Advertisers
KUNG may dapat pag-ukulan ng pansin ang kauupong PNP Chief, Benjamin Acorda Jr., ay walang iba kundi ang mga Region 4A, Region 1, 2 at 3 at ang National Capital Region (NCR) na siyang kinikilalang mga pangunahing rehiyon ng bansa.
Ang sentro ng kaunlaran, kalakalan at luklukan ng kapangyarihan ng pamahalaan ay matatagpuan sa naturang mga rehiyon at kaakibat naman ng masulong na kaunlaran sa mga naturang rehiyon ay ang malaganap ding kriminalidad na ang kalimitang ugat ay ang di masugpong bentahan ng droga. Pasimuno pa mismo sa mga nasabing kabulastugan ay mga alagad ng batas at mga operator ng illegal vices.
Ang mga operator ng sangkaterbang iligal na pasugalan at iba pang iligal sa nasabing mga rehiyon tulad ng STL bookies, pergalan (perya at sugalan) sakla joints, paihi o buriki, illegal mining, illegal logging ang siya ding kapiltalista ng kalakalan ng droga.
Kaya’t ngayon ay nakatututok ang mapanuring mata ng mga mamamayan sa performance ni PDG Acorda Jr., kailangan mapagtagumpayan nito kung saan nabigo ang kapulisan sa ilalim ng termino ng kareretirong PNP Director General Rodolfo Azurin Jr.
Pumalpak ang liderato ni ex-PDG Azurin Jr. pagkat hindi siya umaksyon sa mga sumbong ng mga mamamayan, kinunsinti ang maraming mga pabaya at tatamad-tamad na mga pinuno tulad ng mga PNP district, regional at provincial commanders at maging mga police chiefs na lansagin ang mga pasugalang front ng bentahan ng droga lalo na ng shabu.
At dahil sa napapabalitang ang malaking kantidad ng droga na nanakaw o kinupit mula sa nakumpiskang shabu sa money lending office ni M/Sgt. Rodolfo Mayo noong October 8, 2022 ay kasalukuyang ibenebenta na sa mga lalawigan ng CALABARZON kayat kailangang atasan ni PNP Chief Acorda Jr. si Region 4A Director PBGen. Carlito Gaces na magsagawa ng police operation laban sa mga pasugalang sentro ng bentahan ng shabu sa ibat ibang mga siyudad at bayan sa nabanggit na rehiyon.
Kabilang sa iniuulat na ginagamit na salyahan ng shabu ay ang pergalan (perya at sugalan) na ipinatayo ng magkasosyong tomboy na sina alias Ajie malapit lamang sa Lucena City Hall, na kinaroroonan ng opisina ni Mayor Mark Alcala.
Naglagay ng kunyari ay tiangge ng ibat ibang produkto ang operator ng naturang pasugalan ngunit palihim namang nagbebenta ng shabu habang nagpapasugal doon ng color games, beto-beto, kalaskas, cara y cruz at iba pang mga bawal na table at card games ang mga empleyado ng nasabing gambling/ drug den.
Nagmumukhang tanga tuloy ang mga opisyales ng kapulisan ng Lucena City pati na si Quezon Provincial PNP Provincial Director, P/Col. Ledon Monte pagkat napapalusutan nga ang mga ito ng mga beteranang mga tomboy na pergalista.
Napapalusutan nga ba o sadyang pinalulusot ang mga ito ng ilang mga opisyales at miyembro ng Lucena Police Office?
Ang iba pang mga hayag na bentahan ng shabu ay ang paihian o burikian ng isang Troy sa Brgy. Talim, Brgy. Bocohan sa pasingawan ng isang Eric, kapwa sa siyudad din ng Lucena at Malabanban, sa bayan ng Candelaria sa burikian ng isang Lanie.
Isa namang alyas Sammy ang nag-ooperate din ng burikian na may bentahan din ng shabu sa bayan ng Guinyangan ng nabanggit ding lalawigan ang di rin naaaskyunan nina Col. Monte at ng lokal na kapulisan.
Marami pang mga shabu traders ang nagkukunyaring pergalan operator at elementong kriminal ang nag-ooperate sa mga siyudad at bayan sa lalawigan ng Quezon, ngunit tila wala namang kamuwang-muwang sa nagaganap na kabalbalang ito sa Provincial Gov. Helen Tan.
Nagtataka naman ang inyong lingkod kung bakit malaya pa ring nag-ooperate ang mga naturang iligalista sa naturang probinsya gayong may ilang buwan pa lamang ang nakararaan ay nangako ang liderato ng Quezon Province PNP at CIDG Quezon Provincial Office na hahanapin, huhulihin at kakasuhan ang mga maintainer ng nag-ooperate na paihian, burikian at pasingawan at mga pergalan at iba pang grupong kriminal sa nasabing probinysya.
Ngunit anyare na ba Col. Monte, CIDG Provincial Officer LtCol. Mark Jayson Gatdula sa pangakong all-out drive versus paihi, pergalan na may shabuhan at iba pang uri ng kailigalan? Baka naman pangakong napako lamang?
Samantala isang public scholl teacher na kilala sa alyas Wena ang nagtutulak din ng shabu sa pergalan sa Poblacion Caluan, Laguna. Ang iba pang pergalan na hayag ding bentahan ng shabu ay nasa Brgy. Macabling Golden City Kalesa Café, Brgy. Pulong Sta Cruz na inooperate ni Guiller at Garden Villa sa siyudad ng Sta Rosa pawang sa Sta Rosa City ng nabanggit na lalawigan.
Karamihan naman sa mga drug dens sa Batangas na nagtatago sa operasyon ng tradisyunal na peryahan ay pinatatakbo ng ninja cops at kasosyo nito ay matatagpuan sa Poblacion ng bayan ng Lobo, malapit lamang sa headquarters ng Lobo Municipal Police Offic.
Sa, Brgy. Munting Pulo, Brgy. Lumbang at San Salvador ay pinatatakbo naman ng dalawang lady drug pusher, isang alyas Edith at isang Glenda na dummy ng kanilang kalaguyong mga pulis ang dru dens.
Mayroon din mga drug joints sa Brgy. Sinisian sa bayan ng Lemery, Brgy. Putol at Brgy. Palico sa bayan ng Tuy, Brgy. Lanatan at Brgy. Caybunga, kapwa sa bayan ng Balayan at Brgy. Talaibon, Ibaan na inooperate ng isang alias Venice. Sa bayan ng Rosario ang hayag na bentahan ng shabu ay sa Brgy. Maalas-as na pinatatakbo ng isang Jenny, Brgy. Masaya ni Jessica, Brgy. San Carlos na ang nag-ooperate ay isang Boyet, Brgy. Namunga na ang operator ay isang alyas Rodalyn at Brgy. Puting Kahoy na pinatatakbo ng isang Hapon. Pawang nasa hurisdisksyon ni Rosario Town Mayor Leovi Morpe. Kaya naman mayor, gissiinngg!
Sa lalawigan ng Cavite, sina alyas Minong na may alyas pang Mayor, Hero, Anacan at isang scalawag na alyas Sgt. Sevilla na kilala din sa taguring Santiago at Tagoy ang nagpapatakbo ng jueteng con drug den na kunyari pa ay PCSO sponsored Perya ng Bayan (PnB) sa lahat na mga siyudad at musipalidad ng lalawigan ni Gov. Junvic Remulla. Ngunit ang rebisahan ng PnB kuno ay kargado naman ng shabu na di naman sinasawata ng kapulisan ng Cavite.
Ang mga pergalan con drug outlets sa probinsya ng Rizal sa hurisdisksyon ni PCol. Dominic Baccay ay pinatatakbo nina Cris sa Brgy. Tikling sa bayan ng Taytay, Floodway na inooperate ni Rambu at sa malapit sa Municipal hall ng bayan ng Binangonan na inooperate nina Tita Tomboy at Rambu.
Suhestiyon ng inyong lingkod kina Quezon PD Col. Monte, Batangas PD Col. Pedro Soliba, Laguna PD. Col. Randy Glenn Silvio, Cavite PD Col. Christopher Olazo at Rizal PD Col. Baccay, huwag na sana ninyong hintayin pa na sina RD. PBGen. Gaces at PDG Acorda Jr. ang siyang umaksyon!
***
Para sa komento: sianing52@gmail.com / Cp. No. 09664066144.