Advertisers
NANGAKO si Pang. Ferdinand Marcos ng tuloy-tuloy na implementasyon ng mga malalaking infrastructure projects sa bansa.
Ito’y ginawa ng Pangulo matapos pangunahan ang ceremonial contract signing para sa North-South Commuter Railway (NSCR) Project-South Commuter Section na hudyat ng pagpapatuloy ng third phase ng NSCR system.
Sa kanyang talumpati sa event na ginanap sa President’s Hall sa Malacañang, sinabi ni Pang. Marcos na dahil nalagdaan na ang kontrata ay aarangkada na ang kontruksiyon ng South Commuter Section o South Commuter Railway Project (SCRP).
Ayon kay PBBM, inaasahang lilikha ang konstruksiyon nito, hindi lamang ng mahigit dalawang libong trabaho, kundi magbibigay din ito ng iba pang oportunidad at livelihood sa ating mga kababayan.
Bukod sa mapapaluwag nito ang Kalakhang Maynila, sinabi ng Presidente na mapapabilis din nito ang mga transaksiyon, quality time, at mapapaganda ang kalidad ng buhay para sa lahat.
Nagpasalamat naman ang Pangulo sa Asian Development Bank (ADB) at Japan International Cooperation Agency (JICA) sa pagiging aktibo at consistent partners sa infrastructure development ng bansa sa matagal nang panahon, gayundin sa Acciona-DMCI Joint Venture at Leighton-First Balfour Joint Venture.
Ang mahigit isang daang kilomentrong railway project na nagkakahalaga ng P873.62 bilyon ay kokonekta sa Clark, Pampanga at Calamba City, Laguna at bahagi ng flagship project sa ilalim ng “Build Better More” ng administrasyong Marcos. (GILBERT PERDEZ)