Advertisers
Timbog ang dalawang high value individual nang makuhanan ng mahigit P1.3 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation sa Caloocan City Linggo ng gabi.
Kinilala ni District Drug Enforcement Unit (DDEU) chief P/Major Dennis Odtuhan ang mga naaresto na sina Samsudin Rasidalyas “Baste”, 33, driver; at Johaima Jamael alyas “Kade”, 33, ng Phase 12, Brgy. 188, Tala, Caloocan City.
Sa ulat ni Odtuhan kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen Ponce Rogelio Peñones Jr., nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa pagtutulak ng droga ng mga suspek kaya minanmanan ang mga galaw ng mga ito at ikinasa ng mga operatiba ng DDEU ang buy bust operation sa Asco Ville Road corner NHA Road, Purok 7, Brgy. 185, na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.
Nakabili ng P50,000 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer alas-10:30 ng gabi at inaresto ang mga suspek.
Nakumpiska ang humigi’t kumulang 200 grams ng shabu sa mga suspek na may standard drug price value na P1,360,000.00, at buy bust money kabilang ang kulay pulang Toyota Innova.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.(Beth Samson)