Advertisers

Advertisers

“GHOST COP” NG BATANGAS PNP!

0 1,374

Advertisers

ISANG problemang nagbibigay-batik na nagiging dahilan ng malawakang korapsyon sa hanay ng Philippine National Police (PNP) na pinagkikitaan naman ng maraming tiwaling police official ay ang pangungunsinti sa hindi pumapasok o nagrereport sa trabaho na mga alagad ng batas.

Sila yaong mga pulis na kung pumapasok man ay madalang pa sa patak ng ulan sa tag-araw o kaya ay may takdang araw lamang kung dumating sa kanilang headquarter, presinto o kung saan mang unit sila nakatalaga. Sila yaong dumarating lamang sa tanggapan ng kanilang hepe kapag may dalang “paldo” at magandang balita.

“Saradong-bukas” na katotohanan ito sa organisasyon ng kapulisan at kung di ito alam ng isang pulis, ibig sabihin ay isa siyang baguhan o rookie policeman sa departamento.



Kahit alam ito ng karamihan, lalo na ng mga antigo o beteranong pulis, ay hindi na lamang sila nagsasalita o nagrereklamo – baka nga naman sila mapag-initan ng kanilang hepe at maitapon sa kangkungan?

Marahil ay libo ang bilang ng mga pulis sa bansa na kung tawagin ay “ghost cop” na hindi nagpapakita sa kanilang assignment, karamihan sa mga ito-kung hindi negosyante ay mga sangkot sa iligal na gawain tulad ng pagiging kriminal o protektor ng gambling at iba pang labag sa batas na pagkikitaan.

Kapalit ng hindi pagpasok o pagduty sa kanilang trabaho ay ang di pagkuha ng kanilang buwanang sweldo, dahil sa superior official nila ito ibinibigay bukod pa sa regular na lagay galing sa kanilang bulsa na nagmula naman sa katas ng paghahanap buhay bilang “ghost cop”.

Ang “ghost cop” ay bawal dahil sa pagbaluktot sa umiiral na panuntunan, hindi lamang ng PNP, kundi paglabag ito sa batas, kaya dapat walang lusot ang mga hindi pumapasok na pulis at mga kunsintidor nilang superior na kumokolekta sa mga sweldo ng mga multong PNP member.

Ang mga “ghost cop” na nagnenegosyo ng ligal ay maari pa nating maintindihan pero ang mga multong 15-30 policemen – na kung hindi financier o operator ng mga illegal gambling at “kapustahan” (tong kolektor) ay hindi dapat kinukunsinti ng pamunuan ng PNP.



Ang mga operator ng mga bawal na sugal na kilala din sa tawag na “kapustahan” (tong kolektor) na “ghost cop” na nagkalat sa mga regional at provincial command, gayon din sa iba pang PNP operating unit ang batik at nagbibigay ng kahihiyan sa PNP, kaya lugmok ang imahe ng police organization.

Maraming kilalang “ghost cop”, ngunit isa sa pinaka-matunog ngayon ay ang gumagamit ng alyas “Sgt. De Guzman” na kilala din sa kanyang taguri na Digong at Allan sa pangongolekta ng intelhencia, suhol, lagay, hatag, tongpats o tara para sa kanyang amo sa kapulisan sa Batangas. Ngunit ang di natin lubos na maisip ay kung bakit tila di ito kilala ni Batangas PNP Provincial Director Col. Pedro Soliba?

Liban sa pagiging “kapustahan” ni alyas “Sgt. De Guzman” ay libreng-libre din itong nagpapatakbo ng mga iligal na pasugal tulad ng pergalan (perya at sugalan), katunayan ay may mga pasugalan itong hinding-hindi matibag ng mga ng hepe ng kapulisan.

Isang halimbawa ay ang pwesto nitong pergalan na mayroon pang shabuhan sa Brgy. Munting Pulo, Lipa City na pinatatakbo naman ng kalaguyong isang alyas Joevelle na drug adik at kilala pang tulak ng shabu.

Walang pulis, kabilang na si Lipa City Police Chief LtCol. Ariel Azurin na makapanghimasok na kantiin, patigilin ang operasyon pergalan nina alyas “Sgt. De Guzman”, bakit kaya? Pati si Lipa City Mayor Erik Africa ay inilalagay ng “ghost cop” na ito sa matinding kahihiyan?

Protektor din ang naturang “ghost cop” ng operasyon ng mga kolurom o walang prangkisang passenger van sa Grand Terminal at Port zone o pantalan ng Batangas City at iba pang lugar sa lalawigan ng Batangas.

Pati mga iligal na paradahan ng mga cargo at malalaking truck sa Port Zone mula sa tapat ng opisina ng Philippine Port Authority (PPA) hanggang sa pier area at Diversion Road ay protektado din ni alyas “Sgt. De Guzman sa pakikipagkutsabahan ng ilang sekyu sa daungan. Kilala kaya ang “ghost cop” na ito ni Batangas City Police Chief LtCol. Dwight Fonte Jr?

Bakit nakalulusot o pinalulusot ang scalawag na ito ni PNP Region 4A Director PBGen. Jose Melencio Nartatez Jr., kailangan pa bang resolbahin ang suliraning ito sa “ghost cop” at ng iba pang multong pulis nina Department of Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos at PNP Chief Rodolfo Azurin Jr?

***

Para sa komento: sianing52@gmail.com/09664066144.