Advertisers
ISA ng ganap na international shrine ang Antipolo Cathedral sa Antipolo City, Rizal nitong Sabado, alinsunod na rin sa isang decree na inilabas ng Vatican.
Batay sa Facebook post ng Antipolo Cathedral, nabatid na ang cathedral ay kikilalanin na ngayon bilang ‘International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage.’
“As one brethren, let us celebrate March 25 with joy and cheer. Aside from the Feast of the Annunciation of the Lord and the anniversary of the departure of the Our Lady of Antipolo from Acapulco, Mexico to the Philippines, this is the most awaited day of the Effectivity of Elevation of the International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage,” anunsiyo pa ng Antipolo Cathedral.
Isang banal na misa rin para sa naturang mahalagang okasyon ang idinaos dakong alas-8:00 ng umaga nitong Sabado, sa pangunguna ni Rev. Fr. Reynante Tolentino, upang ianunsiyo ang pagkakaroon na ng cathedral ng international shrine status.
Pagsapit naman ng alas-6:00 ng gabi ng Sabado ay magdaraos ng prusisyon sa mga lansangan sa Antipolo bilang parangal sa Our Lady of Peace and Good Voyage.
Nabatid na ang Antipolo Cathedral ang kauna-unahang international shrine sa bansa, ikatlo sa Asya at pang-11 naman sa buong mundo.
Una nang nakiisa si Pang. Ferdinand Marcos Jr. sa selebrasyon ng naturang magandang balita.
“Nakikiisa tayo sa kapwa nating Katoliko sa pagdiriwang sa deklarasyon ng Vatican sa Antipolo Cathedral bilang kauna-unahang international shrine sa bansa at ikatlo sa buong Asya. Nawa’y palalimin pa ng karangalang ito ang pananampalataya ng bawat isa,” sabi ng pangulo. (ANDI GARCIA)