Advertisers
TAMA si Pangulong “Bongbong” Marcos. Jr. sa pagsang-ayon na palakasin pa ang Enhanced Defense Cooperation Agreemeng ng Pilipinas at United State of America.
Oo! Dahil sa sobra sobra nang pangha-harass ng military ng komunistang China sa ating mga kababayang mangingisda sa West Philippine Sea, kailangan uli ng Pilipinas na buhayin ang matibay na relasyon sa America, matapos tumamlay noong nakaraang administrasyong Duterte.
Akala kasi ni dating Presidente Rody Duterte noon ay makukuha niya sa sobra sobrang pagpakumbaba sa China ang respeto nito para lisanin ng kanilang military ships ang mga bahura sa WPS na nasa loob ng teritoryo ng Pilipinas.
Pero naging kabaligtaran ang pagbigay ng sobra-sobrang pabor ni Duterte sa Chinese government, lalong pinagsamantahalan ang ating mga teritoryo sa WPS, hindi pinapapasok ang ating mga mangingisda, pinagbabantaan at binu-bully ang ating Coast Guards pati na ang ating Air Force ay hinaharang sa himpapawid.
Ito ang nakita ni PBBM kaya inaprubahan niya ang pagpalawak pa ng sites ng EDCA upang matigil na nga ang pangwawalanghiya sa atin ng China.
Sigurado naman tayong pabor na pabor ang mga Pinoy sa naging desisyong ito ng Marcos administration sa dagdag na EDCA sites.
Sana mapalayas na nga ang mga pesteng Chinese military dyan sa WPS! Now na!
***
Nagsalita na si Justice Secretary “Boying” Remulla sa pagkakasangkot ni suspended Negros Oriental 3rd District Representative Arnulfo Teves tungkol sa “criminal group” na aniya’y nasa likod ng paglikida kay Gov. Rodel Degamo at walo pang sibilyan.
Sabi ni Boying, ang criminal group na ito ang nasa likod ng mga pagpatay sa probinsiya. Sangkot rin daw ang grupong ito sa operasyon ng mga iligal na sugal at iba pang iligal na aktibidades sa Negros.
Si Teves, na umaming gumagamit ng iligal na droga noon, ay sinasabing sangkot din sa kalakalan ng iligal na droga sa kanilang probinsya.
Sabi nga ng beterano at batikang kolumnistang si Ramon Tulfo sa kanyang post sa Facebook, “si Arnulfo Teves ay isang drug lord!” Na kung hindi lang, aniya, naging selective ang ‘war on drugs’ noon ni Duterte ay malamang na buhay pa ngayon si Degamo. Araguyyy!!!
Si Teves ay can’t be reached na simula nang mapatay si Degamo noong Marso 4 sa tahanan nito sa Pamplona, NegOr. Sinampahan na siya ng patong patong na reklamo ng Department of Justice (DoJ) pero wala pang arrest warrant na inilalabas ang korte.
Sakalang maisyuhan man ng arrest warrant si Teves, malabo itong maaresto lalo kung totoong nasa kanlungan ito ngayon ng sindikato ng droga sa Columbia.
Subaybayan!
***
Inilawan ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang kahabaan ng Juan Luna sa Tondo, Manila. Ito’y para raw mawala ang masasamang-loob na naglilipana sa gabi sa nabanggit na kalye. Bravo!
Ang isa pang dapat aksiyunan rito ni Mayor Honey ay ang grabeng obstructions sa kahabaan ng Juan Luna, mula Divisoria hanggang Tayuman. Malapad ang kalyeng ito pero sumikip dahil sa kabilaang illegal parking, mga tindahan at kung ano-anong pang mga sagabal na masakit mata. Opo!
Paging: MTPB, MDPS araw-arawin nyo kasi ang paglilinis sa kalyeng ito para hindi na pasukin uli ng MMDA.
Paki-eryahan narin, mga Sir!, ang Kagitingin, mula Zaragosa-Delpan hanggang Moriones, Tondo. Aksyon!