Advertisers
Salamat Sa Diyos Sa Ngalan Niyang Jesus, Amen.
Dalawang kuwento ng pagbibigay. Dalawang tao. Dalawang pangyayari na tunay nangyari. Parehong pambihira at kamangha-mangha. Parehong nagbibigay ng kapangyarihan. Ito ang mga aral na minsan pa ay tumatak sa isip ng mga Kadugo ng Simbahang Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo, AND KNK, noong Sabado, ika 15 ng Abril 2023.
Dulot ito ng kanilang tinunghayan at binasang mga bahagi ng Bibliya, sa AND KNK Kapihang Kadugo Bible Study and Prayer Session, isang pag-aaral tuwing Sabado, alas 9 ng umaga. Ang Hagai 1:1-15, Mateo 6:1-4, Lucas 19:1-9, at Lucas 21:1-4 ang mga bersikulong tinalakay ng mga Kadugo. Dito naitala ang mga kuwento ng pagbibigay na may kapangyarihang taglay.
Tampok sa Lucas 19:1-9 ang kasaysayan ni Zaqueo. Siya ang namumuno ng mga maniningil ng buwis sa Jericho. Mayaman, dulot ng puwesto. Interesado siyang makita man lamang si Jesus. Kaya naman noong dumaan sa Jericho si Jesus, sinikap ni Zaqueo na masilip ito. Pero, pandak siya, maliit na tao. Ang ginawa niya, umakyat siya sa puno ng sikamoro at nag-abang.
Hindi naman siya nabigo sa nais niya. At sa totoo lang, sobra pa sa inaasahan ni Zaqueo ang nangyari. Dahil nagnais siyang makita si Jesus, higit pa roon ang ipinaranas sa kanya ni Jesus. Pagtapat ni Jesus sa puno ng sikamoro kung saan nangungunyapit si Zaqueo, isang himala ang nangyari. Tumingala si Jesus sa puno, na tila ba alam Niya na naroroon at nag-aabang si Zaqueo.
Pagkatapos, tinawag ni Jesus si Zaqueo. “Zaqueo, bumabâ ka agad sapagkat kailangan kong tumuloy ngayon sa iyong bahay.” At, malugod ngang tinanggap ni Zaqueo sa bahay niya si Jesus. Nagkagulo ang mga tao sa nangyari. Bulong nila sa isa’t isa, nakikituloy pala si Jesus sa bahay ng mga makasalanan. Makasalanan kasi ang turing noon sa mga maniningil ng buwis.
Sa puntong yun, tumayo si Zaqueo, at nagsabi kay Jesus, “Panginoon, ipamimigay ko po sa mga mahihirap ang kalahati ng aking mga kayamanan…” Idinagdag pa ni Zaqueo, “… At kung ako’y may nadayang sinuman, isasauli ko ito sa kanya ng maka-apat na beses.” Di man sinabi sa Bibliya, tiyak nagkagulo ang mga tao dahil dito.
Isipin nga naman natin. Si Zaqueo, itinuturing na makasalanan dahil namumuno siya sa paniningil ng buwis sa mga tao. Biglang ipamimigay ang kaniyang kayamanan sa mahihirap? At, hindi lang yun. Isasauli pa niya ang mga nadaya niyang pera ng maka-apat na beses. Ano ang nangyari kay Zaqueo noong makaharap niya si Jesus? Nagbago siya, walang duda.
Kaya naman, bilang tugon, inihayag ni Jesus, “Ang kaligtasan ay dumating ngayon sa sambahayang ito sapagkat anak din ni Abraham ang taong ito…” Tanong-palaisipan: sa mga nagsasabing tinanggap at sinasampalatayaan ni Jesus ngayon, nagbago na ba sila, gaya ni Zaqueo? Binigyan na din ba sila ni Jesus ng kaligtasan?
Dagdag na tanong-palaisipan: nakikita na ba sa mga nagsasabing tinanggap at sinasampalatayan nila si Jesus ang matagumpay at masaganang buhay na ipinangako ni Jesus? Panghuling tanong-kaisipan: nakikita na ba si Jesus sa isip, salita, gawa, at itsura ng mga tao na nagsasabing tinanggap at sinasampalatayaan nila si Jesus?
Kung “oo” ang sagot ng mga tao sa lahat ng mga tanong-palaisipang ito, kasama nga sila sa mga iniligtas na ni Jesus. Kung “hindi” ang sagot sa kahit isa lamang na tanong, may problema. Sa Lucas 21:1-4 naman, kakaiba ang kasaysayang itinala doon. Nasa sinagoga o sa simbahan, o sa lugar ng pagsamba noon si Jesus. Pinagmamasdan niya ang mga tao na naghahandog.
Nakita ni Jesus ang mga mayayaman na naglalagay ng kanilang mga handog. At nakita din Niya ang isang mahirap ang buhay na biyuda, na naghandog din ng dalawang salaping tanso. Sa mga nakita Niyang ito, nagbigay ng aral si Jesus sa Kaniyang mga alagad. Sinabi Niya, “Ang inihandog ng dukhang biyudang iyon ay higit pa sa inihandog nilang lahat…”
Dagdag ni Jesus, “…Ang inilagay (ng mga mayayaman) ay bahagi lamang ng kanilang kasaganaan, ngunit ang ibinigay (ng biyuda) ay ang buo niyang kabuhayan.” Tanong-palaisipan: Sino sa inyong tingin ang itinuring Ni Jesus na naging mas kalugod-lugod sa kanilang mga handog? Ang mga mayayaman, o ang biyuda?
Ikalawang tanong-palaisipan: Ano ang pagkaka-iba ng mga handog na tinalakay sa kasaysayan ni Zaqueo at sa mga handog sa kasaysayan ng naghihikahos na biyuda? Sa talakayan sa AND KNK Kapihang Kadugo Bible Study and Prayer Session noong Sabado, ika 15 ng Abril 2023, maliwanag ang mga makapangyarihang aral na tinanggap ng mga Kadugo.
Una, sa dalawang kasaysayang napag-aralan, maliwanag ang paksang lumutang. Pinatototohanan ng mga kasaysayang ito ang aral ng Simbahang AND KNK tungkol kay Jesus. Sa kasaysayan nina Zaqueo at ng biyuda, ipinakita doon, o di kaya ay kinumpirma nila, na si Jesus nga, wala ng iba, ang Diyos at Tagapagligtas, na Siyang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo.
Walang duda, nakadiin sa mga kasaysayang ito ang aral ng AND KNK: May nag-iisang tunay na Diyos, pero Siya ay may tatlong anyo—anyong Ama, anyong Anak, at anyong Espiritu Santo. Tingnan po natin. Sa kasaysayan ni Zaqueo, nakita doon na “omniscient”, “all-knowing” o nakaka-alam ng lahat ng bagay si Jesus. Alam ni Jesus na nasa taas ng puno ng sikamoro si Zaqueo.
Walang nagsabi kay Jesus na umakyat ng sikamoro si Zaqueo sa layuning makita si Jesus. Pero, sa eksaktong tapat ng puno, tumigil si Jesus, at direktang tumingin kay Zaqueo. Ganundin, kamangha-manghang noong tinawag ni Jesus si Zaqueo, tinawag Niya ito sa kaniyang pangalan. Binanggit agad ni Jesus ang pangalan ng pinuno ng mga maniningil ng buwis.
Paanong nangyari na alam ni Jesus ang lahat ng mga ito? Iisa lamang ang sagot. Si Jesus ang Diyos na nakaka-alam ng lahat. Walang tao ang may ganung kakayahan na malaman ang lahat. Ang Diyos lang ang may alam ng lahat ng mga bagay. Sa mga nakita sa kasaysayan ni Zaqueo, tiniyak doon na si Jesus nga ang Diyos, na hindi Siya tao, kasi nga, alam Niya ang lahat.
Pero, hindi lamang yun. May ikalawang pagpapatotoo sa kasaysayan ni Zaqueo na si Jesus nga ang Diyos. Matapos ipinakita ni Zaqueo ang pagsisisi at pagbabago, may inihayag si Jesus. Sinabi ni Jesus, “… Ang kaligtasan ay dumating ngayon sa sambahayang ito sapagkat anak din ni Abraham ang taong ito…” Tiyak, mapapa-wow ang mga Kadugo at lahat ng makakabasa nito.
Kasi naman, sa mga aral at turo ng Simbahang AND KNK, tanging ang Diyos lamang ang may karapatan at kapangyarihang maggawad ng Kaniyang kaligtasan para sa mga tao. Pero, iginawad ni Jesus ang kaligtasan, di na lamang para kay Zaqueo, kundi sa kaniyang sambahayan. Ang tanong dito ay simple: bakit naggawad ng kaligtasan ni Zaqueo si Jesus?
Kasi nga, si Jesus ang Diyos na nagkakaloob ng kaligtasan—tatlong antas ng kaligtasan—sa mga tao na nag-iisip, nagsasalita, gumagawa, at may itsurang kalugod-lugod sa Kaniya. Pero, hindi doon natatapos ang pagpapatotoo na si Jesus ang Diyos sa kasaysayan ni Zaqueo. Sa Lucas 29:10, inihayag mismo ni Jesus na Siya ang Diyos. Sa paanong paraan?
Kanyang sinabi doon: “… Ang Anak ng Tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang naligaw…” Sa buong Lumang Tipan ng Bibliya, pagliligtas ng Diyos sa mga naligaw ang paksa. Sa pahayag ni Jesus sa Lucas 29:10, kinukumpirma Niyang Siya ang Diyos na ipinangako sa Lumang Tipan na darating sa daigdig upang iligtas ang mga makasalanan, wala ng iba pa.
Sa kasaysayan naman ng salat sa buhay na biyuda, ipinakita din doon ang pagpapatotoong si Jesus nga ang Diyos wala ng iba. Una, ipinakita din ni Jesus doon na alam Niya ang lahat ng bagay. Alam Niya ang ibinigay na handog ng mga mayayaman. Alam din Ni Jesus ang ibinigay ng naghihikahos na biyuda. Alam Niya ang kalagayan ng mayayaman, at ng biyuda.
Gaya sa kuwento ni Zaqueo, nakita natin sa kuwento ng biyuda na “all-knowing”, “omniscient”, o nakaka-alam ng lahat ng bagay si Jesus. Walang duda, Siya nga ang Diyos. Pero, maliban sa mga aral na ito, ipinakita din sa mga Kadugong dumalo sa AND KNK Kapihang Kadugo Bible Study and Prayer Session noon Sabado ang isa pang mahalagang aral.
Ang mahalagang aral na ito ang nag-uugnay sa lahat ng mga bersikulong binasa sa nasabing Kapihang Kadugo— Hagai 1:1-5, Mateo 6:1-4, Lucas 19:1-9, at Lucas 21:1-4. Ano ang aral? May dalawang uri ng pagbibigay na itinatakda para sa mga mananampalataya at sa mga nagsasabing sila ay mga Kristiyano, o tagasunod ni Jesus.
Sa kasaysayan ni Zaqueo, ang itinakdang pagbibigay ay ang pagbibigay sa mga nangangailangang kapwa. Tungkulin ng lahat na magbigay para may maitulong sa mga tao. Niliwanag ni Jesus, sa pamamagitan ng kasaysayan ni Zaqueo, na ang pagbibigay sa simbahan o sa Templo ay tungkulin ng lahat, upang tugunan ang pangangailangan ng iba.
Sa hanay ng mga Kadugo, ang pagbibigay na ito sa kapwa ay tinatawag na Lingap Kadugo at Lingap Kapatid. Tunay nga, kailangang magbigay ang mga Kadugo para matulungan ang iba. Sa kasaysayan naman ng biyuda, at sa mga paghahayag sa Hagai 1:1-15 at Mateo 6:1-4, ipinakita ni Jesus na tungkulin ang pagbibigay sa simbahan. Kailangang magbigay sa simbahan.
Ito yung ikapu ng lahat ng mga biyaya, kinita, o tinanggap na pagpapalang pinansiyal ng lahat. Dahil biniyayaan ng Diyos ang mga tao sa kinita o pagpapala, kailangan nilang mag-ikapu. Pansinin po natin. Kay Zaqueo, ibinabalik niya ang mga kinuha niya sa mga tao. Sa biyuda, nagbibigay siya para sa simbahan. Ang pagbibigay ng mga mayayaman ay para sa simbahan din.
Parehong pagbibigay, na parehong tinanggap ni Jesus. Sa Kaniyang pagiging Diyos, alam ni Jesus na kailangang tulungan ang mga simbahan para magtagumpay ang mga gawain. Alam din ni Jesus na mas madaling maka-akay sa mga tao na natutugunan kahit papaano ang kanilang mga pangangailangan.
Salamat Sa Diyos Sa Ngalan Niyang Jesus, Amen.
***
REAKSIYON? Email: batasmauricio@yahoo.com. CP: 0947 553 4855.