Advertisers

Advertisers

VERDE ISLAND RESIDENTS, NAGKAKASA NG ASUNTO VS CLASSIFICATION SOCIETY, MARINA AT PCG!

0 1,730

Advertisers

INIHAHANDA ng mga mamamayan sa anim na barangay ng Verde Island, ang mga kaso laban sa Classification Society, ilang matataas na opisyal ng Maritime Industry Authority (MARINA) at Philippine Coastguard (PCG) na pinaniniwalaang may pananagutan sa pinsalang idinulot sa karagatang sakop ng pulo kaugnay sa naganap na malawakang oil spill mula sa lumubog na 508 GRT (Gross Register Ton) na M/T Princess Empress sa karagatan ng Naujan Oriental Mindoro noong February 28, 2023.

Kasama sa kakasuhan ng mga apektadong mamamayan ay ang ship captain, rehistradong may-ari ng 508 GRT (Gross Register Ton) M/T Princess na si Reymundo D. Cabial, president at general manager ng RDC Reield Marine Services, Classification Society na accredited ng MARINA, MARINA Administrator Atty Hernani Favia at PCG Commandant Admiral Artemio Abu.

Sa tulong ng isang grupo ng environmentalist, ang mga residente ng mga barangay ng San Agustin Silangan, San Andres, San Agustin Kanluran, Liponpon, San Antonio at San Agapito ay nagtipon kamakalawa sa tanggapan ng kanilang manananggol sa Batangas City para balangkasin ang mga kasong isasampa sa Tanggapan ng Ombudsman at iba pang ahensyang may kinalaman sa maritime safety.



Ayon sa lider ng naturang grupo na kilalang isang “star ship master mariner” ay matindi ang pinsalang kanilang dinadanas sanhi ng kontaminasyon ng industrial fuel sa mga sea coral sa Verde Island na pinamamahayan ng tinatayang may 1,700 fish species.

Pinangangambahan ding nasira ng pagkalat ng kargang 900,000 litro na industrial fuel ng lumubog na M/T Princess Empress ang tinatayang may 300 uri ng coral na tanging sa paligid lamang ng isla (Verde Island) na may 20.23 coastline at land area na 17.37 ektarya matatagpuan.

Bukod sa pagkasira ng mga likas na yamang dagat ng kanilang karagatan ay nangawalan pa ng hanapbuhay ang lahat na mangingisda, nagmamay-ari ng mga pribadong beach resort, pagkaparalisa ng transportasyon at iba pang pinagkikitaan na kung susumahin ay aabot sa milyones na halaga ng salapi.

Ngunit sa kabila anila ng nararanasan nilang pinsala ay nakatutok lamang ang RDC Reield Marine Services, shipping management ng Legaspi City registered M/T Princess Empress, Classification Society, MARINA, PCG at insurance agent ng nasabing motor tanker sa mga biktima ng Oriental Mindoro oil spill.

Ayon pa sa mga apektadong mamamayan, kahit minsan ay hindi nila kinakitaan ng malasakit sa kanila ang may-ari at management ng lumubog na motor tanker, MARINA, PCG at Classification Society na may kinalaman sa naganap na aksidente.



Inaalam pa ng mga biktima at ng kanilang abogado kung sinu-sino ang mga responsableng personalidad at tanggapan na dapat pang panagutin sa nangyaring aksidente na itinuturing na isa sa pinaka-mapaminsalang oil spill sa karagatan ng bansa.

Ang oil spill ay patuloy pa ding kumakalat hindi lamang sa rehiyon ng MIMAROPA (Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan) kundi maging sa ilang bahagi din ng CALABARZON area at Kabisayaan. Pinaniniwalaang magdudulot pa ito ng ibayong pinsala sa kapaligiran at karagatan hangga’t di nakokontrol ang pagkalat sa dagat ng industrial fuel.

“Hindi po namin iaasa na lamang sa aming gobernador, local government units (LGUs) at barangay official ang pagsasampa ng demanda laban sa mga nagpabaya, nangunsinte at posibleng kumita pa na nagresulta sa paglubog ng twin engine na M/T Princess Empress. Kikilos po kami pagkat hindi namin maaatim na kumuha ng ayudang ilang kilong bigas, canned goods, noodles at mga pampalubag loob, lalo lamang masakit sa aming kalooban ang nangyayari sa ating mga kababayan sa Oriental Mindoro na ang ilan pa nilang political leader ang namamahagi ng ayuda ngunit halatang nag-aabo-abogadohan naman at sumisira ng loob ng mga apektadong mamayan upang huwag nang pursigihin ang kanilang pagsasampa ng kaso laban sa mga may kasalanan” , ang pahayag pa ng lider apektadong mamamayan.

Nangangamba sila na maaring mangumisyon pa mula sa insurance at pagkitaan ng ilang korap na government offcial ang naganap na oil spill lalo na sa pagbabayad ng Protection and Indemnifications o bayad-pinsala sa mga naging biktima.

Naniniwala din ang mga biktima na bukod sa MARINA at PCG ay isa sa may malaking kasalanan sa nangyaring oil spill ay ang classification society na hindi naman napagtuunan ng pansin sa ginanap na pagsisiyasat ng Committee on Environment, Natural Resources and Climate Change ng Senado sa hearing na ginanap noong March 8, 2023.

Sinabi ng lider ng naturang grupo na noong kapanahunan ng pamumuno ni MARINA Administrator Vice Admiral Robert Empedrad ay kinansela ang accreditation ng Classification Society Orient Registry of Shipping, ngunit muling naisyuhan ito ng accreditation nang maupo sa pwesto si Administrator Favia.

Ayon pa sa ship captain na lider ng grupo, hindi mairerehistro sa tanggapan ng MARINA ang isang shipping vessel na tulad ng M/T Princess Empress kung walang approval at endorsement ang Classification Society.

Simula sa konstruksyon pa lamang nito dapat sumasailalim na sa mahigpit na pagsusuri ng classification society Inspector upang alamin kung ang may-ari nito ay sumusunod sa tamang specification at desinyo ng pagkakayari nito.

Bawat bansang may maunlad na maritime industry ay may umiiral na Classification Society na accredited ng MARINA at pinatatakbo ng pribadong indibidwal, korporasyon o institusyon na maaring kasapi ng lokal o pandaigdigang classification society.

***

Para sa komento: sianing52@gmail.com / 09664066144.