Advertisers
Hindi po yan adverisement ng isang popular na clothing/lifestyle na brand.
Sila po ang hindi masyadong nagagamit sa game pero natutuwa sa kanila ang mga manonood. Oo, Haidee sa venue man o sa telebisyon. May sarili silang mga tagahanga na naghihiyawan kapag tinawag na ng coach at ina-announce ng colisuem barker ang pangalan. Crowd favorite baga.
Mahuhusay silang mga manlalaro kaso may mga mas magagaling sa kanila sa roster ng kani-kanilang ballclub.
Kadalasan nakikita natin sila sa last two minutes kung saan tambak na sila o sila ang malaki ang lamang. Yun bang batid na kung sino ang panalo.
Ang isang mahalagang papel nila ay sa ensayo. Pinapahirapan nila ang mga starter sa kanilan depensa buong praktis. Yan ang hindi nakikita na tao.
Noong 70s sa MICAA ang natatandaan ni Tata Selo ay sina Danny Picache ng Crispa at si Ricky Palou ng San Miguel.
Siyempre ang Redmanizers ay star-studded kaya magkakaroon talaga ng mga nagpapainit ng kwan sa bangko. Isa rito si Picache. Na-link siya sa artista na si Blanca Gomez ng Sampaguita-Vera Perez Pictures. Uso-usong kasi ng dekada ang taartits na may boyfriend na basketbolista. Yung ate ni Blanca na si Daisy Romualdez ay naging dyowa ni Manny Paner ng SMB.
Si Palou na produkto ng Ateneo ay naglaro sa Beermen. Dahil guwapo at balbas-sarado kaya maraming mga babae ang tsini-cheer siya sa binibigay sa kakarampot na minuto sa loob.
Sa PBA naman ay nandiyan sina Rhoel Gomez, Dennis Abatuan, Ed Ducut, Freddie Abuda, Nick Bulaong at Mukesh Advani.
Si Gomez ng Alaska ay pinapasok ni Coach Tim Cone sa mga huling sandali para sa mga tres upang makahabol sila sa kalaban.Sina Abatuan, Bulaong, Abuda at Ducut mga masisipag na player lalo na sa ilalim kaya gusto ng audience. Si Advani dahil siguro na lahing-Indiano o Bumbay.Tapos dumating na mga katulad ni Peter June Simon na mula sa seldom-used na player na naging maasahan sa second unit ng Purefoods. Nandiyan din si Paul Zamar na dating SMB pero nang mapunta sa Northport ay isa na sa umiskor sa team. Mga gunner naman sina Simon at Zamar noong college nila.
Mayroon din nasa Team B lang sa varsity squad ng kanyang paaralan nguni’t nakatuntong sa pro league. Isang halimbawa diyan si Aries Dimaunahan. Sa panahon ni Coach Aric del Rosario ay hindi nagkaroon mapabilang sa Growling Tigers sa UAAP pero nakapanhik siya sa PBA. Nadaig ang ibang nasa Team A.
May mga actor sa katauhan ni Dennis Roldan na ipinakiusap ng kanyang manager sa Gilbey’s Gin kaya kakaunti lang playing time niya.
May dayunyor ng superstar na kinuha ng ama kaya nakasali kung saan playing-coach siya. As expected hindi gaano playing time sa laban.
Ngayon makikita natin sa line-up ang mga kagaya nina Stanley Onwubere at Jayson David ng Barangay Ginebra, Jeepy Faundo at Robert Herndon ng SMB, Franky Johnson ay Raymar Jose ng Meralco, James Laput at Russel Escoto ng Magnolia. Sila ang mga hinuhugot sa pambihirang sitwasyon ng mga HC ngayong semis sa PBA.
Kaya sa susunod na masaksihan natin sila ay makipalakpak din tayo kung may maganda silang kilos lalo pa kung naka-shoot o napigilan ang opensa ng katunggali.
***
Tiyak na RSA vs MVP sa PBA Finals. Ganyan ang madalas na pairing sa mga nagdaang conference.
Now naghihintay na lang ang Barangay Ginebra ni Ramon S. Ang sa makakalaban mula sa kampo ni Manny V. Pangilinan. Meralco ba o TNT? Eka ni Ka Berong ay Tropang Giga na yan kasi mas malakas ang line up kaysa Bolts. Tapos isang game na lang ang kailangan para sa karapatang makasagupa para sa korona ang GinKings.