Advertisers
INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang babaeng South Korean na pinaghahanap ng mga awtoridad sa kanilang bansa dahil sa kasong panloloko o “fraud”.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, nasa kustodiya na ngayon ng BI ang 28 anyos na si Kim Yerum kasunod ng kanyang pag-aresto noong Abril 25 sa Angeles City, Pampanga ng mga miyembro ng fugitive search unit (FSU) ng BI.
Inaresto si Kim sa bisa ng deportation warrant na inisyu ng Tansingco batay sa summary deportation order na inilabas ng BI board of commissioners laban sa Koreana noong Oktubre 2021.
Nabatid sa BI na inatasan na ipa-deport ang nasabing dayuhan nang ipaalam ng mga awtoridad ng South Korea sa BI ang tungkol sa kanyang presensya sa bansa at ang kanyang rekord bilang wanted na pugante sa Korea.
Kasalukuyang nakakulong si Kim sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang hinihintay ang deportasyon nito.
Ibinunyag ni BI-FSU acting chief Rendel Ryan Sy na nasa ilalim ng red notice si Kim mula sa Interpol noong Marso 2020, o pitong buwan pagkatapos ng warrant of arrest para sa pandaraya na inisyu laban sa kanya ng Suwon district court sa Korea.
Sinabi ni Sy na inakusahan si Kim bilang miyembro ng voice phishing syndicate na tinatawag na “Minjun family” na nag-o-operate mula noong 2017.
Dagdag pa ni Sy, isa nang undocumented alien si Kim dahil ang kanyang passport na binawi na ng Korean government.