard (PCG) at Philippine Port Authority (PPA)

Nakisawsaw na ang Kongreso at Senado para siyasatin ang puno’t-dulo ng pagkakaroon ng oil spill, kaya dapat bulatlatin ng mga honarable ng dalawang Kapulungan ang ulat na noon pang 2021 ay pinawalang bisa ng dating pamununan ng MARINA ang Certificate of Convenience (CPC) ng M/T Princess Empress. Nakapagdududang naisyuhan ulit ito ng panibagong CPC sa ilalim ng pamunuan ni MARINA Administrator Atty. Hernani Favia?

Hinihinalang nagpabaya o posibleng nasuhulan ang clearing officer ng PCG na nag-isyu ng permit at nag-inspection sa nasabing oil tanker para makapaglayag sa kabila ng pagkakaroon ng gale warning bago ito tumulak mula sa port of origin?

Ang pagkakaroon ng mapaminsalang polusyon ay pangatlo na sa lalawigan ng Batangas- ang una ay nang ang Singaporean- registered barge na Trans 306 ay tumagilid sanhi ng malakas na alon sa Fortune Island passage sa karagatan ng Nasugbu, Batangas at ang mga kargamento nitong may 8,000 metric tons na coal buhat sa Kalimantan, Indonesia na idedeliber sa Maynila ay sumambulat sa karagatan noong 2010.

Ang polusyon nito ay kumalat sa karagatan ng Nasugbu, Lian, Balayan, Calatagan, Tuy, Mabini, Tingloy at iba pang mga lugar kaya’t ang barge kasama si Master Mariner Yen Pinu Ambat at mga tripulante nito ay idinetine ng Batangas Coastguard sa Port of Batangas City. Ngunit habang nasa kustodya ito ng Philippine Port Authority (PPA) Batangas at Fifth Coastguard na may sophisticated na kagamitan ay hinihinalang pinatakas. Isang lady coastguard commander ang napaulat na naging milyonaryo resulta ng nabanggit na polusyon.

Kasunod nito ay ang pagpapatakas din sa may sampung ocean-going vessel na naugnay sa oil spill noon ding 2010 habang nasa lay-up area sa karagatan ng Balayan Bay. Nakipagkutsabahan sa pagpapaihi ng sindikatong buriki o paihi sa naturang lalawigan ang ilan sa mga opisyales at tripulante ng mga mala-higanteng barko.

Ngunit nakatulog ang mga crew member ng nasabing shippin vessel habang pinatutulo ang ninanakaw na petroleum product mula sa barko papunta sa tanker na pag-aari ng sindikato, kayat magdamag na umawas ang diesel product sa karagatan na kumalat sa mga bayan na nasasakupan ng 1st District ng Batangas.

Naging instant millionaire ang ilang local government official at maraming LGUs, ilang opisyales ng MARINA, CG, PPA at maging shipping firm agent kaugnay sa naturang pollution incident, ngunit hindi ang mga ito nakasuhan? Abangan ang karugtong…

***

Para sa komento: sianing52@gmail.com/09664066144.