Advertisers
KAKAIBA ang imahe ng Kongreso natin. Noong araw, kinakatawan nito ang mga matalino at matinong nilalang na ang dahilan ng pagpunta sa Kongreso ay upang manilbihan, Taliwas ito sa layunin ng kasalukuyang Kongreso. Bagama’t kalakip ang titulong “Honorable,”ang ipinamamalas ng mga halal ng sambayanan ay masasabi na hindi honorable. Nagtatanong ang taongbayan: halal nga ba? Sila ba ay “duly-elected” o “duly-selected?
Aral at bihasa sa Saligang Batas ang mga bumuo ng 1987 Constitution. Pinili sila dahil sa taglay na dunong at malalim na kaalaman. Hindi sila pipitsugin at mangmang. Hindi ang Saligang Batas ang may problema, kundi ang mga mapangahas na nagpasok ng enmiyenda o palitan ito. Ang mga pangahas na palitan ang Saligang-Batas ay karilyo lang. Isipin ninyong mabuti. Si Bato de la Rosa, si Bong Go, lalo na si Robin Padilla ay walang kakayahan na bumuo at gumawa ng plano upang palitan ang Saligang-Batas. Wala silang sapat na isip at dunong. Sila ay mga papet. Mga mamaratso na gagalaw kapag hinila ang tali. Sumusunod sila sa udyok at senyales ng humihila ng tali, ang mga tunay na may pakana ng “charter change.”
Sa simula pa ng nakaraang administrasyon, pilit na isinusubo sa bibig ng madla na sukang-suka na. Sumasalamin ito sa sapantaha ng kaibigan natin na expat at kritiko ng lipunan si Joe America. Isinalin ko sa Tagalog ang saloobin niya. Ani Joe: “Sa opinyon ko hindi ang Saligang-Batas ang problema. Korapsyon, kawalan ng kakayahan, kabiguan na mag automate, at palpak na sistema ng hustisya; iyon ang mga problema; ang pagkakaroon ng isang katulad ni Robin Padilla sa Senado, at mga abugado na bumabaluktot sa batas…”
Ito ang mga dahilan kung bakit namamayagpag ang kamangmangan. Totoo ang latang walang laman ay mas maingay. Pagmasdan ang mga tumutulak sa pagpalit ng Saligang-Batas; sila ang maiingay. Isang maingay ay si Robin Padilla. Maging ang pagkakaroon ng oil spill ay sinisisi sa hindi pagpapalit sa Saligang-Batas. Heto lang masasabi ko sa iyo. Pumasok ang hangin sa ulo mo ang pagiging senador mo. Kung may bigat ang sinasabi mo baka pakinggan kita. Iyon lang, iyong dating hangin sa ulo mo ay pinalitan ng bagong hangin. Iyon ay dahil isa ka nang ganap na “duly-selected senator of the Republic of the Philippines.
Tapusin ko na ito dahil walang sustansyang makukuha sa pakikinig sa iyo, at katulad mong mga mamaratso sa Kongreso. Tuldukan ko ito sa sinabi ni Joel Pablo Salud, isang manunulat at kritiko ng lipunan: “Naku hijo, sinong niloko mo? Obligasyon ninyo palitan ang Konstitusyon? Ang obligasyon ninyo ay itigil ang korapsyon na nagpapahirap sa bayan, putulin ang dynasty rule, at bulukin sa kulungan ang lahat ng nakilahok sa drug war at red-tagging. At kung kayo kayo lang din ang magpapalit sa Saligang Batas, aba kahibangan na ‘yan…” Ipinapanalangin ko na ang mga nagdaan na ang espiritu ng mga nagdaang mambabatas ay sumanib sa katawan ng mga ito upang ang Senado ay manatiling katipunang lubos na kagalang-galang. Kasihan nawa tayong lahat ni Poong Kabunian.
***
Naglabas na ng “warrant of arrest” ang International Criminal Court o ICC para kay Vladimir Putin, naglabas ng pahayag ang dating pangulong Rodrigo Roa Duterte na malamang pareho silang hihimas ng malamig na rehas, dahil natunton niya na malapit na rin siyang ipadampot ng ICC dahil sa inihain na reklamo sa kanya dahil sa naganap na malawakang pagpatay dahil sa kanyang madugo pero bigong giyera sa bawal na droga. Hindi ko tuloy malaman kung ito ay nagaala-Nostradamus o nagmamarites. Pero tinitiyak ko na hindi lang bayag ang pinagpapawisan dahil sa matinding kerbiyos, maging mga kasapakat niya sa reklamo na si Bong Go, Bato dela Rosa, at Vitaliano “Boy Wigwam” Aguirre. Malapit na sila, at ayon sa isang ibong mandaragit hindi aabot ng tatlong buwan, masasaksihan nating lahat ang mga kaganapan. Dapat lang. Sumisigaw ang mga biktima ng kabulastugan nila. Sa wakas makakamit nila ang katarungan.
***
Mga Harbat Sa Lambat: “Ang laking katarantaduhan nitong Bureau of Immigration kung naka-paskel pa rin ang posters na ito sa NAIA Terminals ngayon: Una, hindi bawal ang pag-litrato sa mga taga Bl lalo na kung humihingi ng dolyar sa mga dumarating. Pangalawa, hindi slander o paninirang puri sa mga kawani ng BI kung naaktuhan silang kumukupit o nangha-harass ng pasahero para kumita ng dolyar dahil hindi yan kasama sa job description nila. Pangatlo, dahil isang krimen ang pagkupit o pagsapilitang paghingi ng dolyar ng mga taga-BI sa kanino mang pasahero, local man o turista, HINDI BAWAL ANG PAGVIDEO NG ANUMANG KATIWALIAN NA GINAGAWA NG TAGA BUREAU OF IMMIGRATION SA ORAS NG TRABAHO. Bakit kaya hindi pa tinanggal ni SoJ Remulla itong mga hampaslupang posters na ito? ONLI IN DA PILIPINS NGA DAW…”- Ding C. Velasco, netizen, kritiko
“That’s how the International Criminal Court (ICC) asserts its compelling moral institutional power and rally its member-states to work together against tyrants and butchers, who commit irreversible assaults against humanity…” – Leila de Lima, bilanggo ng konsensya, (tungkol sa ICC arrest order laban kay Russian President Vladimir Putin)
***
JokTaym
(Mula kay Copper Sturgeon, netisen): Dalawang killers for hire ang naghihintay sa kanilang bibiktimahin:
Killer1: ANG TAGAL NAMAN DUMATING NG TARGET NATIN…
Killer2: OO NGA… KANINA PA TAYO DITO… SANA WALANG MASAMANG NANGYARI SA KANYA…
***
mackoyv@gmail.com