Advertisers
NAGING malagim ang kamatayan ng isang babae matapos na hindi makalabas sa loob ng kanilang bahay habang nilalamon ito ng apoy sa barangay Sta. Ana, Pateros, Metro Manila.
Kinilala ni fire investigator FO1 Juanrd Cati ng Pateros, Bureau of Fire Protection, ang biktima na si Jaimielyn Origel y Gianan,22, residente ng P. Rosales St., Barangay Sta Ana, Pateros.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng BFP, ang insidente ay naganap alas-5:45 ng hapon mula sa ikaapat na palapag ng gusali na pag-aari ni Jaime Origel kung saan naman nagpapahinga ang biktima sa ikatlong palapag.
Ilan sa mga nakasaksi ang nakitang binalot ng makapal na usok ang four storey residential building ng pamilya Origel subalit naagapan agad ng mga bumbero.Umabot lamang sa unang alarma ang sunog.
Nabigla naman ang pamilya ng nasawi nang malaman na nakulong at hindi agad nakalabas ang dalaga habang gumagapang ang makapal na usok sa kanilang silid. Naniniwala ang mga bumbero na nahirapang humingi ang biktima dahil sa makapal na usok.
Nabatid sa ulat na umabot sa humigit-kumulang P60,000 ang halaga nang napinsala ng sunog. Dinala naman ang bangkay ng nasawi sa Pikes Funeral homes para sumailalim sa autopsy. (JOJO SADIWA)