Advertisers

Advertisers

SEMANA SANTA

0 1,675

Advertisers

Dama ang init ng panahon na nagsasabing tag-init at bakasyon ng mga mag-aaral sa bansa. Sa tag-init mapapansin ang pagiging malikhain ng Pinoy na sa maliit na paraa’y nakagagawa upang maibsan ang init na nararamdaman Nariyan na nag-iimbak ng tubig sa malaking batya o drum upang pinagbabaran ng katawan. May iba na may konting pera na bumibili ng hinihipang “swimming pool” na malalaruan at mapagbabaran ng mga anak sa maghapon. At sa gabi, masisilip sina kuya, ate o sina nanay at tatay na nakababad upang maibsan ang init sa maghapon. Ilan lang ito na karaniwang makikita sa mga pamayanan sa bansa. Samantala, sa mga may kaya- kaya, sa swimming pool nagbababad kasama ang ilang kaibigan. Lubhang mainit ngayon, nariyan pa ang init ng ulo sa kawalan ng pagkakakitaan at mahal ng bilihin.

Ang mainit na panahon sa bansa’y pasimula ang Semana Santa o kuwaresma kung saan makikita ang dedikasyon ng maraming Kristiyanong Pinoy sa nakagisnang pananampalataya. Mula sa pagpapa abo sa noo, Linggo ng Palaspas at ang nagkalat na mga pabasa sa mga bahay – bahay. Marami sa mga ito’y kaugalian at panata mula sa mga ninuno. Hindi pinalilipas ang Semana Santa na ‘di maka pagbasa sa Pasyon lalo’t ito’y tradisyon ng pamilya. Nagpupuntahan ang mga kamag-anak, kapitbahay na halinhinang kinakanta ang talata o saknong sa Pasyong Mahal. At sa pagtatapos ng basahan, nariyan na ipinuprusisyon o nililibot ang mga rebultong Santo sa pamayanan upang itaboy ang masasamang espiritu sa pamayanan.

Ang Semana Santa’y panahon upang pag-isipan ang mga pangyayari sa buhay na nagbago ang takbo. Marahil na napabuti’t dumami ang mga blessings at nariyan na bakit nagka hetot hetot ang buhay at saan nagkamali. Nagkamali ba sa pasya na nagdulot ng ‘di masukat na kamalasan na nagpahirap sa buhay. Masasabing may pasya na nagbigay sa iba ng malaking ginhawa sa halip na mapasarili. Malinaw na ang maling pasya ang nagpapabigat sa kabuhayan ‘di lang sa pansarili maging sa pasanin bayan. Sa totoo lang, nakalimot ang marami sa nakaraan ng kung sino na ngayo’y pasang krus ng bansa. Sa semanang ito, ang pagbabalik sa nakaraan at pagtatama kahit sa sariIi’y sana’y mangyari. Dahil ito’y patungo sa kinabukasang may mainit na pagbabago na may pag-unlad sa lahat.



Tunay na mapusok sa pagpapasya ang Pinoy at nadadala sa mga bigay at paghanga, subalit kung napag-iisipan maganda ang kinalabasan at tunay na may pakinabang. May mga nag-iisip subalit kulang sa paraan kung paano ang gagawin ang bagay. May mga Pinoy na sumasangguni sa kaibigan, sa eksperto ng ‘di maligaw sa pasyang gagawin. Subalit sa dami ng iniisip at pasanin sa buhay isa singko ang pagkakamali. At siyang dahilan kung bakit tila araw-araw ang Semana Santang dinaranas. Walang patid ang kalbaryo sa mahal ng bilihin na kahit ‘di Mahal na Araw. Walang lugar na maiibsan ang delubyo sa buhay higit ng pumasok ang mga walang kwentang lider na nagbenta sa bansa sa dayuhang Tsekwa. Hayun kahit ang ating mga mamalakaya’y itinataboy sa sariling karagatan. At hayan ang bagong lider na tila prutas na maraming mukha kung magpasya na kesyo pwede o kesyo ilalaban ngunit ang kilos ay ‘di malaman. O’ takot mapalitan ng babaeng anak ni Hudas.

Sa mainit na panahon ng kwaresma, mabuting magnilay Mang Juan, higit kung ano ang nais para sa sarili higit sa bayan. Ang mabuting pasya ang inaasahan at magiging batayan sa pagharap sa buhay. Pasyang magdadala sa bayan sa muling pagkabuhay dahil ipaalam na ang kabutihan ang nais o dapat ipa-iral ng mga punong bayan. Mapagtatagumpayan ang pagpasan krus ng kahirapan sa pagpapa-abot ng mga usapin na dapat kilusan ng pamahalaan. Hindi gagawa ng mali at ikakasira ng sambayanan, sa halip ipararating ang mga mungkahi para sa kagalingan ng bayan na siyang gagawin ng gobyerno sa kagalingan ng marami. Umaasa na sa pagpapaabot ng mga mungkahi’y tunay na pag-iisip at kikilusan ng pamahalaan na sinisikmura ang pasya na iniluklok ang pala ngiwing pangulo.

Sa linggong ito, ang liwanag ng pag-iisip ang ibig na makamtan para sa bayan na naghahanap ng kagaangan sa buhay. Ang mairaos ang araw-araw na buhay ng may kagaangan ang siyang dalangin at ‘di kalbaryo pinagsasawaan. Ang maalawan na buhay ang siyang maging kaganapan lalo’t ito ang pangako ng taong nakaupo sa trono ng bayan. Hindi maghahanap ng labis sa buhay, ngunit ang makamit ang kaayusan ng pamilya’y sapat ng masasabi. Hindi nanaisin na ang para sa sarili kasiyahang kagalingan ay may naagrabyado o naaapakan. Tulad ng Lingo ng Kuwaresma, kahit kamatayan ang kalalabasan, hinarap ng tagapagligtas ang panganib upang matubos ang mundo sa kasalanan. Sa nasa palasyo ang paglalarawang ito’y gawin para sa kabutihan ng nakakaraming Pinoy.

Ngunit sa totoo lang, ‘di makitaan ng magandang takbuhin sa mga balakin ang mga taga palasyo, lalo’t pag-uusapan ang kagalingan para sa bayan. At masasabing sa dulo ng prusisyon si Mang Juan ang pagpasan sa krus ng kinabukasan.

Sa pagtatapos, ang umiiral na kahirapan sa kasalukuyang buhay tulad ng kawalan ng trabaho, ‘di tamang pasahod, mahal na presyo ng bilihin, pabahay at marami pang iba, ito ang dapat unahin pasanin ng pamahalaan at ‘di ang mga pagtatangal ng maraming kawani sa pamahalaan. Huwag alisin sa puso at isip na hirap na ang bayan. Ang Semana Santa’t panahon upang pag-isipan kung paano mababawasan ang pasanin ng bayan. Magagawa ba ng pamahalaan ang unang hakbang na sa Linggo ng Pagkabuhay’ magsisimula ang pagbangon ng kabuhayan ni Mang Juan.