Advertisers
Personal na dumalo si Senator Christopher “Bong” Go sa Vice Mayors’ League of the Philippines (VMLP) at Philippine Councilors League (PCL) ng Cotabato province Seminar Workshop sa Grand Men Seng Hotel sa Davao City noong Miyerkules.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Go na patuloy ang kanyang pagsuporta sa mga lokal na komunidad at sa kanyang walang patid na pagsisikap na tulungan ang local government units (LGUs) sa paglilingkod sa kanilang mga nasasakupan.
“Kahit saan kami pumunta noon, (lagi ko naririnig) ‘salamat Senador Bong Go.’ Huwag sana sasama ang loob ninyo ha. Sa totoo lang ‘wag kayong magpasalamat sa amin. Kami ang dapat na magpapasalamat sa inyo dahil binigyan n’yo kami ng pagkakataon na makapagserbisyo sa inyo. Taos puso kaming nagpapasalamat sa inyong lahat,” anang senador.
Binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng matatag na lokal na pamamahala at pagpapaunlad sa antas ng komunidad. Kinilala rin ng senador ang mahahalagang tungkulin ng mga bise alkalde at konsehal at giniit na patuloy niyang susuportahan ang mga ito sa abot ng kanyang makakaya.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng kanilang tungkulin bilang tulay sa pagitan ng pambansang pamahalaan grassroots.
Kailangan aniya ang epektibong pagtutulungan at koordinasyon sa pagitan ng lahat ng antas ng pamamahala upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga Pilipino.
“Parehas lang naman tayo ng trabaho, legislator tayo. National scope lang itong amin, pero ‘wag nating limitahan ang ating trabaho sa paggawa ng dahil alam n’yo naman ‘yan na kayo ang lalapitan ng tao, kayo ang madaling makatulong. Basta kayong mga konsehal (at vice mayors) magkasama tayo sa pagserbisyo sa ating mga kababayan,” ani Go.
“Galing ako sa mababa. Alam ko kung ano ang pinakaproblema sa pinakamababa. Kaya salamat sa inyong pagserbisyo sa ating mga kababayan. Magkakasama tayo. Sino ba ang magtutulungan kung ‘di tayo lang, mga kababayan natin,” dagdag niya.
Nangako rin si Go na patuloy na magbibigay ng tulong sa mga komunidad na nangangailangan lalo na sa mga nahaharap sa iba’t ibang sitwasyon ng krisis.
“Yung naririnig n’yo sa telebisyon na mula Aparri hanggang Jolo, nakarating na ako sa Aparri dahil sa bagyo. Nakarating na ako ng Jolo dahil sa pagbubukas ng Malasakit Center, sunog sa mga Badjao sa Coastal, at sa giyera nakarating na ako doon. Nakarating rin kami ng Batanes, mas malapit pa ‘yan sa Aparri… Sabi ko, hindi ako naka-upo lang sa opisina habang ang mga kababayan natin ay naganap ng tulong,” sabi ng senador.
“Pupuntahan ko kayo basta kaya lang ng aking katawan at panahon para makatulong sa abot ng aking makakaya, makapaglunsad ng mga proyekto na makakatulong sa komunidad, marinig ang mga hinaing ng taumbayan, at makapag-iwan ng ngiti sa oras ng inyong pagdadalamhati,” pahabol pa niya Go.
Bilang tagapangulo ng Senate Committee on Health, sinabi rin ni Go sa mga lokal na opisyal na handa ang kanyang tanggapan na tumulong sa mga nasasakupan na nangangailangan ng tulong medikal. Binigyang-diin din niya ang Malasakit Centers Act na pangunahin niyang inakda at itinataguyod sa Senado.
“Mayroon na tayong 157 na Malasakit Center sa buong Pilipinas na handang tumulong sa inyong lahat. Ang Malasakit Center ay one stop shop, nasa loob ng ospital at apat na ahensya ng gobyerno, ang PhilHealth, PCSO, DOH, at DSWD. Nasa loob ng ospital na handang tumulong sa mga poor and indigent patients,” ayon sa mambabatas.