Advertisers

Advertisers

MILYONES PAYOLA NG PAIHI NINA ED AT RICO SA MALVAR, BATANGAS; ILLEGAL LOGGING, STL BOOKIES AT PERGALAN SA BAGONG R4-A CHIEF! (PART 1)

0 1,309

Advertisers

SA pagkapagpalit ng police director ng Region 4-A, marami ang natuwa sa appointment ni BGen. Carlito Gaces bilang hepe ng CALABARZON kapalit ni BGen. Jose Melencio Nartatez Jr. na itinalaga naman sa PNP Headquarter sa Camp Crame, Quezon City.

Sinabi ng Anti-Crime and Vice Crusaders group sa rehiyon na bulag, pipi at bingi si Nartatez Jr. sa daing at reklamo ng mamamayan hinggil sa naglipanang operasyon ng ibat ibang kailigalan tulad ng sugalan, paihi, illegal logging at maging ng petroleum at oil smuggling sa Batangas Pier at iba pang port sa CALABARZON area.

Ang kawalan ng aksyon ni Nartatez Jr. sa mga sumbong ng mga apektadong residente ukol sa mga kailigalan sa kanyang area of responsibilty (AOR) na susi sa korapsyon sa kapulisan sa rehiyon ay ipinagbigay alam ng mga anti-crime at vice mover kina Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos at maging kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.



Mabagal man ang naging aksyon ng pangulo at ng kalihim ng DILG, masaya na rin ang mga anti-crime and vice crusader na tinanggal si Nartatez Jr. na sa kanilang pagtataya ay isang palpak, kundi man pinaka-palpak na naging hepe ng pulisya ng CALABARZON.

Pinalitan si Nartatez Jr. ng iniuulat na inaanak sa kasal at magreretiro na din sa serbisyo sa darating na October 2023 na si PBGen. Gaces.

Ngunit hindi pa man nag-iinit ang puwet ni BGen. Gaces sa kanyang bagong luklukan, tulad ng mga nagdaang regional commander ay kumilos na ang mga sindikato ng mga iligalista sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon, para lumikom ng milyones bilang “pasalubong”, suhol o payola kay BGen. Gaces.

Sa isang meeting ng mga “kapustahan” (police tong kolektor) na dinaluhan din ng mga imbitadong iligalista sa buong rehiyon at ginanap mismo sa Camp Vicente Lim Police Headquarter, Canlubang, Laguna ay ipinakilala ng isang mataas na PNP official si alias Billy Joe bilang bagong engkargado o bagman daw ng heneral na hindi lamang in charge sa paglikom ng “parating” para sa tanggapan ng RD 4-A kundi siya rin ang magbibigay ng go signal o bendisyon para makapag-operate ang anumang uri ng iligal sa CALABARZON area.

Nakatitiyak naman na kung si PBGen. Gaces ang tatanungin, ay hindi nito kilala si Billy Joe at lalong hindi nito alam ang pagkakaroon ng pagpupulong sa Region 4-A para hulmahin ang mga “cash-unduan” sa pagitan ng mga iligalista at grupo ni Billy Joe na siyang nakabili ng pwesto bilang lider ng “kapustahan”.



Iniulat ng ating police insider na nabili ni Billy Joe ng halagang Php 6.4 kada linggo ang pagiging “kapustahan” sa isang bidding na ginanap din sa RD4-A police headquarter, pagkaupong-pagkaupo pa lamang ni PBGen. Gaces.

Kaya nadoble ang presyo ng lingguhang protection money ng mga iligalistang paihi o buriki sa Brgy. Bulihan sa bayan ng Malvar na inooperate ng magkasosyong alyas ex-Mayor Ed at Rico at sa Brgy. Salong sa bayan ng Calaca na pinatatakbo ng magkasosyong Glen at Dodong. Sina Glen at Dodong ay gumagamit din ng ibat -ibang aliases sa kanilang operasyon.

Kahit pa na-raid ang paihian ng mga ito noon lamang nakaraang buwan ay balewala ito sa kanila pagkat ibang mga pangalan nga ang ginamit ng kanilang mga tauhan nang ipagharap ng kaso sa Batangas Prosecutor’s Office. Natural, malaki ang papel na ginagampanan ng imbestigador at ng mga arresting officer sa isinagawang moro-moro na raid at isinampang kaso.

Tumataginting na tig- Php 300,000 naman ang lingguhan at bagong tara na itinakda ni Billy Joe kina alyas ex-Mayor Ed at Rico para huwag matigil ang operasyon ng burikian sa Brgy. Bulihan sa bayan ng Malvar at Glen at Dodong ng Brgy. Salong sa bayan ng Calaca.

Katwiran ng mga nasabing iligalista, may naunang bendisyon na sa kanilang operasyon ang tanggapan nina Malvar Police Chief Major Jonathan Amutan at office of the Mayor Cristeta Reyes, Calaca Town Mayor Naz Ona at ng hepe ng kapulisan nito.

Ngunit balewala din ito kung wala namang basbas ang opisina ni Batangas PNP Provincial Director PCol. Pedro Soliba? So far, tuloy na naman ang ligaya nina ex-Mayor Ed, Rico ng Bulihan, Malvar buriki, Glen at Dodong ng Calaca paihi o buriki.

May malakihan ding operasyon ng paihian, buriki o pasingawan sa lalawigan ng Quezon, kaya dumating din sa pa-meeting nina Billy Joe ang mga operator na sina Troy ng Brgy. Lalig, Lucena City, Lanie ng Brgy. Malabanban sa bayan ng Candelaria at maintainer ng pasingawan ng Liquified Petroleum Product (LPG) at patulo ng krudo, gasoline at gas na si Eric ng Brgy. Bocohan sa siyudad din ng Lucena. Isa namang alyas Sammy ang nag-ooperate din ng burikian na may bentahan din ng shabu sa bayan ng Guinyangan, Quezon ang dumalo din sa pagpupulong.

Tiniyak ni Billy Joe sa mga iligalistang dumalo sa meeting na status quo o wala munang mangyayaring sibakan o palitan sa pwesto ng mga nakaupong PNP Provincial director sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon, basta’t on time ang “parating” ng mga nasabing iligalista.

Hindi naman kayang ipinta ni Amorsolo ang ngiti ng kagalakan nina Batangas PD Soliba, Cavite PD, Col. Chistoper Olazo, Laguna PD Col. Ray Glen Silvio, Quezon PD Col. Ledon Monte at Rizal PD Dominic Baccay sa balitang “status quo order”.

Ngunit umalma naman kay Billy Joe ang grupo ng mga illegal logger sa Quezon pagkat ang dati ay Php 3,000 kada kinsenas nilang tara ng Region ay itinaas sa Php 5,000.

Ang mga umalmang magkakahoy o illegal logger ay kinilalang sina alyas Kap Nogi, Ramil at Charlie ng bayan ng Gumaca, Macoy ng Agdangan, alyas Sgt. Tagoy ng Padre Burgos, Alex ng Unisan, Rickson, Martin, Dag, Ursua, at Valiente, lahat ay taga-bayan ng Mauban. Batay sa ulat ng ating mga KASIKRETA ay may tinatayang 160 katao ang kumikilos na illegal logger sa buong lalawigan ng Quezon.

Katwiran naman ni Billy Joe, kapalit ng kanyang pagtataas ng tongpats o protection money ay ang malaya at walang habas na pagtotroso, pagpuputol ng kahoy maging ng mga niyugan sa Bundok Peninsula at iba pang kagubatan sa Quezon Province para gawing coco lumber at pag-ooperate ng illegal sawmill ng mga nabanggit na iligalista saan mang panig ng lalawigan ng Quezon.

Napakatagal na nga ng panahon na tila napabayaan ang peace and order dahil imbes na trabaho ay pagkakakitaan ang inaaatupag ng maraming inuupong police official. Kaya bago pa man sila abutin ng rigodon, dapat kumilos na sina Cavite PD Col. Christoper Olazo, Batangas PD Col. Pedro Soliba, Laguna PD Col. Ray Glenn Silvio, Rizal PD Col. Dominic Baccay at Quezon PD Col. Ledon Monte, linisin, supilin na ninyo ang mga nabanggit na iligalista sa inyong mga hurisdiksyon. May karugtong…

***

Para sa komento: sianing52@gmail.com / Cp. No. 09664066144.