Advertisers

Advertisers

Bong Go: ‘Trabaho para sa Bayan’ Act, master plan sa paglikha ng trabaho

0 194

Advertisers

Sinuportahan ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagpapasa ng Senate Bill No. 2035 o ang “Trabaho para sa Bayan Act” na layong magtatag ng isang master plan sa paglikha ng trabaho upang makamit ang short-term at long-term goals para sa bansa.

Ang panukala ay pangunahing iniakdad ni Majority Leader Senator Joel Villanueva.

Sa kanyang co-sponsorship speech, binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng disente at pantay na oportunidad sa trabaho para sa lahat ng Pilipino, lalo na sa panahon ng patuloy na pandemya.



Ipinunto niya na maraming Pilipino ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya at ang unemployment rate noong Enero 2023 ay tumaas sa 4.8 porsiyento mula sa 4.3 porsiyento noong nakaraang buwan na nakaapekto sa 2.37 milyong Pilipino.

“This measure will stimulate national and local economic growth and development through aligning investment and other incentives provided by law for decent job generation, including reintegration of Overseas Filipino Workers,” sabi ni Go.

Binigyang-diin niya ang sapat na pagpaplano at diskarte upang lumikha ng sapat na trabaho.

“Dapat po talaga may sapat na pagpaplano at stratehiya para makalikha tayo ng sapat na trabaho. Through the Trabaho Para sa Bayan Plan, we will promote the employability, competitiveness, wellness, and productivity of workers,” anang senador.

Kung maipapasa, ang Trabaho Para sa Bayan Act ay magtatatag ng National Employment Master Plan na kikilalaning “Trabaho Para sa Bayan Plan.”



Ito ang magsisilbing master plan ng estado sa pagbuo ng trabaho at pagbangon upang makamit ang mga pangmatagalang layunin at mga pananaw para sa bansa.

Mayroon itong apat na layunin — pasiglahin ang paglago at pag-unlad ng ekonomiya, itaguyod ang kakayahang magtrabaho at pagiging mapagkumpitensya ng mga manggagawa, magbigay ng suporta at insentibo sa mga negosyo, at magbigay ng insentibo sa employers at stakeholder ng industriya.

Ang panukala ay ilalapat sa pambansa, rehiyonal at lokal na mga yunit ng pamahalaan nang walang pagkiling sa karapatan ng Bangsamoro Government at mga bahagi nitong LGU na magpatibay at magpatupad ng mga proyekto o programa sa paggawa at trabaho, batay sa mga pambansang patakaran, batas, tuntunin, at regulasyon.

Kabibilangan ang Trabaho Para sa Bayan Plan ng tatlong taon, anim na taon, at sampung taong development timeline para sa vision, mission, goals, at milestones nito.

Isinasaad din ng panukalang batas ang pagtatatag ng Trabaho Para sa Bayan Fund na magbibigay ng kinakailangang pondo para sa pagpapatupad ng Trabaho Para sa Bayan Plan. Magmumula ang pondo sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, donasyon, grant, at iba pang resources.