Advertisers
Hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go, miyembro ng Senate committees on agriculture and on environment, ang gobyerno na palakasin ang reforestation at greening programs nito para malabanan ang posibleng krisis sa tubig sa bansa.
Sa isang ambush interview matapos niya tulungan ang mga nasunugan sa Parañaque City noong Miyerkules, binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng pagtatanim sa bansa na pagtutulungan ng mga lokal na komunidad, lokal na pamahalaan, at pribadong sektor para matugunan ang lumalalang alalahanin sa suplay ng tubig sa bansa.
“Kung mas marami pong puno sa kabundukan natin, mas maraming tubig ulan ang maaaring maiimbak natin sa lupa,” paliwanag ni Go.
Binanggit niya at pinuri ang naging hakbang ng nakaraang administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ilibre ang irigasyon para sa mga magsasaka.
Gayunpaman, binigyang-diin niya na ang papasok na El Niño phenomenon ay maaaring magpahirap sa supply ng sapat na tubig mula sa mga dam at makaapekto sa kakayahan ng mga magsasaka na magtanim sa mga sakahan.
Naglabas kamakailan ng babala ang Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration na ang bansa ay posibleng makaranas ng El Niño simula sa huling bahagi ng taong ito at magpapatuloy hanggang 2024.
Ang weather phenomenon ay maaaring magdulot ng matagal na tagtuyot at malaking epekto sa sektor ng agrikultura ng bansa, na isang mahalagang pinagmumulan ng kabuhayan para sa maraming Pilipino.
Nababahala ang senador sa kalagayan ng mga magsasaka kaya nanawagan siya sa mga ahensya ng gobyerno na agad kumilos ukol dito. Hiniling din niya sa gobyerno na magtayo ng mga imprastraktura na may kaugnayan sa tubig, tulad ng mga irigasyon at water pumping station, na malaking tulong sa industriya ng agrikultura.
“Alam n’yo, tumitindi na po ang epekto ng climate change. Hindi natin maaasahan 100% ang ulan para mag-irrigate ng ating mga lupang sakahan, lalo na po sa panahon ng summer na tagtuyot,” ani Go.
Nanawagan si Go sa Department of Agriculture na magbigay ng alternatibong pagkakakitaan o tulong sa mga magsasaka na apektado ng krisis sa tubig.
“May pondo naman po ang ating Department of Agriculture na tulungan po ang farmers, ang mga maliliit na farmer po na isang kahig, isang tuka,” anang senador.
Bilang bahagi ng 2023 El Niño Mitigation and Adaptation Plan nito, inihayag ng DA na magsusulong ito ng ilang hakbang upang matulungan ang mga magsasaka na makayanan ang inaasahang tagtuyot.
Kasama sa mga hakbang ang paghikayat sa paggamit ng mga organikong pataba, pagtataguyod ng paggamit drought-tolerant and early-maturing crops, at pagsasaayos ng mga kalendaryo ng pagtatanim upang ma-optimize ang mga ani ng pananim.
Masugid na tagapagtaguyod sa pagpapalakas ng sistema at suporta sa agrikultura, si Go ay co-author ng Republic Act No. 11901, na nagpalawak sa pagpopondo sa agrikultura, pangisdaan, at pag-unlad sa kanayunan.
Kasama rin siya sa nag-sponsor ng Senate Bill No. 1850 o “New Agrarian Emancipation Act,” na layong i-condone ang halos P58 bilyong halaga ng pautang sa Agrarian Reform Beneficiaries sa pag-aaring lupain sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program ng gobyerno o mula sa iba pang repormang agraryo.
Ang panukala ay naghihintay na lamang ng lagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang maging ganap na batas.