Advertisers

Advertisers

Nakakatawang Senador

0 239

Advertisers

NAKAKATAWA itong si Senador Robihood Padilla. Parang hindi senador kung magsalita. Kung sabagay isa nga pala itong artista at nagsabing pinilit lang siya ni “Tatay Digong” niyang kumandidatong Senador. Hehehe…

Nagpahayag kasi itong ex-convict Senator na kung huhulihin ng International Criminal Court (ICC) ang kanyang kaibigang kapwa mambabatas, si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, ay “isama na nila ako dahil isa ako sa sumuporta kay (dating Pangulo Rody Duterte” dyan sa drug war. Walang iwanan nga eh. Sasamahan ko sila kung saan sila, tutal sanay naman tayo sa kulungan. Sa abroad pa, naku masarap pagkain doon!”

Nagmistulang tanga si Se. Robinhood sa pahayag niyang ito. Pinagtatawanan tuloy siya ng netizens.



Malakas ang loob ni Robinhood na magsabing isama siya sa pag-aresto dahil alam niyang hindi siya aarestuhin kasi hindi naman siya kasama sa mga inireklamo sa ICC. Bugok talaga!

At paano naman aarestuhin sina Bato at Digong eh wala pa namang arrest warrant laban sa mga ito, hindi pa nga nagsisimula ang mga pagdinig ng ICC.

***

Sa mga pahayag ni Sen. Bato at maging ni ex-Pres. Digong, tila ninerbiyos sila makaraang ibasura ng ICC ang hirit ng Philippine govt. sa pamamagitan ni Solicitor General Menardo Guevarra na ihinto ang imbestigasyon sa mga biktima ng war on drugs at ipaubaya nalang sa Pilipinas ang pag-prosecute sa mga salarin ng mga pagpatay sa nakaraang administrasyon.

Ang punto ng ICC kaya itinuloy ang imbestigasyon ay dahil pinagbigyan na raw nila ng halos dalawang taon ang gobyerno ng Pilipinas para imbestigahan ang mga reklamong pagpatay pero nalaman nitong walang nangyari. Kaya sinabi nito sa ating gobyerno na itutuloy na nila ang imbestigasyon kahit tumiwalag na bilang miyembro nito ang Pilipinas.



Sa datus ng Philippine National Police (PNP), mahigit 6,000 ang napatay sa war on drugs, pero ayon sa human rights group mahigit 30,000 ang mga pinaslang.

Sabi ni Sen. Bato, umaasa siya sa pangako sa kanya ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. noong campaign period na hindi ito maaaresto sa kasong may kaugnayan sa imbestigasyon ng ICC.

Reaksyon naman ni PBBM: “May naniniwala pa pala sa akin?”. Hehehe…

Sabi naman ni ex-Pres. Digong, hindi siya paaaresto ng buhay. Naks!

Pero may pahayag din siya noon… matatamisin niyang mabulok sa bilangguan kesa maging-zombie ang kanyang mga kababayan sa kagagamit ng iligal na droga. Palakpakan!!!

Oo nga pala, inanunsyo ni Sen. Bato na ang abogado niya sa kasong ito sa ICC ay si Sen. Francis Tolentino na nagtapos ng law sa Harvard.

Si ex-President Digong naman ay ang dati niyang spokesperson na si Atty. Harry Roque at nag-hire rin daw ito ng brilliant international lawyer.

Pinahaharang din ni Justice Secretary “Boying” Remulla sa Bureau of Immigration para hindi makapasok sa Pilipinas ang mga imbestigador ng ICC. Ngek!

Ano ba ang kinatatakutan ng kampo ni ex-Pres. Duterte sa imbestigasyon ng ICC kung totoong wala silang ginawang mga paglabag sa karapatang pantao noong sila ang naghahari sa Pilipinas?

Bakit hindi nalang hayaan ang ICC mag-imbestiga kung may makukuha itong mga ebidensya para isakdal sina Duterte et al ng ‘crime against humanity’.

The more na pinipigilan ang ICC sa imbestigasyon lalo lang itong magdududa na may mga ginawa ngang massive human rights violations sina Duterte. Mismo!