Advertisers
Nakatakdang ilunsad ng Malacañang ang ‘Konsyerto sa Palasyo: Awit ng Magiting’ o KSP sa Abril 22, 2023.
Ayon kay Presidential Communications Office Sec. Cheloy Garafil, sa paglulunsad nito ay bubuksan ang palasyo para bigyang entablado ang mga bagong performing artists mula sa buong bansa.
Ang KSP na inisyatibo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay serye ng mga konsyerto sa loob ng Malacañang kung saan itatampok dito ang pinakamahuhusay at mga bagong artista bilang pagbibigay halaga aniya sa mayamang kultura at world class talent ng mga Pilipino.
Ayon kay Garafil, naniniwala ang Presidente na kasabay ng pag-arangkada muli ng ekonomiya ng bansa ay hindi dapat maiwanan ang creative industry.
Kabilang sa mga lalahok ay ang mga singer, instrumentalists, dancers at movement artists, rappers, spoken word artist, rock vocalists, theater artists, beatbox artists at marami pang iba.
Sinasabing bibida sa Abril 22 sa entablado ng palasyo ang mga performers mula Cebu, Ilocos Norte, Quezon, Cavite, Iloilo, Davao at Metro Manila.
Ilalatag ang aktibidad bilang pagkilala sa sakripisyo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para panatilihin ang kasarinlan, kapayapaan at seguridad sa bansa.
Sinabi ni Garafil na ito ang una sa serye ng ‘Konsyerto sa Palasyo’ para sa taong ito na ipapalabas naman sa pamamagitan ng live stream sa Facebook page ng Radio Television Malacañang, Office of the President at Bongbong Marcos Facebook page.
“Ang programa ay hatid ng Office of the President (OP), Presidential Communications Office (PCO), Social Secretary’s Office (SOSEC) at Presidential Broadcast Staff–Radio Television Malacañang (PBS-RTVM),” wika ni Garafil. (GILBERT PERDEZ)