Advertisers
HINDI na tinatantanan ng imbestigasyon ng gobyerno ang naghaharing Teves sa Negros Oriental.
Naalala ko tuloy ang Parojinog sa Ozamis at Ampatuan sa Maguindanao na kapwa untouchables hanggang dumating ang masamang karma sa kanila, mga nawala sa puwesto at nakulong pa.
Ang mga nabanggit na pamilya ay parehong warlords at inakusahan ding drug lords. Mga kinatatakutan sila sa kanilang probinsiya. Kayang kaya nilang manipulahin pati eleksyon!
Pero ang lahat ay may katapusan. Oo! Totoo ang sinasabing walang forever sa power, lalo kung galing sa masama ang pagyaman at pagluklok sa kapangyarihan. Mismo!
Nitong Sabado ng gabi, ni-raid ng pulisya ang tahanan ng minsa’y Negros Oriental Governor Henry Preyde Teves, utol ni Representative (Congressman) Arnulfo Teves na itinuturo namang utak ng pagpatay kay Governor Roel Degamo, sa bayan ng Sta. Catalina.
Gumamit pa ng backhoe ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para hukayin ang pinagtaguan ng mga armas (mga pampasabog, baril at bala) ni Henry Pryde.
Kung paano nalaman ang pinagtaguan ng mga armas ni Henry Pryde? Itinuro ng isa sa mga naarestong suspek sa pagpatay kay Gov. Degamo. Na-ahas siya ng kanilang hitman.
Sa ebidensiyang ito, mukhang malabo itong malulusutan ng mag-utol na politikong Teves. Dahil hindi mahuhukay ang mga armas na ito kung walang direktang alam ang nagturo. Mismo!
Posibleng ang sunod na mahuhukay ng mga awtoridad ay ang mga pinapatay ng kampo ni Teves.
Oo! Kamakailan ay ibinunyag ng biyuda ni Gov. Degamo na si Pamplona mayor Janice Degamo na nasa 30 na ang pinapatay ng kampo ni Teves, bago ang karumal-dumal na pagmasaker kay Gov. Degamo at walong sibilyan sa sarili nilang tahanan sa Pamplona.
Sabi ng isang pinsang mayor ni Degamo, isa rin siya sa “hit list” ng kampo ni Teves. Ilang beses narin aniyang may mga umaali-aligid sa kanyang tahanan, bago pa ang paglikida kay Gov. Degamo.
Siyam pang mayor sa Negros Oriental kasama ni Mayor Degamo ang pumunta kina Justice Secretary “Boying” Remulla at DILG Sec. Benjur Abalos, Jr. para i-report ang gulo ng politika at mga pagpatay sa kanilang probinsiya. Ang kampo ni Teves ang kanilang itinuturong mga salarin!
Bagama’t itinanggi ni Rep. Teves na sangkot siya sa pagpatay kay Gov. Degamo, inginunguso naman siya ng mga naarestong salarin bilang “utak” ng asasinasyon sa gobernador.
Si Rep. Teves ay can’t be reached na, matapos lumabas ng Amerika kungsaan ito nagpagamot bago pa ang pagpatay kay Degamo. May lumabas na ulat na nasa Cambodia ito, kinakanlong daw ng kaibigang “drug lord”, post sa Facebook ng beteranong kolumnistang si Ramon Tulfo.
Wala pa namang arrest warrant si Rep. Teves. At malabong bumalik pa ito ng Pilipinas.
Tungkol naman sa utol niyang si ex-Gov. Teves, sa pagkahukay sa mga nakatagong armas sa kanyang bakuran, malabo niya itong malusutan sa batas. Hindi niya puwedeng sabihin na wala siyang alam dito, hindi kanya ito, dahil sa ngalan na sa loob mismo ng bakuran niya ito nahukay, may pananagutan siya rito. Malamang na mabulok siya sa bilangguan tulad ng mga Ampatuan at nalalabing miyembro ng pamilya Parojinog na binuwag naman ng nakaraang dalawang administrasyon.
Kaya sa mga politiko dyan na ubod ng gahaman sa kapangyarihan at naghahari sa probinsiya, magpakabuti na kayo dahil ang masamang karma ay hindi matatakasan. Kung napaglalaruan nyo man ang batas, ang tadhana ang kakalos sa inyo. Tuldukan!