Advertisers
Kelan lang ay umapela si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco sa mga kinauukulan para imbestigahan ang posibleng pagkakasangkot ng mga airline personnel sa human trafficking at illegal recruitment.
Ang sabi ni Tansingco, naglabas siya ng nasabing apela matapos na harangin ng mga opisyal ng BI sa NAIA Terminal 3 ang isang babae na nagtangkang umalis gamit ang isang pasaporte na may pekeng immigration departure stamp.
Sa imbestigasyon ay inamin ng nasabing babae na tinulungan siya ng isang airline employee at dating officemate ng huli para pumila sa immigration departure counter. Ani Tansingco, pumila ang babae matapos ibigay ng kanyang ‘handler’ ang kanyang passport at boarding pass na may pekeng BI departure stamp.
Ang insidente ay nangyari noong Abril 5, nang ang nasabing pasahero ay nakatakdang lumipad sa Kuala Lumpur patungo sa kanyang huling destinasyon sa United Arab Emirates, kung saan siya ay kinuha upang magtrabaho bilang isang domestic household worker.
Matapos mapansin ng BI officer na nagsuri sa kanyang passport na mayroon na itong Immigration departure stamp na tila huwad, pinigilan ang babae na makaalis.
Kinalaunan ay kinumpirma ng document forensic laboratory na peke ang nasabing selyo.
“This incident should warn airline personnel that they should not connive with human traffickers and illegal recruiters. They should stop preying on our poor countrymen who want to work abroad due to poverty and their desire to uplift the lives of their families. We thus urge airport authorities to dig deeper into these shenanigans and file the cases against those involved,” ani Tansingco.
Tumanggi si Tansingco na pangalanan ang airline na me kaugnayan sa mga escort ng pasahero dahil nai-refer na daw ang kaso sa NAIA anti-trafficking task force at airport police department at iniimbestigahan na daw ito ngayon.
Sa totoo lang, matagal nang nangyayari ang bagay na ito kaya dapat lang talagang paimbestigahan ni Tansingco.
Dapat din bigyang pansin , lalo na sa NAIA Terrminal 3 arrival area, na pagdating ng flight ay may nakaabang na mga tao ng airline na may hawak na name tag sa papel na may pangalan ng pasahero na kanilang sinusundo. Minsan naman, may mga hawak silang cellfone kung saan naroon ang litrato ng darating na pasahero na kanilang susunduin. Trabaho pa ba ng airline personnel ang ganito?? Isa pa yang anggulo na dapat patignan ni Comm. Tansingco.
Ang pagkakaalam ko, sa mahigit isang dekada ko nang pagco-cover sa NAIA, ang trabahong ito ay sakop na ng Public Assistance Office (PAO) meet and assist department. Sa PAO, pag nag-request ka ng pa-assist, ilalagay mo ang pangalan ng nag-request, pangalan ng pasahero, flight number at pag na-approve ang request, bibigyan ka ng slip na may kumpletong request at ‘yun ang ipiprinsinta mo sa supervisor ng immigration ng terminal kung saan darating ang pasahero .
At least dun, naka-record ang malinaw na detalye ng pasahero kaya mate-trace ang papaalis at paparating na mga pasahero at syempre, pag may kalokohang nangyari, mananagot ang nag-request.
‘Yun nga lang, sa kasamaang-palad, ay may mga kasabwat din ang mga airline personnel na iilang tiwaling tauhan ng immigration.
Para naman sa ikasisiya ni Comm. Tansingco, kaunti lang ang ganitong uri ng mga BI personnel at mas madami pa rin ang ginagawa nang tama at maayos ang kanilang mga trabaho.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.