Coco nagpaalam sa mga awtoridad kaya walang sinasagasaan sa taping ng serye; Yassi nilinaw, ‘di naapektuhan ang friendship kay Nadine sa isyung Issa-James
Advertisers
Ni ROMMEL PLACENTE
SA panayam ni MJ Marfori kay Coco Martin, tinanong ng una ang huli kung ano ang masasabi niya sa mga naging pahayag laban sa kanya ng motivational speaker na si Rendon Labrador.
Sabi ni Coco,”Kapag hitik ang bunga talagang may babato at babato sa ‘yo. Ako, iniintindi ko na lang na siguro yung mga tao, gusto maghanapbuhay, o kailangan lang na gawin yun. Pero alam ko naman na sana, wala silang masamang intensyon na manggulo o makagulo kasi hindi maganda eh.”
Matatandaang tinawag ni Rendon ang pansin si Coco matapos niyang mabasa ang hinaing ng isang netizen patungkol sa taping ng FPJ’s Batang Quiapo, na nakaaapekto raw sa kanilang pagbebenta sa lugar.
Hindi lang isang beses nangyari ang pag-call out nito kay Coco at may pa-video post rin ito kung saan tinawag niya ang aktor na anak ng tokwa, at sinabihang huwag raw mang-istorbo sa Quiapo at sa halip ay maghanap ng sariling studio.
Pero sa kabila ng mga hindi magandang sinabi ni Rendon kay Coco, lugar na magalit ang aktor sa kanya ay inunawa na lang siya nito.
“Pero sakin kasi, sabi nga nila kung sino yung nakakaunawa di ba, pagpasensyahan mo na lang, unawain mo na lang.
“Ako naman, sabi ko nga, sa lahat ba ng blessing na dumarating, siguro yung pagiging mabuting tao na lang ang binabalik ko, kaysa patulan ko o ano,” aniya pa.
Ipinaliwanag din ni Coco na wala naman silang nilalabag na batas sa pagte-taping sa Quiapo dahil nagpaalam sila at alam nila ang kanilang ginagawa.
“Para sa akin kasi, mas marami tayong ano eh, bagay na pag-ukulan… naghahanapbuhay ka lang naman. Sa palagay ko naman wala kaming ginagawang masama, di kami lumalabag sa batas, kasi sa una’t una, alam namin po yung ginagawa namin.
“Pangalawa, nagpaalam po kami sa mayor, sa Manila City Hall. Meron din po kaming permiso, una sa ating kapulisan, sa barangay, at pati po sa simbahan ng Quiapo, at sa mga kapatid nating Muslim. Lahat ng yon, naka-organize, at napagpaalaman po natin.”
***
SA isang panayam ni Yassi Pressman ay nagbigay siya ng pahayag tungkol sa sinasabi ng iba na apektado ang friendship nila ni Nadine Lustre, matapos lumabas ang balitang karelasyon ng kanyang kapatid na si Issa ang ex ni Nadine na si James Reid.
“Sige po para tapos na po, ha. Isang beses ko lang po ‘tong sasabihin. Wala pong problema,” panimulang sabi ni Yassi.
Patuloy niya,”Kami po ni Nadine, okay po kami. Okay rin po ‘yung buong pamilya namin. At siyempre po, bago po nag-public ang lahat, lahat po naasikaso in private. So, lahat po walang problema.
“And me and Nadine are cool, we’re friends. We’ve been friends ever since we were kids kaya naman, lahat po okay po.
“Tsaka ilang taon na rin po. Kaya ayon, sana everybody, let everyone be happy,” sabi pa ni Yassi.
Nabanggit din daw niya kay Nadine na nagkakaroon na siya ng anxiety dahil sa kaliwa’t kanang pamba-bash sa kanya ng mga netizen mula nang pumutok ang balita about Issa and James.
“She said sorry to hear that. ‘I hope you feeling better,’ siya po yung nagsabi nu’n sa akin,” sey pa ng aktres.