Advertisers
Pinuri ni Senator Christopher “Bong” Go si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa pagpapatuloy at pagpapalawak pa ng legasiya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, partikular sa programang Build, Build, Build tungo sa pag-unlad ng bansa.
“Let us continue to capitalize on the gains of the Build, Build, Build program of the previous administration as this can also be used to sustain and to complement the ‘Build Better More’ program of President Ferdinand Marcos, Jr., to ensure that no one will be left behind in the road towards recovery,” ani Go.
Sa pagdiriwang ng kaarawan ng dating Pangulong nitong Marso 28, nagpasalamat si Pangulong Marcos Jr., sa pamamagitan ng isang video message, sa lahat ng sakripisyong ginawa ni Duterte para sa bansa at nangako siyang ipagpapatuloy ang mga legasiya o programa ng nakaraang administrasyon na naging makabuluhan at. nakatulong sa mga Pilipino.
“Happy birthday to you, Mr. President… Lahat ng magandang nasimulan ninyo, we will continue working on it. We will continue to make sure that those projects you started will be successful. And I’m glad that I am able to continue the good work that you started,” ang pagbati ni President Marcos.
Kamakailan, inimbitahan si Go sa inagurasyon ng pinakamalaking port passenger terminal building (PTB) sa bansa sa Port of Calapan City sa Oriental Mindoro.
Binigyang-diin ni Go na ang Build, Build, Build program ay inilunsad ng nakaraang administrasyon sa layong mapabilis ang paglago ng ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng pagtatayo ng iba’t ibang proyektong pang-imprastruktura, tulad ng mga paliparan, daungan, highway, tulay, at iba pa.
“Gusto ko pong pasalamatan ang ating mahal na Pangulong Bongbong Marcos (Jr.) sa pagpapatuloy po ng mga proyekto through his Build Better More (program). Hindi po ito matatapos kung hindi po sa suporta ng ating mahal na Pangulong Bongbong Marcos. Maraming salamat po President Marcos sa pagpapatuloy po ng mga magagandang proyekto ni Pangulong Rodrigo Duterte,” sabi ni Go sa kanyang speech sa inagurasyon.
Pinuri rin ng senador ang dating Pangulo sa paglalatag ng pundasyon para sa pangmatagalang programa sa imprastraktura at sa dedikasyong mabigyan ng mas komportableng buhay ang Filipino.
“Itong proyektong ito ay isa po ito sa Duterte Legacy na ngayon po ay ipinagpapatuloy ni Pangulong Bongbong Marcos. Napakaganda. Importante nga po ay quality service at world-class facility. Nakatutuwa po na dito sa malayong island ng (Oriental) Mindoro nagkaroon po ng pinakamalaking port terminal sa buong Pilipinas,” ayon sa senador.
“Marami pang magagandang seaports sa buong Pilipinas na inuna ni (dating) Pangulong Duterte. Importante po magaganda ang ating mga port terminal at komportable po ang ating mga kababayan. Bukod sa paglalakbay, importante din po dito ‘yung trade at kabuhayan na darating at mapapabilis para sa ating mga kababayan sa malalayong lugar tulad ng MIMAROPA,” idiniin ni Go.
Binigyang-diin ni Go kung paano na ang nasabing mga proyekto ay hindi lamang makapagpapaangat ng kalidad ng buhay bagkus ay magpapabuti rin sa koneksyon at accessibility sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa kanyang bahagi, sinuportahan ni Go, vice chair ng Senate committee on finance, ang ilan pang proyekto sa Oriental Mindoro, tulad ng pagtatayo ng farm-to-market roads sa Bulalacao, Bansud, Gloria, Pola at Socorro; pagtatayo ng mga multi-purpose building sa Bongabong, at Bulalacao; pagtatayo ng potable water system sa Socorro at Pinamalayan; pagbili ng multi-purpose na sasakyan sa Pola; at pagbili ng mga kagamitang medikal para sa lokal na pamahalaan ng Bongabong.
Sa Calapan City, sinuportahan niya ang pagtatayo ng isang multipurpose facility sa Oriental Mindoro Information Technology Park, at mga multi-purpose building sa Oriental Mindoro Provincial Hospital (OMPH) at sa Barangay Santa Cruz, bukod sa iba pa.