Advertisers
ISANG asawa ng Chinese national ang may reklamo laban sa pamamalakad ng kung sinong opisyal dyan sa detention center ng Bureau of Immigration sa Bicutan.
Narito ang kanyang reklamo:
“Sir, hingi po ako ng tulong tungkol sa pamamalakad ng Bureau of Immigration Detention Center sa Bicutan.
Ako po ay asawa ng isang Chinese national. Idadaing ko po ang aming problema tungkol sa pamamalakad nila. Ipinagbabawal po nila ang dalaw mula January hanggang ngayon. Hindi po manlang namin makausap kahit panandalian lamang. At ang dala po namin na pagkain hindi namin alam kung natatanggap ng asawa namin. Kasi kinukuha lang sa amin at sabi nila, sila na ang mag-abot. Iwan ko lang kung nakakarating o kumpleto ang pag-abot nila.
Isa pang problema ang pera na binibigay namin budget nila pangbili ng pagkain sa loob, kasi may sarili silang tindahan, ay kinukuha rin ng mga bantay, at sabi ibabalik daw pero hindi naman. Kaya kawawa sila doon sa loob.
Tapo tuwing madaling araw, ang checking nila mga alas dos at alas tres. Kaya hindi makatulog ng maayos ang mga naka-detain. Ang masama pa puro sibilyan ang nagtse-check at yun ang kumukuha ng pera. Iwan ko lang kung alam ng hepe nila itong pinaggagawa nila o talagang raket na nila ito? Kaya lumapit ako sa inyo, Sir, para malaman ng kinauukulan ang hindi magandang nangyayari sa loob ng detention center ng Bureau of Immigratrion. Sana po sa liham ko na ito ay matulungan mo kaming mga pamilya at para para mabago ang bulok na sistema. Sana makarating po ito kay Pangulong Bongbong Marcos.
Yun nga po palang warden sa detention center ay nagngangalang Leandre “Lee” Catalo. Siya raw po ang naghihigpit na huwag pabisitahin yung mga tao sa loob. Salamat po.”
Warden Catalo, Sir! Totoo ba itong reklamo ng asawa ng Chinese national na nakakulong dyan sa detention center nyo sa Bicutan?
Order ba ito ni Justice Secretary Boying Remulla, Warden?
Kung order ito ni Sec. Boying, parang may mali na dapat ayusin. Mismo!
***
Inamin ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. na dahil magdalawang taon na siya bilang lider ng bansa, naghahabol na raw siya ng oras para matupad ang kanyang mga ipinangako noong eleksyon 2022.
Ano ano ba ang mga ipinangako noon ni PBBM? Unang una ay ang ibaba ang presyo ng bigas sa P20! Mahirap itong matupad dahil napakataas ngayon ng abono at gastusin sa pagtatanim ng palay. Malulugi ang mga magsasaka ‘pag kinuha sa mababang halaga ang kanilang produkto. Oo!
Makapagbebenta lang ng P20 na per kilo ng bigas kung ito’y smuggled rice mula sa ibang bansa tulad ng Vietnam at Taiwan kungsaan mas mababa ang bentahan ng agricultural products.
Ito naman talaga ang nasa isip ng PBBM ang ibenta nalang sa Kadiwa Center ang mga nakukumpiskang smuggled rice pati asukal. Ginagawa na nga ito ngayon.
Ang isa pang ipinangako ni PBBM ay muling mapalago ang ekonomiya ng bansa na talagang dumapa noong kasagsagan ng pandemya ng Covid-19 na sinabayan pa ng grabeng korapsyon.
Pero paano maibabangon ni PBBM ang ekonomiya ng Pilipinas gayung pataas nang pataas ang inflation?
Dumikit na nga si PBBM kay ex-President Gloria M. Arroyo na champion sa economics. Oo! Noong panahon kasi ni GMA malusog talaga ang Pilipinas. Mismo!