Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
AMINADO ang magaling at award-winning director na si Sigrid Andrea Bernardo na hiniritan siya ng mga kilalang producers na gumawa ng follow-up ng sleeper hit na Kita Kita na pinagtambalan nina Alessandra de Rossi at Empoy Marquez.
Gayunpaman, hindi niya ikinaila na nahirapan siyang umisip ng materyal sa pagbabalik ng puting tabing ng unexpected love team.
“Actually, noon pa man, kinausap na ako to do another one for their tandem. But, it did not come easy. To be honest, it’s really hard kasi may mga expectations kasi on how to top Kita Kita. So, sabi ko pag-iisipan ko muna and it took me two years bago ako makaisip ng tamang kuwento for both of them,” paliwanag niya.
Hirit pa niya, aware raw siya na mahirap na ma-achieve ang record na naitala ng pelikulang unang pinagtambalan ng Alempoy.
“Siyempre, ang naging challenge sa akin is to just tell a good story and what is the best love story for both of them as actors also,” aniya.
Pagbabahagi pa niya, ibang klaseng Alempoy daw ang mapapanood sa pelikulang “Walang Kaparis.”
“Mas mature iyong characters nila dito. It’s a more mature love story na relatable also,” lahad niya.
Kung ang pelikula niyang Kita Kita ay sa Sapporo, Japan kinunan, ang “Walang Kaparis” naman ay nag-shoot sa Paris, France at sa Baguio City.
“Kasi naisip ko yung pares pares. Kasi nag-iisip ako ng trabaho ng karakter ni Alex na nagtitinda ng pares pares. So, sabi ko, ano kaya kung nakapunta siya ng Paris? As simple as that. But then I’ve been to Paris kasi siguro mga three times, ganyan, and sobrang na-in love din ako sa place. And when you say Paris, lagi siyang sinasabi na about romance. It’s a romantic city, so bakit naman hindi?,”kuwento niya.
Isa raw sa mga naging hurdles niya sa shooting ng film ay nasimulan ito noong panahon ng pandemic.
“Kasi nagsimula kami ng December, wala pang vaccine. Una, nagsisimula pa lang yung lock-in na shoot and we had quarantine muna. So aside from testing PCR pa, malaki yun sa production side lalo na sa budget. Malaki talaga kumain ng budget. Tapos yung PCR magkano, mahal pa noon. So bago ka pumunta sa shoot, may PCR kaming lahat and then hiwa-hiwalay yung rooms tapos sobrang hindi kami puwedeng lumabas. Kung ano lang yung sa set, yun. Sinulat ko kasi siya nung 2019 and wala pang pandemic nun. So in-adjust ko yung script nung pandemic na hindi masyadong maraming tao.
“But then nung nag-shoot kami dun ng August dapat may vaccine ka tapos ang hirap kasi yung pag-apply din sa passport. May quarantine din dapat sa Paris pero wala na. Pero pagbalik ng Pilipinas ni-reroute yung flight namin to Cebu tapos required kami 10 days of quarantine na nasa loob lang ng hotel. So yung mga ganun. Pero when you go to Europe, doon wala na talagang masks sila,” pagbabahagi niya.
Ang “Walang Kaparis” na balik-tambalan ng Alempoy ay kasalukuyang mapapanood na sa online streaming platform sa Prime Video.